Bagman ni Col. Olay at mapanganib na PNP car

MISMONG SERVICE VEHICLE ng PNP ang gamit ng mga carjacker sa kanilang operasyon.

‘Yan, parekoy ang natuklasan kamakailan lamang. Kaya naman pala lumalala ang carjacking dito sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan!

Noon lamang petsa 4 ng Agosto, nahuli ng mga pulis sa isang operasyon sa Quezon City ang ilang carjacker habang lulan ang mga ito ng isang Toyota Innova NOS 135.

Ang nasabing sasakyan ay nadiskubre na pag-aari pala ng Police Security and Protection Group (PSPG) sa ilalim ni S/Supt. Glenn dela Torre.

Heto na, parekoy, ang nakaririmarim na palusot ng nasabing ahensya nang mabulatlat na sa media na ang kanilang sasakyan ang gamit ng mga carjacker. Kesyo ninakaw ito sa harap ng kanilang opisina sa loob mismo ng Kampo Crame.

At ang susi nito ay sinikwat habang ito ay nakasabit sa dingding ng kanilang opisina.Susmaryosep, parekoy, ibig sabihin, may magnanakaw ng kotse sa loob mismo ng opisina ni Col. dela Torre?

Imposible namang isang ordinaryong sibilyan ang papasok lang talaga sa loob ng nasabing tanggapan para dekwatin sa kinasasabitan ang susi. At ang sasakyan ay sa mismong harapan ng opisina titirahin!

Heto pa, parekoy, kung totoong ninakaw nga sa PSPG ang nasabing sasakyan, bakit hindi man lang ipinaalarma ang pagkawala nito?

Ayon sa PNP Highway Patrol Group, isang P03 Balau ang nagbigay-alam sa kanila noong buwan ng Hunyo na nanakaw daw ang nasabing sasakyan.

Pero simula noon ay hindi man lang nag-follow-up ang PSPG o kaya ay ipinaalarma ito sa buong bansa?

Tangna namang pautot na ‘yan!

Aba eh, kitang-kita nang ipinagamit nila ang kanilang sasakyan sa mga carjacker tapos magpapalusot pa! P’we! Bantayan natin mga, parekoy, dahil isang araw ay bigla na lamang maglalaho ang resulta ng imbestigasyong ito!

BAGMAN DAW SIYA ni Regional Officer (R.O.) Col. Olay, ng PNP Maritime National Capital Region o NCR. Ito, parekoy, ang ipinagkakalat ng isang P03 Bugar na siyang kumukuha ng intelihensya sa mga paputok sa Navotas Fishport.

Ayon sa ating “tawiwit”, nagyayabang pa umano itong nagpapakilalang bagman ni Col. Olay sa tuwing kokolekta ito kina Dra. Pascual at Nanding. ‘Eto pa, parekoy, ang mga kinukolektahan ni P03 Bugar:

Consignacion ng Salinas na pinamamahalaan n Kapitan Edgar Cupino na namamahala rin ng putok mula Palawan. Ang mula naman sa Manila Bay at Cavite ay sina Enciong na Brgy. Captain ng Capipisa, Naic at Totoy Ricasa na Kagawad ng Libtong, Rosario, Cavite.

Ilan lamang sila, parekoy, sa mga kinukolektahan ni P03 Bugar gamit ang pangalan ni Col. Olay. Kung tayo ang tatanungin, mismong si Col. Olay ang nakakaalam kung bagman nga niya ang collector na si P03 Bugar.

Kung hindi… aba eh, dapat niyang paputukin ang nguso ng pulis na ito dahil siya ang nasisira! Sa susunod, parekoy, ay ang mga paihi naman sa North Harbor ang ating dadalirutin. Na ang tatlong pulis na collector ay ginagamit din ang pangalan ni Col. Olay!

Tsk, tsk, tsk!

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleSakop ka ba ng batas natin ‘pag nasa abroad ka na?
Next articleAngel sa aking pitaka

No posts to display