Dear Atty. Acosta,
NAGTATRABAHO AKO sa isang pribadong kumpanya. Dahil sa hindi maganda ang pakikitungo sa akin ng aking mga katrabaho, naisip ko na maghanap na lamang ng ibang mapapasukan. Sinulatan ko na ang aking supervisor at pumayag na siya sa aking pagliban. Ngunit isang linggo bago ako tuluyang umalis ay sinabihan ako ng aming HR Manager na hindi raw ako maaaring umalis sapagka’t hindi pa ako pormal na nakapagre-resign sa aking trabaho. Tama po ba iyon? Ang buong akala ko ay makaaalis na ako. Ano po ang kailangan kong gawin?
Daniel O.
Dear Daniel,
ANG ISANG manggagawa ay mayroong karapatan na umalis sa kanyang pinapasukang trabaho. Subalit kailangan niyang bigyang konsiderasyon ang probisyon ng kontrata niya at ng kanyang employer, pati na rin ang mga batas na sumasaklaw sa kanila.
Sa iyong sitwasyon, mahalaga na tingnan mo muna ang nilalaman ng iyong contract of employment. Karaniwang nakasaad sa kontrata ang mga karapatan at obligasyon ng isang manggagawa, kasama na rito ang mga probisyon ukol sa pagre-resign sa trabaho. Maaari mo ring basahin ang inyong company policy, kung mayroong polisiya ang inyong kumpanya ukol dito. Mahalaga na sundin mo ang paraan na nakasaad sa inyong kontrata o polisiya upang maayos kang makaalis sa iyong pinapasukang trabaho. Kung sa mga dokumentong ito ay pinapayagan ang pagre-resign sa pamamagitan lamang ng pagbibigay ng sulat sa iyong supervisor, masasabing maaari ka nang lumiban sa iyong trabaho sa petsa na inilagay mo sa iyong sulat. Subalit, kung ito ay hindi naaayon sa paraang nakasaad sa inyong kontrata o polisiya, masasabing tama ang pinupunto ng inyong Human Resource Manager at hindi ka pa maaaring umalis hanggang hindi mo nagagawa ang iyong pagre-resign sa itinakdang paraan.
Kung hindi mababatid sa iyong kontrata ang tamang paraan ng pagre-resign sa inyong kumpanya, at wala ring nakasaad sa inyong polisiya ukol dito, maaari mong pagbatayan ang ating batas. Alinsunod sa Artikulo 285 ng Labor Code of the Philippines, “(a) An employee may terminate without just cause the employee-employer relationship by serving a written notice on the employer at least one (1) month in advance. x x x” Samakatuwid, kailangan mo munang gumawa ng pormal na liham ng pagpapaalam sa iyong employer, at hintayin na makalipas ang isang buwan upang ito ay maging epektibo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta