OLA CHIKKA! NAPANOOD ko noong linggo ang reaction nina Toni Gonzaga at KC Concepcion sa The Buzz tungkol sa mga pahayag na binitiwan ni Mariel Rodriguez sa mga isyu tungkol sa kanila. Kung napanood n’yo ang interview ni Mariel noong nakaraang linggo, napakaraming luha ang nailabas niya ngunit wala naman siyang masyadong nalinaw sa mga isyung kumakalat laban sa mga kasamahan niya sa showbiz dahil puro pag-iyak lamang ang nagawa niya.
Kitang-kita sa mga mukha at mga sagot ni KC na naaasar siya sa intriga tungkol sa pagkukuwestiyon daw umano ni Mariel kung bakit mas nauna pa siyang magkaroon ng sariling show. Sagot naman ng host ng Simply KC, totoo man o hindi na nanggaling ang tanong kay Mariel ay ang sagot lamang niya ay mahal niya ang kanyang programa at pinaghirapan niya nang husto para makamit ito at walang kinalaman ang pangalan ng kanyang mga magulang na sina Gabby Concepcion at Sharon Cuneta sa kanyang mga achievements.
Wala namang masyadong naging reaksiyon si Toni Gonzaga tungkol sa pahayag ni Mariel dahil nasabi na niya noon ang kanyang nararamdaman tungkol sa kanyang dating co-host ngunit ang mas agaw-eksena sa diskusyon na iyon ay nang maglabas ng opinyon si Boy Abunda tungkol sa pagkakaibigan. Naniniwala siyang na tamang panahon lamang ang kailangan upang mailabas ang lahat ng saloobin ng isang tao upang magkaayos ang mga dating matalik na magkaibigan. Agad na ipinahayag ni Toni na papaano maayos ang problema kung sa simula pa lang hanggang sa huli ay hindi na katotohanan ang ilalabas ng kausap mo at kahit kailan ay hindi ka mananalo sa diskusyon kung puro kasinungalingan lamang ang maririnig mo.
Mayroong punto si Boy sa kanyang mga sinabi at kitang-kita ang kanyang kabutihan doon pa lamang sa kanyang mga opinyon at pananaw sa buhay. Maging si Toni naman ay may punto rin ngunit base sa pakakaintindi ko sa kanyang mga binitiwang salita, pinapalabas niyang sinungaling si Mariel?
Hmmm… nagtatanong lang naman, pero nakasisigurado ako rito sa iisang bagay na tunay ngang nasaktan si Toni.
MULA SA MAGULONG isyu ng showbiz ay dumako naman tayo rito sa magagandang balita. Tuwang-tuwa ako nang makilala ko itong si Carla Varga, kilala din siya sa pangalang Nida Taruc, na kamag-anak ng beteranong announcer at station manager ng DZRH. Isang tunay na Pilipinang laki sa Cabanatuan City. Hindi pa siya nakapagtapos ng kolehiyo nang pumasok siya sa mundo ng showbizness. Nakitaan ng potential ng isa sa mga kilalang personalidad sa industriya ng pelikula na si Mr. Benlobo ng El Niño Films kaya’t maging movie industry ay pinasok na niya. Noong 80’s lumabas ang kanyang unang pelikulang pinamagatang Digmaan sa Pagitan ng Langit at Lupa directed by Tony Reyes at mula noon ay sunud-sunod nang projects ang kanyang pinagbidahan. Ngunit sa kabila ng kasikatan, pinili pa rin niyang magtapos ng pag-aaral.
Matapos gawin ang kanyang huling pelikula na pinamagatang Isla Grande directed by Ding Pascual, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral at naka-graduate sa kanyang kursong banking and finance at muling nag-focus sa kanyang career bilang isang model at mula roon, nakapag-abroad siya kung saan nakilala niya ang kanyang tunay na pag-ibig.
Ngayon ay isang napaka-successful businesswoman na si Carla at muling pumapasok sa mundo ng showbiz at nagbabalik sa kanyang first love… ang movie industry! At sa tulong ni Direk Tony Reyes at kanyang galing sa pag-arte, hindi siya mahihirapang maibalik ang kasikatang nakamtan niya noon.
Abalang-abala siya sa mga iba’t ibang projects niya sa showbizness at isa na nga roon ang kanyang pagiging busy sa aking programa tuwing Linggo na maaari n’yo siyang subaybayan sa DZRH 666 kHz tuwing Linggo, 2:30-3:30 ng hapon.
MALAMANG AY MISS na miss n’yo na ang aking mga pitik-bulag, ngunit sa dami ng aking chikka ay hindi na magkakasya, kaya pakisubaybayan na lamang sa aming programa ni Lady Camille sa DWSS 1494 kHz, weekdays, 11:30-12 nn, upang makigulo at maging una sa mga chikka. At patuloy pa rin po akong subaybayan sa DZRH TV tuwing Linggo, 2:30-3:30 p.m. Thank you very much and God Bless us all!
Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding