Dear Atty. Acosta,
MAYROON PONG CANADIAN visa ang aking ama at plano niyang pumunta roon ngayong Pasko. Wala po naman sanang problema ito sa amin, subalit ang inaalala namin ng aking ina ay mayroon siyang sakit sa puso at nais niyang pumunta roon ng walang kasama. Mapapanatag ang aming loob kahit man lamang sana ay kumuha siya ng sertipikasyon mula sa kanyang doktor na maaari siyang magbiyaheng mag-isa, ngunit ayaw po niyang pumunta sa doktor. Ang nais po naming malaman, maaari po ba namin siyang pigilang makaalis? Mayroon po ba kaming magagawa? – Abel
Dear Abel,
BATID NAMIN ANG inyong pag-aalala sa kalagayan ng inyong ama dahil siya ay mayroong karamdaman sa puso. Subalit hindi ninyo siya maaaring mapigi-lang magbiyahe kung kanya itong nanaisin sapagkat ang bawat isa sa atin ay mayroong karapatan na malayang makapaglakbay. Ayon sa Section 6, Article III ng ating 1987 Constitution, “x x x Neither shall the right to travel be impaired except in the interest of national security, public safety, or public health, as may be provided by law.” Batay sa nabanggit na probisyon ng batas, kung mayroon lamang hadlang sa seguridad ng bansa o sa kapakanan o kalusu-gang pampubliko maaaring pigilan ang isang tao sa kanyang paglalakbay. Sa sitwasyon ng iyong ama, wala ang alinman sa mga sumusunod na dahilan kung kaya’t maaari siyang pumunta ng bansang Canada kung gugustuhin niya ito. Kung ipipilit ninyo na pigilan siya ay malalabag ninyo ang kanyang karapatan at maaari niya kayong ireklamo.
Marahil ay makabubuti na pagpaliwanagan na lamang ninyo ang iyong ama upang ipagpaliban na lamang niya ang kanyang pagpunta sa Canada. Isa-isahin ninyo ang mga dahilan at agam-agam ng inyong pamilya kaugnay ng kanyang pag-alis at ang mga posibleng epekto nito sa kanyang kalusugan upang maintindihan niya ang inyong panig. Maaari rin kayong makipagkasundo sa kanya na hindi ninyo hahadlangan ang kanyang pag-alis, kung mayroon siyang kasamang kamag-anak sa kanyang pagpunta roon at mabibigyan siya ng sertipikasyon ng kanyang doktor na nasa tama siyang kalusugan at maaaring makapaglakbay. Ipaintindi ninyo sa kanya na ang nais ninyo lamang ay ang masiguro na magiging maaayos ang kanyang pagpunta ng Canada at na hindi maaapektuhan ang kanyang kondisyong pangkalusugan lalo na at malamig sa bansang Canada ngayong andyan na ang buwan ng Disyembre. Maiging samahan ninyo siyang kumunsulta sa doktor upang malaman ninyo ang mga kailangan niyang isaalang-alang sa kanyang paglalakbay pati na rin ang magiging payo sa kanya ng kanyang doktor upang matanggal din ang inyong pangamba. Sa ganitong paraan, maiiwasan ninyo rin na magkaroon ng lamat ang inyong relasyon bilang isang pamilya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o ma-daragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta