NAKASALUBONG NAMIN NU’NG Monday sa ABS-CBN ang isa sa executives ng Star Records na siyang namamahala ng career ni Charice Pempengco. Inalam namin ang reaction nila sa mga sinabi ng legendary singer/composer na si Freddie Aguilar kay Charice at ‘di sila makapaniwala Sa sinabi ng beteranong singer.
Sa grand launch ng bagong Ka Freddie’s Music Bar and Restaurant sa bandang Adriatico sa Malate, Manila, kinunan kasi namin ng reaksiyon si Ka Freddie sa tinatamasang international recognition ni Charice, pati na ni Arnel Pineda.
“Hindi maganda ang masasabi ko, eh, gusto n’yo, sabihin ko? Eh, pinatototohanan lang ang sinabi ni Mariah Carey na tayong mga Pilipino ay mga unggoy. Kasi, wala tayong sarili, gaya-gaya lang tayo. Nasa Amerika ka na, binigyan ka na ng pagkakataon na kumanta sa ‘Oprah,’ bakit kumanta ka pa ng kanta ni Celine Dion? Sinabi ni Mariah na mga unggoy ang mga Filipino, gaya-gaya lang kayo, eh. ‘Di napatunayan nga, totoo nga.
“Kasi, ‘di ba, what monkeys see, monkeys do. Dapat ang kinanta niya, bakit hindi ‘Dahil Sa Iyo’ o kaya ay kahit ano, basta kantang Pilipino? O kaya Visayan, Ilocano? Lalo siyang sisikat sa buong mundo nu’n,” paliwanag ni Ka Freddie.
Ikinuwento ni Ka Freddie na siya man ay inalok din ng international career. At doon ay may guaranteed contract siya na P10M for ten years. In fact, nagawa na niya ang album sa US at naging back-up singer pa niya noon si Teri de Sario na nagpasikat ng kantang “Fallin.” Nakapaloob sa album ni Ka Freddie ang kanta niyang ‘Anak’ at ‘Alaala ni Ama.’
Iniuwi niya sa Pilipinas ang album at nu’ng pinakinggan niya raw mag-isa ang album, nag-iba ang kanyang isip dahil tunog-Amerikano na ang dating ng kanyang musika. Binantaan siya ng mga foreigner na kausap niya at sinabi na malalaos siya. Pagkatapos noon, inilabas niya ang awiting “Magdalena” at sumikat sa buong mundo. Sad to say, hindi niya nai-promote ito internationally, dahil pinatay na si Ninoy Aquino.
“Imbes na mag-promote ako sa buong mundo, nandiyan ako sa rally, kumakanta ako ng bagong version ng ‘Bayan Ko,’ na later on, naging international ulit. So, mali pala ‘yong mga sinabi ng mga Kano na malalaos na ako, na makakalimutan na ako ng buong mundo. Dahil lalo akong minahal ng buong mundo, dahil nanindigan pa ako, hindi ko ibinenta yung soul ko at hindi ako naging unggoy. So, hindi ako unggoy na Pilipino at maraming hindi unggoy na Pilipino,” diin ni ka Freddie.
Samantala, ayaw namang makialam ni Ka Freddie sa gusot na kinasasangkutan ng kanyang anak na si Megan Aguilar sa bokalista ng bandang Kjwan at anak ni Direk Marilou Diaz-Abaya na si Marc Abaya. Bagaman naririnig nga niya na may problema ang kanyang anak tungkol kay Marc, hindi naman siya basta nakikialam.
“Pinalaki ko nang mabuti at maayos ang mga anak ko. Naririnig ko ‘yun pero naisip ko, bakla lang ang pumapatol sa babae. Wala pa namang sinasabi si Megan sa akin. Pero kapag kinailangan niya ang tulong ko o payo ko, magsasalita ako,” sabi ni Ka Freddie.
Julie Ka!
by Julie Bonifacio