ANG MOTTO ng ating PNP ay “Serve and Protect”. Pangunahin sa kanilang tungkulin ay protektahan ang mga mamamayan laban sa mga kriminal. Pero paano kung ang mga taong dapat na magsilbing protektor natin ang mismong mga kriminal?
Si Elaine Joy Santos, may-ari ng isang Off Track Betting (OTB) at resto bar, ay naging biktima ng malaking sindikato na kinabibilangan ng ilang miyembro ng Quezon City Police District.
Noong January 6, habang nasa loob ng isang bangko sa West Avenue, Quezon City at nag-aantay na matawag ng teller para makapag-withdraw, nilapitan siya ng isang bakla at isang babae na nagpakilalang Judith Biason.
Sinabihan siya ni Biason na mga carnapped vehicle daw ang Fortuner at Innova na dala niya sa bangko. Sinabi pa ni Biason na nakasangla raw ang nasabing mga sasakyan sa kanya sa halagang P650,000.00.
Laking gulat ni Elaine dahil bukod sa hindi niya kilala ang dalawa, ang nasabing Fortuner at Innova ay pawang mga pag-aari niya at siya ang first owner ng mga ito. Bagamat nabigla, ayaw pansinin ni Elaine ang dalawa.
NGUNIT PARA makuha ang kanyang atensyon, nag-iskandalo si Biason at nagsisisigaw sa loob ng bangko. Tinawag siyang carnapper at estapador nito. Walang umawat sa mga kawani ng bangko na nakakasaksi sa nagaganap na iskandalo. Maging ang mga security guard ay hindi rin nakialam.
Nang tawagin na ng teller si Elaine at pagdating niya sa counter, hindi pa rin siya tinantanan ni Biason at dito na hinablot ng babaeng ito ang kanyang mga gamit kasama na rito ang checkbook at ATM card niya na nasaksihan mismo ng teller.
Hindi na pinagsalita ni Biason si Elaine. Iprinisinta nito sa teller ang naagaw niyang checkbook kay Elaine at tinanong kung magkano ang balanse ng biktima. Malugod namang sinunod ng teller ang hiling ng noo’y maituturing ng snatcher. Agad na nag-print ang teller ng balance sheet at ibinigay ito kay Biason.
Dito na inutusan ni Biason si Elaine na i-withdraw ang buong balanse ng kanyang account na umaabot sa P330,000.00. Tinakot ni Biason si Elaine na kapag hindi niya sinunod ang utos ay makukulong siya. Ipinangalandakan ni Biason ang tatlong pulis na nag-aantay sa labas ng bangko lulan ng isang mobile car.
Sa takot, napilitan si Elaine na simutin ang kanyang account. Sa muli malugod namang pinayagan ng teller na makapag-withdraw si Elaine kahit pa narinig nito ang mga panghaharas at pananakot ni Biason laban sa kanilang kliyente.
HINDI PA rin natapos ang kalbaryo ni Elaine matapos siyang makapag-withraw ng pera para kay Biason. Paglabas niya ng bangko, pilit siyang isinakay sa mobile car ng tatlong pulis na kasama ni Biason na sina SPO2 Arnold Reyes, PO3 Francisco Villanueva, at PO1 Alfredo Dequito at dinala sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Camp Caringal sa Quezon City.
Pagdating sa tanggapan ng CIDU, inimbestigahan si Elaine ng police woman na si PO3 Jaime de Jesus dahil sa reklamo kuno ni Biason. Ayon kay De Jesus, ang reklamo raw ni Biason ay nakasangla sa kanya ang dalawang sasakyan ni Elaine sa halagang P650,000.00 at kailangang mabayaran.
Hindi pinayagan ni De Jesus na makapagsalita at mapasinungalingan ni Elaine ang bogus na reklamo ni Biason. Sa halip, sinabihan ni De Jesus si Elaine na kailangan pa niyang mag-produce ng karagdagang P320,000.00 para mabuo ang hinihinging P650,00.00 ni Biason.
Pinagbantaan ni De Jesus si Elaine na kapag hindi niya nagawa ito ikukulong siya sa kalaboso ng mga lalaking preso para siya ay ma-gang rape. Sa sobrang tindi ng takot, tinawagan ni Elaine ang kanyang kaibigan na si Corazon Alejandro para mangutang dito. Ang nadala lang na pera ni Corazon kay Elaine sa CIDU ay P135,000.00 dahil ito lamang ang nakayanan niya.
PAGKATAPOS NG walong oras na pagkakadetine sa loob ng tanggapan ng CIDU, at matapos makapagbigay ni Elaine ng P135,000.00 pa, sinabihan siyang puwede nang makaalis. Pero bago paalisin, pina-xerox ni De Jesus ang rehistro ng mga sasakyan ni Elaine pati na ang mga sales invoice nito. Inutusan din siya ni De Jesus na gumawa muna ng promisory note na si De Jesus ang magdidikta. Sa nasabing promisory note, nakasaad na si Elaine ay magbabayad pa ng P185,000.00.
Paglabas ni Elaine ng CIDU, wala na ang dalawa niyang sasakyan. Noong February 13, nang magpunta siya ng bangko para humingi ng kopya ng CCTV footage hinggil sa insidente, nadaanan niya ang kanyang dalawang sasakyan na nakaparada sa isang building malapit lang sa bangko.
Humingi siya ng assistance sa CIDG Camp Crame. Matapos ma-recover ng CIDG ang kanyang sasakyan, nagpa-blotter si Elaine nang araw ring iyon sa Masambong Police Station na siyang nakasasakop kung saan na-recover ang kanyang mga sasakyan.
DINALA NG CIDG sa Camp Crame ang mga sasakyan ni Elaine. Kinabukasan, pumunta si Elaine sa Camp Crame pa rakunin na sana ang mga ito ngunit laking gulat niya nang pagsabihan siya ng officer on case ng CIDG na si Police Senior Inspector Richard Macachor na ‘di niya makukuha ang kanyang sasakyan dahil naghahabol daw si Biason.
Pero ang matindi pa, nagsampa ng demanda si Biason laban kay Elaine ng BP 22 (bouncing check) sa Quezon City Prosecutor’s Office. Ang piskal na may hawak sa kaso laban kay Elaine ay si Pedro Tres Vallez.
Take note na kasama sa mga ini-snatch ni Biason kay Elaine sa loob ng bangko noong January 6 ay ang kanyang mga tseke, at matatandaan din na napilitang i-withdraw ni Elaine ang lahat ng kanyang pera sa account sa nasabing bangko matapos siyang takutin ni Biason.
Malamang na ginamit ni Biason ang mga tseke ni Elaine at idineposito ito sa bangko na siguradong tumalbog. Nakasisiguro rin ako na ginamit ni Biason ang promisory note na ipinagawa ni PO3 De Jesus sa CIDU kay Elaine pati na ang xerox copy ng kanyang rehistro at sales invoice na hawak ni De Jesus para palabasin na iyon ay mga ebidensya na si Elaine ay nagsangla at may utang sa kanya.
Nasimot na nga ang lahat ng pera niya sa bangko, nagkautang pa sa kanyang kaibigan, nahaharap pa siya sa isang demanda. At ngayon, hindi pa niya makukuha ang kanyang sasakyan dahil naghahabol pa rin si Biason. Kung kayo si Elaine, ano ang gagawin ninyo?
Magsilbi sana itong babala sa lahat.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-8788536 at 0917-7926833.
Shooting Range
Raffy Tulfo