SABI SA pag-aaral, mas dapat unahin ang mga bagay na kailangan talaga kaysa sa mga gusto lang natin. Sa Economics, ito ay ang konsepto ng needs versus wants. Sa panahon ngayon, ang mga kabataan ay maraming gustung-gusto sa buhay na kinalaunan naging ‘pangangailangan’ na. Para bang, kapag hindi nila nakuha ang mga ito, hindi sila bagets. Tawagin natin ito bilang “Bagets Essentials”.
1. Selfie pod
Hindi na siguro kataka-taka bakit selfie pod pa ang nauna sa aking listahan. Naitalaga nga ang Pilipinas bilang Selfie Capital in the world, ‘di ba? Noong panahon na tayo ay tanghalin na pinaka-vain sa mundo… este, selfie capital, wala pang selfie pod ang nauuso. Paano pa kaya ngayon na mayroon nang selfie pod? Malamang sa malamang baka nag-triple pa ang ang datos ng mga Pinoy na nagse-selfie. Lalo na’t ngayon na halos ng kabataan ay may selfie pods na.
2. Microlens, wide lens at fish eye lens
Siyempre pagdating sa larawan, kailangang perpekto ang kuha. Pang-display picture ba naman. Kailangang makakuha ng maraming likes. Kaya, hindi makukumpleto ang selfie pod kung walang mga lens gaya ng micro lens, fish eye lens at macro lens.
3. Powerbank
Sa kase-selfie mo maghapon, malamang lowbatt na ang smartphone mo. Kaya naging isang matinding pangangailangan ang powerbank. Dagdag pa riyan ang non-stop na pag-i-Internet buong araw.
Para sa mga bagets, napakaimportante ng powerbank dahil mas matagal ang nilalagi nila sa labas kaysa sa kanilang mga tahanan. Kabataan pa naman, kapag na-lowbatt, para bang katapusan na ng mundo.
4. Instax camera
Hindi pa nakontento mga bagets, may selfie pod na nga, micro, macro, at fisheye lens na, ang gusto nila may instax camera pa! Hindi sila makukuntento na mai-upload ang kanilang mga larawan sa social networking sites, gusto pa nila, naipi-print pa ito kaya mataas din ang paghahangad ng mga bagets na magkaroon ng instax camera.
5. Loombands
Tayo muna ay sumegway sa ibang bagay, ito ang loombands. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na naging trending topic nang husto ang loombands.
Halos lahat ng tao naadik na sa paggawa ng loombands. Kaya naman naging number one hobby at favorite past time nila ang loombands. Umabot pa nga sa punto na pinakyaw na nila ang mga bentang loombands sa Divisoria.
‘Yan ang mga iilan sa listahan ng Bagets Essentials. Siguro, habang binabasa n’yo ito, napapasabi kayo sa inyong sarili na “Oo nga, mayroon na ako nito.” O kaya para sa mga wala pa, ang nasasabi nila ay “Hala, wala pa ko ng mga ito.” Sa puntong ito, hayaan n’yo ako na sabihin sa inyo, kailangan ba talaga ang mga ito? Hindi ba kayo makatutulog kapag wala kayo ng mga bagay na nasa nasabing listahan? Ang selfie pod, camera lens, powerbank, instax camera at loombands ay mga bagay na nauuso lamang sa panahon ngayon. Pero alam naman nating lahat na ang lahat ng nauuso ay nalalaos din. Kaya lilipas din ang kasikatan ng mga bagay na ‘yan. Dapat isaisip na may mga iba pang bagay na mas mahalaga pa kaysa sa mga ito. Kaya hindi maganda na basta-basta makasunod sa uso para lang masabing “in” ka sa iba pang bagets.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo