Bagong Amerika

LALO PANG bubuksan ni re-elected U.S. President Barack Obama ang bansa sa lahat ng mamamayan sa mundo. “We welcome all races: black, white, poor, rich, gay, straight, disabled, able. Together we will work for equal opportunities under the aegis of democracy and freedom,” diin ni Obama pagkatapos magwagi.

Ito ang umusbong na bagong mukha ng Amerika na dapat magbunyi at dakilain ng buong mundo. Iginuhit ng tadhana na si O ang maging simbolo ng pagkakaisa at pagkakapatiran ng lahat ng tao sa mundo. Muslim at Kristiyano at ano mang relihiyon at lahi magkakapit-bisig sa pagmamahalan at pagsulong sa kaunlaran at kapayapaan.

Sana’y mabuhay pa ako nang kainamang tagal para masaksihan ko ang ganitong siglo sa kasaysayan ng tao.

Taliwas ang pangyayaring ito sa mahabang kasaysayan ng Amerika. Racial discrimantion ang masamang tinik ng bansa sa kanyang mga unang panahon. Ang tambalang ito’y pinutol ni Abraham Lincoln at pinagpatuloy ng sumunod pang mga pa-ngulo. Ngayon ang Amerika ang buhay na ilog na nagdadaloy ng alon ng diwa ng demokrasya sa lahat ng panig ng mundo.

Mahigit na 3 milyon ang Filipino migrants sa Amerika. Karamihan sa kanila ay naging maganda at maayos ang buhay: professionals, skilled workers, seamen, atbp. Sa panig ng aking maybahay, 11 kapatid niya ang nag-migrate sa Amerika at ngayon, tinatamasa ang katas ng napakaraming oportunidad sa bansa. Kung sila’y nanatili sa ating bayan, maaa-ring hikahos at labis na nagsusumikap pa sila.

‘Di ba ito ang gintong pangarap ng lahat ng lahi sa mundo? Ang pagkakaisa at pagkakapatiran. Ang hatian ng oportunidad sa buhay na daloy sa awa at pagmamahal ng Maykapal.

Tara na sa Amerika! Subalit lalo natin pagyamanin ang sariling atin. Gawin din itong maliit na Amerika.

SAMUT-SAMOT

 

NGAYONG ENERO, tataas na muli ang power rate. Nakababaliw. Tila ba helpless at hopeless ang pamahalaan sa pangangalaga sa interes ng pobreng consumers. Bakit inutil sa tungkulin ang Energy Regulatory Board (ERB)? Pagmasdan mo ang tinatanggap mong Meralco bill. Kung anu-anong isinasaksak na charges. Pati losses at repairs ng kumpanya, tayo ang nagkakarga. ‘Pag darating na ang Meralco bill ko, ninenerbiyos na ako. Biro mo mahigit na P20-T monthly ang binabayaran ko. Saang kamay ng Diyos lagi kong kukunin ang halagang ito?

NU’NG DEKADA ’70, kahit singkong taas ng gasolina, ang buong bayan ay natataranta at nagwawala. Demonstrations kaliwa’t kanan. At makikinig ang gasoline firms. Kabaligtaran ngayon. Kahit magtutuwad tayo o mag-demo araw at gabi, deadma ang gasoline firms. Walang pakialam na rin ang pamahalaan. At ito ang nagpapalala sa problema. Sa bagay, iba ang sitwasyon ngayon. Kontrolado ng OPEC ang supply. ‘Di ba solusyon ang deregulation? Pag-isipan muli ito.

KAIBA SI Sarah Geronimo. Bukod sa boses, napakalakas ang animal appeal. Sa lingguhang Sarah G. Live!, very professional at world-class ang presentasyon ng musical show. Pati choreography ay terrific. Samantala, nu’ng isang Linggo, nagpamalas na naman ng kalaswaan ang isang sikat na bading na hawig kabayo. Biro mo, naka-bikini at kitang-kita ang maitim na singit na may balahibo. Saan naka-tingin ang MTRCB?

ANO ANG dahilan kung bakit pinigilan sa Lower House ang pagsusod ng Kasambahay Bill ni Sen. Jinggoy Estrada? Ayon sa senador, ‘pag ‘di ito naipasa bago magsara ang Kongreso, isang taon pa ang hihintayin para mapag-usapan muli ito.  Napakahalaga ng panukala na sa wakas ay magbibigay ng kaukulang sahod at iba pang social benefits sa mga kasambahay. Sa ngayon, ang suweldo ng mga kasambahay ay halos wala pa sa minimum wage level. Marami sa kanila ang ‘di lamang mababa ang sahod kundi minamaltrato pa ng amo. Wala rin silang SSS at PhilHealth benefits.

MUKHANG NAKAMU-MOVE-ON na si Zsa Zsa Padilla. Salamat sa moral support ng mga kaibigan sa industriya lalung-lalo na si Kris Aquino. Salamat din at ‘di cancerous ang kanyang kidney disease. Doon siya nag-Todos Los Santos sa Hong Kong. Mga bagong photos niya ay kitang-kita ang pagsingkad ng kanyang kagandahan. May magpapatibok pa kaya ng kanyang puso? Sige, baka multuhin kayo ni Dolphy.

TALAGANG GANYAN ang buhay. Up and down ulan, araw. Umaga gabi. Napakahirap ng ating paglalakbay sa buhay. ‘Sang kislap lang, kaligayahan. Mas maraming oras at araw ng kalungkutan. Ngunit ‘di ito hadlang para gawin nating makahulugan ang buhay sa ating sarili at sa iba. Kapit lang sa Diyos!

KATAKUT-TAKOT ANG kapit ng kung ano-anong sakit sa pagtanda. Rayuma, arthritis, kabag, sakit ng balakang at nerbiyos ay dumadalaw araw-araw. Halos isang dosenang tabletas ang iniinom ko na masama sa kidney at liver. ‘Pag minsan, herbal medicines ang ginagamot ko. ‘Yon lang baka may toxic effect. Ang katawan ng tao ay parang 10-year old car. Marami nang spare parts ang kumakalog o nangangailangan ng replacements. We cannot fight Father Time!

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleFlash-Mic
Next articleWil Time Bigtime, nagbabu na sa ere!

No posts to display