ANG KAHIT anumang uri ng kalamidad gaya ng bagyo, tsunami at lindol ay natural na pangyayari sa mundo. Walang makapagpipigil dito. Maraming natatakot kapag ito ang pinag-uusapan dahil sa dami ng buhay na nakikitil sa panahon ng mga nasabing kalamidad. Pero gaya nga ng sinabi ko, ang kalamidad ay natural na pangyayari at nagiging nakamamatay ito kapag tayo ay kulang sa paghahanda.
Kinatatakutan ngayon ang posibilidad ng paggalaw ng West Valley Fault na siyang maaaring magiging sanhi ng 7.2 magnitude na lindol sa Manila. Napakalakas na lindol nito. Katakut-takot ito dahil sa napakaraming tao ang namamalagi rito sa Manila, dagdag mo pa ang libu-libong kotseng bumibiyahe sa kalsada at ang mga nagtataasang gusali sa lungsod.
Ayon kay Dr. Renato Solidum, director ng Phillipine Institute of Volcanology o Phivolcs, base sa kanilang pag-aaral, ang nasabing West Valley Fault ay gumalaw nang apat na beses sa loob ng 1200 na taon. Kanilang nakita na sa apat na sa beses na paggalaw, may agwat itong tig-400 hanggang 600 na taon. Ang huling paggalaw ay nai-record pa noong taong 1658, 356 na taon na ang nakalilipas. Kaya may posibilidad na ang susunod na paggalaw ay maaaring mangyari (huwag naman sana) sa ating buhay.
Dagdag pa niya na sa lakas ng 7.2 magnitude na lindol, maaari itong makapagpaguho ng 13% ng residential buildings na may 10 palapag, 10% ng public buildings, 11% – 13 % midrise buildings na may taas mula 10 hanggang 30 na palapag. At may tinatayang aabot sa 31,000 buhay ang maaaring masawi. Dala na rin ito sa epekto na kapag malakas na lindol ang magaganap, kasunod nito ay iba pang kalamidad gaya ng tsunami at sunog.
Kaya naman nitong July 2 lamang, nagsagawa ng city-wide earthquake drill sa Maynila bilang parte ng Office of Civil Defense. Nakatutuwa dahil kay raming nakilahok sa nasabing paghahanda para sa kalamidad na maaaring maganap dahil 70 porsyento ng offices, establishments gaya ng mga paaaralan, hotel, hospital at government offices ay nakiisa rito. Sa unang scenario, eksaktong 9:30 ng umaga, ang kanilang drill ay para sa evacuation, sunog at vehicular accidents. Sa ikalawang scenario naman, 1:30 ng hapon, ang drill naman ay para sa tsunami na maaaring idulot ng malakas na lindol.
Ayon sa mga namahala ng malawakang earthquake drill, kulang pa rin ang nasabing paghahanda. Kay raming residente pa rin ang hindi marunong sumunod sa tamang alituntunin upang maging ligtas sa lindol. Pero hindi naman sila nawawalan ng lakas ng loob upang palakasin ang ating depensa sa kalamidad.
Kaya mga bagets, hindi n’yo puwedeng sabihin na porke’t natural na kalamidad ito ay wala na tayong magagawa. Sabi nga nila sa kasabihan “prevention is better than cure”. Maging maagap at alerto. Hindi naman nagkukulang ang gobyerno at ating paaralan sa paggawa ng mga safety procedure. Seryosohin ito at hindi lang isaisip kundi isapuso rin.
Kaligtasan ang nakasalalay rito kaya patunayan na kahit sa ating murang edad, puwede tayong maging alerto sa mga ganitong uri ng kaganapan sa buhay.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo