Dear Atty. Acosta,
IKINASAL KAMI NG asawa ko noong taong 2000 at nagkaroon kami ng isang anak. Noong taong 2003 iniwan kami ng anak ko ng aking asawa sapagkat nahibang po siya sa ibang babae. Nagsama sila ng babae niya nang ilang buwan at sila nama’y pinabayaan ko na. Ni kahit singkong duling ‘di ako humingi ng suporta para sa anak ko. Sa pagsasama nila ng ilang buwan, nabuntis ‘yong babae, at doon siya natauhan na balikan kaming mag-ina niya. Humingi siya ng tawad at nagmakaawang bumalik. Dahil sa simula’t sapul, hindi ko pinangarap ang wasak na pamilya at dahil na rin naawa ako sa aking anak, ako ay pumayag at binigyan siya ng pangalawang pagkakataon.
Taong 2004, lumisan ako sa ating bansa para makipagsapalaran sa ibang dako ng daigdig at para rin sa kinabukasan ng aking pamilya, at isa pa, para masubok kung totoong nagbago na ang aking asawa. Subalit ilang buwan pa lamang ako sa ibang bansa, sinabi sa akin ng aking anak na may inuuwi itong babae. Apat na taong gulang pa lamang ang anak ko noon. Nagpaalam ako sa aking amo na mag-emergency exit para ako mismo ang magpatunay kung gaano katotoo ang mga nakarating sa akin. Naki-usap muli ang aking asawa at siya ay pinatawad ko namang muli.
Pero pagbalik ko ulit sa abroad, patuloy pa rin na nagkikita sila ng kanyang babae at ito’y naanakan niya ulit. Ang tanong ko po Attorney ay:
1. Paano po ako magpapa-annul ng kasal?
2. Sapat po bang ebidensya iyong dalawa niyang anak sa labas?
3. Magkano po ang halaga ng magagastos ko at gaano katagal ang proseso?
4. Kailangan po ba na personal po akong haharap kapag isasagawa na ang hearing?
– Jan jan
Dear Jan jan,
ISANG SAGRADONG INSTITUSYON ang kasal at ito ay itinuturing na isang espesyal na kontrata sa pagitan ng isang babae at lalaki. (Art. 1, Family Code of the Philippines) Sa kadahilanang ito, hindi maaaring basta-basta ipawalang-bisa ang kasal at ang batas lamang ang nagsasaad kung kailan walang bisa ang kasal o kailan ito depektibo at maaaring mapawalang-bisa. (Arts. 35, 36, 37, 38, 45 at 53, Family Code of the Philippines) Ayon sa batas kung walang bisa ang isang kasal mula sa simula, ang aksyon na dapat isampa sa hukuman ay isang petisyon upang maipadeklarang walang bisa ang nasabing kasal. Kung ang kasal naman ay balido subalit may depekto sang-ayon sa nakasaad sa batas, ang petisyon na kailangang isampa sa takdang panahon sa harap ng hukuman ay isang petisyon upang ipawalang-bisa ang nasabing kasal.
Sa mga nabanggit ninyo sa inyong liham, walang lumalabas na depekto na maaaring magamit na basehan upang magsampa ng petisyon upang ipawalang-bisa ang inyong kasal. Ang maaaring isampa ninyo sa pagkakataong ito ay isang petisyon upang ipadeklarang walang bisa ang inyong kasal dahil sa “psychological incapacity” ng inyong asawa. (Art. 36, Family Code) Ang “psychological incapacity” ay isang kapansanan kung saan ang isang tao ay walang kakayanang gampanan ang mga obligasyon ng pag-aasawa. Hindi sapat na ayaw gampanan ng inyong asawa ang mga obligasyong ito, ang kailangang mapatunayan sa harap ng hukuman ay mayroong sikolohikal na kapansanan ang inyong asawa na pumipigil sa kanya upang gampanan ang mga obligasyon na kaakibat ng pagpapakasal. Hindi sapat na patunayan mo sa hukuman na nagkaroon siya ng dalawang (2) anak sa ibang babae. Ito ay hindi isa sa mga basehan na nakasaad sa batas upang ideklarang walang bisa ang isang kasal o ipawalang-bisa ito. Gayunpaman, ito ay maaaring ebidensya laban sa inyong asawa sa isang petisyon para sa “legal separation” dahil siya ay naki-apid sa ibang babae. [Art. 55(8), Family Code] Ang “legal separation” ay pisikal na paghihiwalay ng mag-asawa. Kapag ito ay pinayagan ng hukuman, pinahihintulutan nito ang mag-asawa upang mamuhay nang magkahiwalay ngunit sa kabila nito, ang kanilang kasal ay nananatiling balido at epektibo. [Art. 63(1), Family Code]
Tungkol naman sa inyong katanungan sa halaga na inyong magagastos sa pagsampa ng mga ganitong petisyon, hindi kami makakapagbigay ng sagot dahil ito ay depende sa abogadong inyong kukunin upang tumulong at magrepresenta sa inyo. Ganu’n din naman sa tagal ng proseso, dahil iba’t iba ang mga kaso at iba’t iba rin ang mga ebidensyang kai-langang iharap sa hukuman upang mapatunayan ang isang kaso.
Mas mainam din na personal ninyong asikasuhin ang inyong isasampang petisyon lalo na kapag ito ay dinidinig na ng hukuman. Kayo bilang nagpepe-tisyong asawa ang may personal na kaalaman ukol sa mga nangyari sa inyong pagsasama ng inyong asawa.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta