ALAM KONG hindi na kayo makahintay sa darating na bakasyon ngayong taon. Aba, Marso pa lamang at nababalita na sa mga telebisyon, radyo, at dyaryo na mararanasan na natin ang El Niño o ang hagupit ng haring araw. Hindi ito ka-enjoy-enjoy kung nasa bahay lang tayo, dapat sinusulit ang tag-init sa mga naggagandahang beach dito sa bansa.
Pero, teka, mukhang may mga kabataang umaangal. Sinu-sino nga ba sila? Sila ang mga bagets na nakatakdang mag-intern sa isang kumpanya bilang isa sa requirements nila sa kanilang subject sa eskuwela ngayong darating na summer. Isama mo na rin sa bilang ng bagets na “no-no-muna-pero-just-yet” sa pagsa-sunbathing sa beach ngayong darating na bakasyon ang mga gustong mag-summer job para makaipon at maging productive ang summer vacation nila.
Ang mahiwagang tanong, handa na nga ba talaga kayong pasukin nang pahapyaw ang tinatawag ng mga nakakatanda na “real world”? Resume mo nga, patingin.
Ang resume ay isa sa mga mahihiwagang papeles na magpapa-oo sa employer na gusto mong pagtrabahuan kaya naman nararapat na ayusin mo nang mabuti ang paggawa nito. Tandaan, resume muna ang kanilang titingnan bago ikaw mismo na nag-a-apply. Kaya mas mabuting magpa-impress na nang husto sa iyong resume. Ngunit, dapat pawang katotohanang data lamang ang isasama sa resume, mga iho, iha. Mahirap nang magpa-impress sa una tapos depress naman sa huli.
- K.I.S.S. resume
Ano nga ba ang K.I.S.S. resume? Sabihin na nating pauso ko ito, pero magandang sundin. Sa paggawa ng resume, Keep It Short and Simple (K.I.S.S.). Kailangang hindi lalagpas sa dalawang pahina ang iyong resume. Salain nang mabuti ang mga datos na ilalagay.
- On point resume
Ano nga ba ang On point resume? Sinasabi lang naman nito na dapat maging direct to the point ka sa mga gusto mong sabihin sa iyong employer. Wala nang paliguy-ligoy pa, itumbok mo agad. Isipin mo na hindi lang ikaw ang may resume na nakapila, marami kayo.
Kaya dapat kahit sa mga unang linya pa lamang ng resume mo, mapaliwanag mo na agad ang intensyon mo sa pagpasok sa kanilang kumpanya at kung bakit ka karapat-dapat nilang tanggapin.
- Move-on resume
Gaya ng pag-ibig, ang resume din ay dapat marunong mag-move on sa nakaraan. Aba mga ate, kuya, baka naman ang most behave, most polite, at most respectful na award mo noong pre-school ka pa ay isama mo pa sa resume. Hayaan mo nang makita na lang nila ‘yun sa iyo kapag nagtatrabaho ka na. Sa ngayon, piliin nang husto ang mga awards at recognitions na ilalagay sa resume. Huwag mo nang isama ang mga awards mo noong elementarya pababa maliban na lamang kung major major award ito gaya ng ikaw ay Batch Valedictorian, Academic excellence awardee, winner sa mga major interschool competitions.
- Corporate photo resume
Naku, sinasabi ko lang dito ay maging pormal ang iyong larawan na ilalagay sa resume. Dapat ikaw ay naka-polo na may kuwelyo. Corporate attire, ‘ika nga. Kailangang maging malinis at presentable ang itsura sa larawan. Mga bagets, bawal ang selfies, ha? Tandaan, real world na ang inyong pinapasok.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo