ANG HIRAP TALAGA ‘pag ang bagets, binigyan mo ng chance na mag-artista. Merong isa, wala nang ibang ginawa kundi maghintay kung may project na darating.
Ang masaklap, ‘pag wala, dinedemonyo na ang isip. Dahil may mga kaibigang ganoon din, eh, di gano’n na rin siya.
Ano pa nga ba, “nagpapa-book” na naman ang bagets na ito. “Gano’n talaga ‘pag wala pang project, mambabading na lang muna.
“Ayos lang ‘yon. Titihaya ka lang, titirik lang sa sarap ang mga mata mo, pera na pagkatapos!” ‘Yan daw ang sinesey ngayon ng bagets.
Eh, ‘di bale sana kung ‘yun lang ang ginagawa. Pa’no kung “nakikipaglaplapan” na rin siya sa bading?
‘Yun na. Hanggang du’n na lang muna ang kuwento. At ang bagets na ito ay hindi “Dance Instructor,” ha?
NAPAKAHUSAY NI MS. Helen Gamboa sa Maalaala Mo Kaya nu’ng Saturday, in fairness. Kahit ang gumanap na asawa niyang si Robert Arevalo, ang galing.
Kuwento ng isang ina na nu’ng bata pa siya’y naudlot ang kanyang pangarap na makapagtapos kahit man lang ng high school.
Kaya nu’ng siya’y lola na, tinupad niya ang kanyang pangarap na maka-graduate sa high school sa paniniwalang kapag may tinapos ay irerespeto ka ng mga tao.
Naalala tuloy namin ang aming mga magulang. Sila’y tapos lamang ng elementarya, pero hindi naging hadlang ‘yon para hindi nila mairaos ang walo nilang anak.
Kahit kami’y high school graduate nga lang, eh. Tumuntong kami ng kolehiyo, pero hanggang first year lang ang tinapos namin, dahil kinailangan naming magtrabaho, dahil sa kakapusan ng buhay.
May mga pagkakataong iniisip naming magpatuloy sa pag-aaral. Pero sa hirap ng buhay ngayon, lalo na’t dalawang pamilya ang umaasa sa amin eh, gusto na muna naming magpakapraktikal sa buhay – pag-aaralan na lang namin ang pasikut-sikot sa industriyang iniikutan namin.
Mas mainam na itong ganitong hindi nga kami tapos, pero maraming alam na trabaho.
Kumpara sa ibang tapos nga ng kolehiyo, hirap na hirap namang makakuha ng trabaho.
Kaya naisip namin, iba pa rin ‘pag maabilidad at madiskarte ka sa buhay, ‘no? Sigurado, hindi ka magugutom.
MAY MGA NAGTATANONG sa amin kung kumusta na si Willie Revillame ngayon? Ano na raw ang pinagkakaabalahan ng kontrobersiyal na TV host matapos magbakasyon sa Wowowee?
Honestly, hindi na namin sinubok na tawagan si Willie, dahil baka busy siya sa kanyang pag-e-enjoy ng kanyang bakasyon.
So, feeling namin, okay na si Willie. Ang kanyang kahilingan, hindi man niya winish kay Genie in a bottle, eh, natupad na.
Ito’y ang mabigyan ng sapat na panahon ang kanyang pahinga nang sa gayo’y hindi na siya masyadong nape-pressure.
Oo nga naman. Aanhin mo ang marami mong pera kung may dalawang butas ka naman sa iyong puso?
Pero siyempre, hindi rin naman kasalanan ng ABS-CBN ‘yan kumba’t nagkaganoon ang health ni Willie.
Kasi, nasa ‘yo pa rin naman ‘yan, eh. Katawan mo ‘yan, ikaw ang responsable sa katawan mo.
Anyway, sana, kung nasaan man ngayon nagbabakasyon si Willie, happy siya. Sana, wala ring panghihinayang sa kanyang kalooban, dahil mas makasasama ‘yon sa kundisyon ng kanyang puso.
Sanayan lang siguro ‘yan, Wil.
Oh My G!
by Ogie Diaz