KUNG KAYO AY mapapagawi ng Caloocan kung saan ang hepe ng kapulisan ay isang Jude Santos, mag-ingat sa pakikitungo sa mga pulis – at habang maaaring tawagin n’yo silang “Sir” para ‘di kayo maging biktima ng police brutality.
Kaya ako nagbibigay ng babala ngayon pa lang dahil ayokong mangyari sa inyo ang sinapit ni Ignacio Medallo, Jr. ng Talilong St., Maypajo, Caloocan City.
Noong July 10, bandang 12:00 ng madaling-araw, rumesponde ang ilang pulis sa sumbong na may nagpaputok ng baril sa Talilong Street. Nadatnan ng mga pulis si Ignacio at ang kanyang misis na nagkukuwentuhan sa balkonahe ng kanilang bahay. Tinanong ng isa sa mga pulis si Ignacio kung nasaan ang taong nagpaputok.
Sinagot ni Ignacio ang tanong ng, “Wala na rito, pare.” Biglang napikon ang pulis at sinabihan si Ignacio ng, “Huwag mo akong tinatawag na pare dahil hindi kita kumpare.” Ilang saglit pa nagalit ang nasabing pulis at agad siyang kinaladkad sa kalsada sabay na pinosasan. Napamura si Ignacio dahil wala siyang alam na kasalanang ginawa niya.
Kasunod noon, pinagtulungan na siyang suntukin at tadyakan. At nang sumaklolo ang misis ni Ignacio para awatin ang mga pulis at magtanong na rin kung ano ang kasalanan ng kanyang mister at bakit nila ito sinasaktan, nagalit ang grupo at pati siya ay pinosasan na rin. Nagatungan ang galit ng mga pulis nang magbanta ang misis ni Ignacio na magsusumbong sa media. Kaya tinuluyan silang kaladkarin patungong Sub-Station 2.
Pagdating ng presinto, agad na idiniretso ang mag-asawa sa kalaboso. Sa loob ng kalaboso pinagsusuntok ng hepe ng nasabing sub-station si Ignacio. Nang mapagod sa kakasuntok, inutusan ni hepe si Ignacio na magbigay ng fifty push-ups. Sinabi ni Ignacio na hindi niya kakayanin dahil may mga sugat siya sa mga daliri ng kanyang paa.
Sa puntong iyon, inutusan siyang umakyat na lang sa rehas. Nang makaakyat na sa rehas, kinuha ni hepe ang kanyang M-16 at pinagpapalo at pinagtutusok ang sugat sa paa ni Ignacio. Pagkalipas ng ilang oras, pinalabas din ng kalaboso ang mag-asawa. Pero bago tuluyang pakawalan, dinala ni hepe sa bandang tulay si Ignacio at kinasa nito ang kanyang M-16 sabay na itinapat ng ilang pulgada sa kanyang kaliwang tenga at saka pinaputok.
NANG TAWAGAN NG Wanted Sa Radyo (WSR) si Santos para iparating ang sumbong laban sa kanyang hepe sa Sub-Station 2 at sa mga tauhan nito, sa halip na kaawaan ang biktima sinabi pa ng taong ito na dapat sana tinuluyan na lang ikinulong ang mag-asawa at iniharap sa inquest fiscal. One-side pa lamang daw kasi ang napapakinggan. Bagama’t nangako siyang paiim-bestigahan ang insidente. Sa puntong iyon, pinalayas ko na siya sa ere.
Ayan Santos hindi kita tinawag na “Sir” at pinalayas pa kita sa ere. Ibig bang sabihin nito ay pupunta ka sa Radyo5 at poposasan ako? Aber subukan mo nga kung matapang ka, Santos!
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na mapapanood din sa Aksyon TV sa Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo