Bagets na Matatalino, ‘Yan ang Pilipino!

HINDI NAMAN na maipagkakaila ang kasikatan ng phenomenal loveteam ngayon na AlDub. Ito pa nga ay tinapatan ng kabilang channel ng Pastillas Girl. Noong Sabado lamang, kanya-kanyang istilo ng tapatan ng dalawang malalaking network ang naganap. Halos sumabog na rin nga ang Twitter world dahil sa milyun-milyong nagtu-tweet na may hashtag #AldubEBforlove at #ItsShowtimeKapamilyaDay. Ang naunang hashtag na nabanggit ay umani ng halos humigit-kumulang 22 milyon na tweets! Samantalang nasa pitong milyon naman ang pangalawang hashtag.

Araw-araw, kung iyong mapapansin, sa bawat pagbukas mo ng telebisyon, kabilaan ang mga advertisements ng split-screen loveteam na sina Maine Mendoza at Alden Richards. Sa bawat show rin ng TV network, pinag-uusapan ang paghahanap ng Mr. Pastillas ni Pastillas Girl. Halos buong bansa rin ang nakikisabay sa Pabebe wave ng Aldub. Mga fans ng dalawang network at mga fans ng Aldub at Pastillas Girl ay nag-aaway-away na rin. Talamak din ang mga paninira sa bawat isa sa mga social media sites. Makikita mo rin sa comments section na halos magpatayan ang mga fans dito.

Sa kagaya ko na walang pinapanigan, sa kagaya ko na malawak ang pag-iisip, at sa kagaya ko na alam kong kasiyahan at entertainment lang ang hatid ng Aldub at Pastillas Girl, minsan napaiisip na lang ako. Ganito ba talaga ang mga Pinoy? Nagpaaalila tayo sa mga kaisipan gaya ng Aldub at Pastillas Girl na hindi naman talaga makatutulong sa atin sa pag-asenso? Pero ako rin ang sumagot ng aking sariling tanong. Aking napagtano, na hindi. Hindi tayo ganito, lalo na ang mga kabataan na gaya ko.

Kaya mga bagets, hindi pa huli ang lahat para mahusgahan sa maling paraan. Oo, nabibigyan tayo ng saya ng mga trending topics ngayon, pero hindi natin ito gagawing sentro ng ating buhay. Lahat ng bagay ay may tamang oras. Kaya dapat ating buhay ay maging makabuluhan.

Paano?

Sa mga bagets na nasa edad 18 pataas, huwag mag-aksaya ng panahon katu-tweet at kanonood ng TV. Lahat ay magparehistro na para makaboto sa nalalapit na eleksyon.

Tatlo na ang nagpahayag ng kanilang intensiyon na kumandidato sa pagka-pangulo. Kaya naman kilatisingt mabuti ang bawat kandidato. Alamin ang kanilang mga kahinaan at kalakasan. Alamin ang kanilang mga plataporma. Alamin din ang kanilang mga opinyon sa mga isyu ng bayan.

At bilang pinakabatang botante ng bansa, alamin kung paano makatutulong sa bansa at hindi aasa-asa sa susunod na administrasyon. Maging responsable at maging maalam sa mga makabuluhang bagay. Dahil ang kabataang Pilipino ay matatalino.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 8 Issue 117 September 25 – 27, 2015
Next articlePuwede bang alisan ng mana ng isang lehitimong anak?

No posts to display