NAIS KONG magbigay ng babala sa lahat ng mga sumasakay ng taxi. Pag-ingatan ang POTSKY taxi na may plate number TYK-918.
Noong May 15, Martes, pinara ni Philip Cesar ang nasabing taxi sa bandang Quezon City. Sa umpisa pa lang may nakita na si Philip na hindi maganda sa asta ng driver dahil papayag lamang daw ito na isakay siya kapag kontrata ang pamasahe.
At dahil sa mga oras na iyon, madalang ang mga sasakyan sa lugar at may dala siyang mabigat na gamit bukod pa sa siya’y nagmamadali, na-pilitan na lamang siyang pumayag sa gusto ng driver.
Pero bago sumakay, sinilip niya muna ang plaka at tinandaan ito. Tinandaan rin niya ang pangalan ng taxi na nakasulat sa labas – sa paligid nito. Pagkapasok ng taxi at nang makaupo, tiningnan niya ang plate number na nakasulat sa gilid ng pintuan na tumutugma naman sa plakang nakakabit dito. Naging kampante na siya.
Pagdating sa kanyang destinasyon sa Mandaluyong, kapos ang pera niya sa bulsa. Hiniling niya sa driver na maghintay at kukuha lang ng pera saglit. Pagkababa na pagkababa ni Philip, nagulat siya at bigla na lang humarurot ang taxi.
Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na maidiskarga ang kanyang bagong biling big screen LCD TV.
Nang pumunta siya sa action center ng WANTED SA RADYO para magpatulong, agad kaming nagtawag sa mga kinauukulan. Pero lumabas na negatibo sa anumang impormasyon ang LTO o LTFRB tungkol sa nasabing taxi. Ibig sabihin, bukod sa kolorum na ito, peke pa ang lahat ng impormasyon na nakasulat sa loob at labas ng taxi. Kaya, ang tanging pakay ng pamamasada nito ay para maghanap ng mga taong madudugasan.
PAANO BA makaiiwas sa ganitong klaseng panloloko? Simple lang. Huwag pumayag sa kontrata at palaging ipagpilitan ang paggamit ng metro sa mga sasakyan ninyong taxi. Lahat kasi ng taxi na demetro ay nagbibigay ng resibo at ito ay calibrated at rehistrado sa LTFRB.
Magpalit man ng plaka at magpintura ng ibang pa-ngalan sa taxi ang driver, matutunton pa rin ang tunay na pagkakilanlan ng unit kapag lumabas ang resibo sa metro.
Pasalamat si Philip dahil TV lamang ang nawala sa kanya. May ilang pagkakataon pa nga na dinadala sa malayong lugar ang mga biktima ng ganitong klaseng taxi para holdapin o halayin ang kanilang mga babaeng pasahero na nag-iisa.
ISA PANG modus operandi sa panloloko ng mga ganitong klaseng taxi ay pagsasabihan ang kanilang pasahero – na alam nila ay bagong salta ng Maynila – na nakapulot sila ng alahas na naiwan ng naunang pasahero.
Ang kadalasang pinapain na alahas ay pekeng gold necklace o bracelet. Sasabihin ng driver na iyon ay na-laglag kuno ng isang foreigner niyang pasahero dahil sa kalasingan. Iaalok ngayon ng driver ang nasabing alahas.
At dahil foreigner ang binabanggit na may-ari, hindi mabigat sa konsensiya para sa pasahero kung sakali mang bilhin niya ang inaalok na alahas.
Para lalong bumilib ang pasahero, magpapaalam ang driver na sasaglit sa isang pawnshop na madadaanan nila para ipakilatis ang alahas. Pagdating ng pawnshop, makikitang nakikipag-usap ang driver sa mga kawani nito. Pagbalik, sasabihin niya sa pasahero na high quality raw ang alahas at magbabanggit siya ng mataas na halaga.
Kapag nasilaw ang pasahero, makikipagtawaran na siya sa driver. Hanggang sa bukod sa nasimot na ang lahat ng kanyang pera, pati cellphone niya ay natangay pa.
Shooting Range
Raffy Tulfo