Ayaw Nang Makisama sa Nang-abandonang Asawa

Dear Atty. Acosta,

 

DALAWANG TAON na ang nakaraan mula nang bigla na lamang kaming iwanan ng aking asawa. Sa loob ng panahong iyon ay wala kaming natanggap na suporta mula sa kanya. Ngayon ay nais niyang muling mabuo ang aming pamilya at pinagsisihan na raw niya ang ginawa niyang pag-abandona sa amin. Hindi ko na po gustong makisama pa sa kanya, ang tanging gusto ko na lamang ngayon ay maging legal na ang aming paghihiwalay. Ano po ba ang maaari kong gawin?

               

Regie

 

Dear Regie,

 

MAYROONG MGA alituntunin ang ating batas kung saan ang mag-asawa ay pinapayagan na maghiwalay ng tirahan at mamuhay nang malayo sa isa’t isa. Ito ay ang tinatawag na legal separation.

Ang pag-aabandona ng iyong asawa sa iyo at sa inyong mga anak nang walang makatarungang dahilan sa loob ng mahigit sa isang taon ay isa sa mga batayan na isinasaad ng ating batas sa legal separation (Article 55, Family Code of the Philippines). Dahil dito maaari kang maghain ng Petition for Legal Separation laban sa iyong asawa sa Family Court, o kung wala nito, sa Regional Trial Court ng lugar kung saan ikaw o ang iyong asawa ay kasalukuyang naninirahan. Maaari kang maghain ng nasabing petisyon sa loob ng limang taon mula nang ikaw ay inabandona nang walang dahilan ng iyong asawa.

Subalit magsisimula lamang ang hukuman na dinigin ang iyong petisyon makalipas ang anim na buwan na bibilangin mula sa petsa ng iyong paghahain ng petisyon. Ito ay ang tinatawag na “cooling-off period” kung saan binibigyan ng ating batas ang mag-asawa ng pagkakataon na muling subukang maayos ang kanilang hindi pinagkakaunawaan. Kung sa loob ng nasabing panahon ay hindi pa rin naayos ang inyong pagsasama, sisimulan na ang pagdinig sa merito ng iyong petisyon kung saan bibigyan din ng karapatan ang iyong asawa na ibigay ang kanyang panig.

Kapag pinanigan ng hukuman ang iyong petisyon, maaari na kayong manirahan sa magkaibang bahay ng iyong asawa subalit ang inyong kasal ay mananatiling may bisa. Hahatiin na rin ang anumang ari-arian na inyong naipundar sa panahon ng inyong pagsasama.

Ang kustodiya ng inyong mga anak ay ibibigay ng hukuman sa magulang na hindi nagiging dahilan ng paghihiwalay. Sa pagbibigay ng kustodiya, isasaalang-alang ng hukuman ang ilang konsiderayon lalo na ang piniling magulang ng isang anak na nasa edad na pitong taong (7) gulang o higit pa, maliban na lamang kung ang magulang na kanyang pinili ay hindi karapat-dapat mabigyan ng kustodiya. Ang inyong mga anak na mas bata sa pitong taong (7) gulang ay mapupunta sa iyo, maliban na lamang kung mapapatunayan sa hukuman na hindi makabubuti sa inyong mga anak na manatili sa iyong poder.

Dahil din sa ginawang pag-abandona ng iyong asawa, mawawalan na rin siya ng karapatang magmana mula sa iyo.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleSpace ba? Dropbox ang solusyon diyan!
Next articlePag-abuso sa Kapangyarihan

No posts to display