KAHIT SAANG sulok ng mundo, kapag bentahe ang isang sumisikat na produkto – o name brand – may mga masasamang elemento ang nakapag-iisip na gayahin o pekehin ito para pagkaperahan.
Dito sa Pilipinas, dumarami ang mga ibinebentang pinekeng imported na produkto sa merkado – tulad ng mga branded na bag, sapatos at damit – dahil marami ang gustong tumangkilik nito. At ang natatanging dahilan kung bakit binibili ang mga bagay na ito ay dahil sa sobrang mura at abot-kaya ng kaninumang bulsa.
Sa kasong ito, nagsabwatan ang nagbebenta at namimili para isahan ang manufacturer na nagmamay-ari ng nasabing brand. Kaya kapag nasira agad ang nabiling pekeng produkto, hindi puwedeng magreklamo ang nakabili dahil sa umpisa pa lang alam na niya ang kalidad ng bagay na kanyang binibili.
Pero may mga pinekeng produkto na kumakalat sa merkado na lingid sa kaalaman ng mga mamimili ito ay hindi orihinal, at saka lamang nilang malalaman na sila ay naisahan kapag ito’y agad nasira at hindi tumumbas sa kalidad na kanilang inaasahan.
Dito, maliwanag na nadenggoy ang mga nakabili ng nasabing produkto dahil sila ay nilinlang at pinaniwala ng nagtitinda na orig ang kanilang binibili.
Isang magandang halimbawa ay ang ginagawang pamemeke sa mga produkto ng Uratex ng ilang ‘di pa nakikilalang mga tao. Ang Uratex ay matagal nang kilala sa furniture industry bilang manufacturer ng high quality bed mattresses and foams.
May iilan-ilang mga consumer ang nagparating ng sumbong sa Uratex tungkol sa mga nabili nilang pinekeng produkto nito. Karamihan dito ay ibinenta sa kanila ng door-to-door, samantalang ang iba naman ay nabili nila sa mga pangkaraniwang puwesto tulad ng mga tiangge.
At dahil dito, ang Uratex ay puspusan ang ginagawang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan partikular na sa PNP-CIDG para tugisin ang mga taong nasa likod nito. Kasunod nito, ang pamunuan ng Uratex ay masigasig ding nagpapaabot ng babala sa lahat ng mga mamimili na ang kanilang mga orihinal na produkto ay nabibili lamang sa mga certified Uratex dealer.
Hinihingi rin nila ang kooperasyon ng publiko na tawagan sila sa teleponong (02) 888-6800 kung sinumang may impormasyon tungkol sa mga tao o tindahan na nagbebenta ng kani-lang mga pinekeng produkto.
ANG ROBUST Dietary Supplement for men – na gawa ng ATC Healthcare Corporation – na sumikat dahil sa pagiging epektibo at safe nito ay isa rin sa mga produktong tangkang pinepeke ngayon.
May mga report na nakararating din sa ATC Healthcare Corporation na ang kanilang pampaastig na Robust tablets ay palihim na ibinebenta sa ilang mga maliliit na botika at tindahan sa Binondo.
Ang mga pekeng Robust na itinitinda dito, bukod sa walang maibibigay na epekto, ito ay labis na mapanganib sa kalusugan ng mga makakainom nito.
Ang mga orihinal na Robust ay nabibili lamang sa mga sikat na drugstore pati na sa mga malalaki at sikat na grocery store sa mall.
Para sa mga karagdagang katanungan, maaaring tumawag sa (02) 516-8888 at 0909-3333333.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Ugaliing manood ng T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm. At Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 6:30-7:00pm sa TV5 pa rin.
Sa mga nagnanais na magsadya nang personal sa aming Action Center, ito ay matatagpuan sa 163-E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87TULFO at 0917-7WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo