NAGKANI-KANIYANG LANDAS NA sina Chin Alcantara at Juris Fernandez ng MYMP. Ilang taon din silang nagsama bilang duet, sinuwerte naman silang makilala. Pero kung kailan naman tumunog ang kanilang pangalan ay saka sila naghiwalay.
Kay Chin ang pangalang dinadala nila, ang ibig sabihin ng MYMP ay Make Your Mama Proud. Pero mukhang hindi magiging proud ang mama nila dahil sa nangyari.
Sa mga kuwentong kumakalat ngayon, si Chin ang negatibo. Hindi kagandahan ang mga istoryang naglalabasan tungkol sa tsinitong miyembro ng MYMP. Hindi na raw kinaya ng powers ni Juris na tiisin ang kaartehan ng kanyang gitarista.
Kasama sa Sessionistas ng ASAP ‘09 ang MYMP. Kahit du’n ay hindi rin maganda sa pandinig ang mga kuwento tungkol kay Chin. Masyado raw “feeling” ang lalaking ito na hindi naman kagalingan at kaguwapuhan.
“Mapag-pressure si Chin, feeling-sikat, akala mo kung sino na siya. Marami siyang kaartehan, meron pa siyang mga requirements para sa kanila, kaya madalas siyang kainisan ng staff,” pahimakas ng isang source na nakausap namin.
Mas naging negatibo pa ang dating nitong si Chin Alcantara nu’ng minsang patagilid niyang bastusin ang isang grupo ng mga entertainment writers na kumakain sa isang kilalang restaurant sa 9501 sa ABS-CBN.
Walang pakialam siyang naghubad ng sapatos. Ipinatong pa niya ‘yun sa isang upuan na “smelling distance” lang ang layo sa mga manunulat. Buwisit na buwisit sa kanya ang aming mga katrabaho.
Halatadong maraming inis sa gitaristang ito ng MYMP, dahil nu’ng minsang pitikin namin siya sa pahinang ito ay sangkatutak na text messages ang tinanggap namin. Tuwang-tuwa ang mga ito dahil ipinaghiganti raw namin ang kanilang “kaapihan.”
Sabi pa ng isang tinanggap naming mensahe, “Buti nga, nakatikim ang Chin na ‘yan, masyado kasi siyang feeling! Akala mo naman kung sino na siya, e, hanggang du’n lang naman ang kaya niyang gawin!”
NOON PA AY isinulat na namin, hanggang tatlong kanta lang ng MYMP ang kaya naming karirin para pakinggan. Minsan na namin silang napanood, pero inantok kami. Kaya sa ikatlong kanta nila ay sumimple na kami sa paglabas ng venue.
Totoong suwabe ang boses ni Juris, cool na cool ang dating, pero mas maganda silang pakinggan ilang minuto bago ka matulog.
Naging malaki rin siguro ang impluwensiya sa amin ng mga kuwento tungkol kay Chin. Aanhin mo ang kahit gaano kagandang musika, kung sa likod naman ng utak mo ay nandu’n ang pag-ayaw mo sa singer o sa miyembro ng grupong pinanonood mo?
Solo na ngayon si Juris, kailangan namang kumuha ng bagong bokalistang makakasama si Chin. Kanya raw ang pangalan ng kanilang duweto kaya siya ang may karapatang magpatuloy sa paggamit nu’n.
Sabi nga ng mga kaibigan ni Juris, “’Di kanyang-kanya na ‘yun! Isaksak pa niya sa baga niya, para mas maging masaya siya!”
Ganyan ang karaniwang nangyayari sa mga grupo. Nadi-disband sila dahil sa mga personal na hindi pagkakasundo. Hindi na nakapagtatakang maganap ang ganu’n sa mga banda dahil kung sina Chin at Juris nga na dadalawa na lang, nagkaganyan pa sila?
Sa nagaganap ngayon sa MYMP, parang nakikinita na namin ang lihim na pagngiti ng isang kilala naming tagapamahala ng live variety show sa isang higanteng network.
Pinakitaan din kasi ito ng pagka-feeling ni Chin Alcantara, pinagdabugan pa nga, kaya ‘yan ang napala niya.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin