BLIND ITEM: HA-HA-HA! Tinawagan kami nu’ng isang araw ng isang kaibigang bading na TV personality. Tinatanong niya kung alam namin ang number ng isang hunk actor na hindi na active ngayon sa pag-arte, pero aktibo sa pamamakla.
“Juice ko, ‘Day, noon ko pa crush na crush ‘yon. Kaso, may edad na ngayon ‘yon!”
Sabi namin sa bading, “As if naman, bakla, hindi ka tumatanda!”
“Ay, oo nga, hahaha! Sige, baka naman alam mo ang number, ibigay mo sa akin, magkano na ba ngayon ‘yon?”
Ha-ha-ha! Kasi nga raw, nabasa niya sa isa naming blind item na “pa-booking” na ang hunk actor ngayon. At ang nakakalokah pa, “humahada” na rin ito ngayon, dahil me pamilyang binubuhay, kaya kapit sa patalim, bayan ko ang drama niya.
“Naku, bakla, wala akong number niya sa celfone ko, eh. Luma na ‘tong nasa akin, eh!”
“Baka makokontak pa diyan?”
“Sige, try mo. Eto, Pocketbell….”
“Ha-ha-ha! Pu–ina mo, Ogie! Masyadong luma! Ha-ha-ha!”
NGAYON PA LANG, pinaghahandaan na ni Erik Santos ang kanyang bonggang-bonggang concert na gaganapin sa Skydome sa SM North Edsa. Birthday concert niya ito, kaya siyempre, super support kami.
‘Yan ay magaganap sa 10-10-10, kaya suportahan n’yo naman. Honestly, kami, ilambeses na kaming humihingi ng suporta kay Erik, pero ni minsan, hindi kami nakarinig ng reklamo.
Ni minsan, hindi rin siya nagtatanong kung magkano ang talent fee o “friendly rate” na naman ang aming ibibigay. Kaya love na love namin ‘yan.
Siyempre, isa pang tulay namin kumbakit ganyan si Erik kabait ay si Kuya Boy Abunda na sobrang love na love kami. Noon pa, subok at napatunayan na namin ang love ni Kuya Boy, kaya ‘pag tumakbong Senador ‘yan, sasama kami nang walang pay.
I love Erik Santos and I love Kuya Boy. Sobra.
WALA NAMANG masama kung ititigil ni Noynoy Aquino ang paninigarilyo. Concerned lang ang madlang pipol sa kanyang health, lalo na siya ay isang role model ng isang Pilipino at siya’y frontrunner pa bilang Presidente.
Pero ang katuwiran ni Noynoy, mas makapagyoyosi pa siya lalo, dahil sa kaiisip sa ikabubuti at ikaaasenso ng bawat Pilipino.
Katuwiran naman ng iba, “Hayaan n’yo na si Noynoy. Kasi, ‘yung iba naman, hindi naninigarilyo, eh. Pero nangungurakot. Mas gusto ko nang magyosi na lang si Noynoy kesa mangurakot.”
Me gano’ng factor? Well, that’s beside the point. Ingatan pa rin ni Noy ang kanyang sariling kalusugan. At kung hindi talaga niya maiiwasan, eh, siguro, itago na lang niya’t ‘wag nang mahuhuli ng kamera.
At higit sa lahat, ibuga niya ang usok niya sa hindi makaaapekto sa kalusugan ng ibang tao. Gano’n na lang siguro para tapos ang usapan.
Palagay n’yo? Hindi ako mapalagay, eh.
BIGLA TULOY NAMING naalala ‘yung kapanahunan naming super yosi kami. Pareho kami ng brand ng yosi ni Noy. Pero kahit mga anim na taon kaming nagyosi, hindi pa rin kami eksperto sa pagbuga ng usok.
Pero nu’ng 2004, habang nakikipag-usap kami sa isang meeting, tinatrangkaso na kami, sinisipon pa kami, eh, bumubuga pa rin kami ng yosi, kaya ang ending – pagbuga namin ng usok, nakita talaga namin na lahat ng usok, bumalik uli sa ilong namin at inubo na kami nang inubo.
Sabi namin sa aming sarili, “Nako, lagot! Ayaw na ni Lord na magyosi ako. Teka, ihihinto ko na bago pa Niya ako kunin.”
Kasi nga naman, ‘pag tumigas pa ang ulo namin at hindi namin tinantanan ang pagyoyosi ay baka magka-lung cancer kami or emphysema na ikatitigok namin eventually, kaya naisip namin, pa’no naman ang pamilya ko?
Kaya ‘eto ngayon. Kami naman ang biktima ng second-hand smoke, ‘kalokah! Ha-ha-ha!
Oh My G!
by Ogie Diaz