MAALALA KO lang noon na gumawa na ako ng article patungkol sa mga bagong pamamaraan ng komunikasyon ng kabataan o ang aking tinatawag na Bagets Dictionary. Aba, kahit wala pang isang taon ang nakalilipas, may mga idadagdag na ako rito, Bagets Dictionary version 2.0 ‘ika nga.
Kung dati-rati ang simpleng komunikasyon gaya nito ay hindi ka na maka-relate.
Friend1: Hi friend, how r u? tagal natin di nagusap!
Friend2: Wait lang, brb muna.
Friend1: Grabe, brb agad? Hala di na nagreply, afk na yan :’(.
Friend2: Sorry friend, hir na me.
Friend1: Wala, FO na.
Friend2: Aww </3.
Paano pa kaya ito?
Friend1: Sorry friend, busy lang talaga ako atm.
Friend2: Hay, STFU!
Palala nang palala ano po? Signs of aging ‘yan. Bakit? Ang mga ganitong uri ng abbrevations na nabanggit ko ay mga pauso ng mga bagets ngayon! Kasabay ng pagbilis ng takbo ng panahon, ang patuloy na pag-innovate ng ating technology that makes our life easier and faster. Kaya kahit ang simpleng pagtsa-chat at pagte-text, atin na ring pinadadali sa pamamagitan ng text abbreviations. Ang mas malala kahit ang personal na pakikipag-usap, kahit ba nasa harapan mo na ‘yung kausap mo, ginagamitan mo na rin ng ganitong abbreviations.
Ang ‘ATM’ ay madalas na ginagamit ngayon. Nakikita ito lagi sa mga status posts ng mga kabataan ngayon. Ito ay nangangahulugan ng “at the moment”. Lagi itong kakabit ng mga salita na “busy ako atm,” “nandito ako sa SM AURA atm.” Isa rin sa trending ngayon ang “bae.” Aba, tatatlong letra pero puwedeng maging dalawa ang kahulugan. Ang una ay bae para sa before anything else. Para ka bang nagbibigay ng speech, “Bae, gusto kong magpasalamat sa mga kaibigan ko na tumulong sa ‘kin na magawa ang proyektong ito.” Ang pangalawa namang kahulugan nito ay Bae o terms of endearment ni boyfriend kay girlfriend at vice versa. Kung dati-rati, baby… na naging babe… ngayon naman bae na lang. Paiksi na talaga nang paiksi. Sa susunod talaga B na lang ‘yan. Gamit na gamit din ngayon ang Mama G at Papa G. Ito ay ginagamit sa tuwing bibigyan mo ng papuri o magagandang komento ang ayos at postura ng isang tao. Kung sa kababaihan puwede mong sabihin na “Mama G tayo ngayon ah, saan ang lakad?” Sa mga kalalakihan naman “Papa G tayo ngayon ah, akyat ng ligaw?” Ang Mama G ay nangangahulugan ng Mamaganda samantalang Papa G naman ay Papagwapo. Puwede mo ring gamitin ang Mama G at Papa G sa mga tao na masyadong nagmamataas gaya na lang ng “Mama G ka masyado, kala mo kagandahan” o kaya “Papa G masyado, ang presko-presko naman.”
Iilan pa lamang ito sa abbreviations na gamit na gamit ngayon. Puwede na ngang makagawa ng isang buong dictionary sa dami nito. Pero hindi ibig sabihin noon, ito na ang ating dapat makasanayan. Ang sobra ay nakasasama. May ilan diyan na sa sobrang paggamit ng text abbreviations, nakalilimutan na ang tamang spelling ng mga salita. Use them moderately, ‘ika nga. Gaya nga ng aking sinabi sa unang version ng Bagets Dictionary, mas masarap pa ring masabihan ng Take Care kesa TC at mas nakakikilig pa rin ang “I love you” kesa sa “Ily”.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo