NABALITAAN NAMIN na baka hindi na pala si Senador Bong Revilla ang gaganap bilang Ka Eduardo Manalo sa pelikulang ‘Sugo’ na ipalalabas sa ika-100 anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo sa susunod na taon.
Sa kasagsagan pala nitong kontrobersiyang kasalukuyang kinahaharap ni Sen. Bong ay ipinarating nito sa pamunuan ng Iglesia na baka hindi na siya ang tamang taong gumanap sa papel ng kasalukuyang tagapamahalang pangkalahatan.
Ipinarating daw kasi ni Sen. Bong sa pamunuan ng Iglesia na ayaw niyang madamay sa kontrobersiya ang pangalan ng INC, at idawit pa ito sa pulitika. Nahihiya pa nga raw si Sen. Bong dahil napakatindi ng kanyang paggalang kay Ka Eduardo, tapos ay baka mabahiran ito dahil sa mga nangyayari ngayon. Idinagdag pa raw ni Sen. Bong na siyempre, kailangan niyang bigyan ng atensyon ang kinahaharap niyang legal battle, at dahil dito ay maaaring hindi sumapat ang panahon na maitutuon niya sa proyekto.
Nang tanungin naman natin si Sen. Bong ay sinabi nitong hindi naman magiging tama na maapektuhan ang ‘Sugo’, lalo pa’t napakahalaga ng pelikula sa kasaysayan ng INC sa pagdiriwang ng kanilang sentenaryo. Napakalaki naman ng pasasalamat ng senador sa kanila sa pagkakataong ibinigay nila sa kanya, ganu’n din ang karangalan na siya ang unang napili at napagkatiwalaan.
Ayon naman daw sa INC ay pinag-aaralan nila ang sentimyento ng senador. Nanghihinayang daw sila sa mga nangyayari dahil kaibigan ng kapatiran si Sen. Bong, sabay sabi na anuman ang mangyari ay hindi magbabago ang pagkakaibigang ito.
EXCITED NANG magbalik-Kapamilya ang beteranong komedyante at host na si Roderick Paulate.
Ang alam namin ay si Kuya Dick ang magiging bagong host ng Singing Bee kasama ang isa pang balik ABS-CBN na si Amy Perez.
Ang naging host ng Singing Bee ay si Cesar Montano.
Naging usap-usapan din na dalawa raw kina Amy at Maricel Soriano ang pinagpilian ng management ng Dos na maging co-host ni Quezon City Councilor sa nabanggit na show, pero ang una ang masuwerteng napili.
BALITA NAMIN, two Thursday ago lang daw kinausap ng producer ng Showbiz Inside Report o SIR ang apat na mga hosts nito na sina Janice de Belen, Carmina Villaroel, Ogie Diaz at Joey Marquez at ibinalita na makakansela na ang kanilang show na ikinalungkot daw ng mga ito.
Honestly, gusto namin ang tema ng palabas, kaya isa kami sa mga nalulungkot sa pagkawala nito sa ere.
Bukod sa SIR, matagal na rin na balita na mawawala na rin ang no. 1 showbiz-oriented talk show tuwing linggo ng hapon ng ABS na The Buzz na kung hindi kami nagkakamali ay 14 years nang namamayagpag sa ere.
Ang dinig namin ay sa October 20, Sunday, na raw ang huling epsiode nito.
Papalitan daw ito ng bagong title, pero sa ngayon ay wala pa yatang naiisip na working title ang bumubuo ng produksyon nito. Subalit same time pa rin daw ang bagong show every Sunday simula October 27 na ihi-host pa rin daw ng King of Talk na si Tito Boy.
But sad to say, hindi na raw makakasama ni Tito Boy ang kanyang mga co-host sa The Buzz na sina Charlene Gonzalez-Muhlach at Toni Gonzaga.
By then, ang mga bagong makakasama na raw ni Tito Boy na maghahatid ng mga maiinit at latest showbiz news ay sina Carmina at Janice, ngunit, kung tama ang bulong sa amin, ay hindi na raw ito live show kundi ite-tape na lamang.
Franz 2 U
by Francis Simeon