SINUSULAT ITO’Y wala pang direktang pag-amin mula kina Melai Cantiveros at Jason sa isyung buntis na ang komedyana. Hinihintay pa rin kung ano ang magiging statement ng handler ni Melai, ang Star Magic. Nauna na naming na-scoop ito sa www.ogiediaz.net nu’ng Sept. 1.
Pero honestly, kami’y tuwang-tuwa for Melai, dahil lagi nga naming sinasabi na, “A baby is always a blessing!” Beinte singko na rin naman si Melai. Maganda din ‘yung hindi masyadong malayo ang edad nila ng kanilang anak ni Jason.
Made in Singapore daw ang baby kung saan nag-taping that time ang dalawa kasama si Kris Aquino sa KrisTV. At nu’ng nasa loob pala sila ng bahay ni Kuya ay meron silang dummy baby na ang tawag nila’y “Dengue”.
At ngayon, live na live na nilang aabangan ang baby na ‘yon.
Ilang taping na rin ng Banana Nite absent si Melai. Siguro nga, medyo nagpapahinga ito sa kalagayan niya ngayon. Kaso nga, nalulungkot ang ibang friends ni Melai, dahil ito rin ang breadwinner ng pamilyang naiwan sa GenSan.
Wala rin namang work si Jason at ang huling balita namin ay baka mag-apply itong seaman para makatulong kay Melai.
Congrats again, Melai! At sana, ninong ako niyan, ha? Alam na.
Sa kumakalat na sex video scandal nila ni EB Babe Yosh
Wally Bayola, ayaw harapin ang isyu!
TINUTUKAN NAMIN ang Eat Bulaga, pero wala, hindi namin napanood si Wally Bayola sa “Juan For All, All For Juan” segment nila nina Jose Manalo at Paolo Ballesteros.
Akala kasi namin, kukunin na niya ang pagkakataong ‘yon para linawin o mag-apologize sa lumabas na video scandal nila ng EB Babe na si Yosh.
Hindi na kami magiging graphic pa, pero aware ang dalawa na may kamerang nakatutok sa kanila. Kung paano itong kumalat, hindi namin alam.
Maaaring nasira ang video, ipinagawa sa repair shop, nu’ng mabuksan na, pupuwedeng kinopya ang naturang eksena at the rest is history.
Pupuwede rin namang gamitin ang rason noon ni Chito Miranda na nawala ang hard drive o me nagnakaw nito at hindi na nila na-control ang paglabas nito.
Anu’t anuman ang rason, ito’y kumalat na, napanood na ng marami sa facebook. At nakalulungkot lang na pati ang ilang menor de edad na may FB ay nakapanood din nito.
Kaya nga sa news feed namin sa aming FB account, kami na mismo ang nagde-delete ng post na ito bilang tulong na rin namin at pakikisimpatiya kina Wally at Yosh.
Maaari naming sabihing ‘wag na kasing kunan next time, pero talagang hindi maiiwasang magkaroon ng ganitong isyu na sana, ang mga tao ay ‘wag na lang din itong ikalat o i-share sa mga kaibigan nila.
Please lang.
Movie nina Piolo at Gerald, ‘di patok sa takilya
NAKALULUNGKOT NA ang isang napakagandang pelikula ay hindi pumalo nang bongga sa takilya. Ito ‘yung OTJ na isang action movie na kinilala sa ibang bansa, pero dito sa sariling bayan ay ilan lang ang nakapanood.
Sa pag-aanalisa nga ng isang nakausap namin, feel-good movie daw ang dapat ang i-produce ngayon, dahil kagagaling lang sa kalamidad ang mga kababayan natin dulot ng bagyong Maring at ‘eto pang Napoles issue na tinututukan ng bayan.
Sa mga hindi pa nakapanood, sana’y bigyan n’yo ng time ang On The Job nina Piolo Pascual, Gerald Anderson, Joel Torre, Joey Marquez, and others at kayo na ang humusga kung me karapatan ang pelikulang itong ihilera sa mga Hollywood films.
Oh My G!
by Ogie Diaz