NOONG NAGLABAN sa pagkapangulo si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Fernando Poe Jr. o mas kilala sa tawag na FPJ, naging mahigpit ang laban at nameligro ang pagpapatuloy ni GMA sa kanyang ikalawang termino. Katunayan ay binalot ng isang malaking pagdududa ang pagkatalo ni FPJ kay GMA dahil sa lumabas na voice recorded conversation sa pagitan ni Arroyo at ng dating Comelec Commissioner Garcillano. Ang “Hello, Garci” scandal ay naging sapat na para sa marami nating kababayan na paniwalaang si FPJ ang tunay na nanalo sa 2004 presidential elections.
Mahirap talagang talunin ang isang “The King” o hari ng pelikulang Pilipino dahil si FPJ ang naging sandalan ng maraming tao sa mga istoryang tumabo sa takilya. Para sa lipunang Pilipino, kung saan marami ang mahirap, tanging sa mga pelikula lamang nakasusumpong ng munting kaligayahan at pag-asa sa buhay ang mga maralitang manggagawa. Si FPJ ang natatanging bida sa kanilang buhay. Bukod dito, marami ring nagpatotoo sa tunay na buhay sa mga bagay na ginagawa ni FPJ para makatulong sa mga kasamahan niya sa industriya.
Nang sumabak si FPJ sa pulitika ay naging madali para sa kanya ang ituring na bida sa pulitika. Mula sa pagiging bida sa pelikula, marami ang naniwala sa kanya na siya ang kinakailangang bida ng ating bansa. Ngunit hindi rin naging madali ang lahat para kay FPJ, dahil mayroong mga kalaban sa pulitikang ginamit ang kanyang kakulangan sa pag-aaral para pulaan ang kanyang kakayahang pamunuan ang ating bansa. Sa labanang ito, hindi nagwagi ang bida dahil ang paniniwala ng marami ay dinaya ang bidang si FPJ kagaya ng ginagawang katusuhan ng mga kontrabida sa pelikula.
SA LAHAT ng mga survey na naglalabasan kaugnay ng nalalapit na eleksyon sa 2016, ang anak ni FPJ na si Senator Grace Poe ang isa sa mga nangunguna ngayon. Sa isang iglap, matapos ang pag-ugong sa usaping pagtakbo ni Sen. Poe sa pagkapangulo, nawala sa unang puwesto ang pangalawang pangulo ng bansa na matagal na nanatili sa unang puwesto sa mga survey.
Kung dati ay hinahamak si FPJ dahil sa kakulangan niya sa edukasyon, ang anak niyang si Sen. Poe ay hindi maaaring hamakin ng sino man sa aspetong ito. Nagtapos si Sen. Poe ng kursong political science sa University of the Philippines, Diliman. Ito ang pinakamahusay na unibersidad sa Pilipinas, kung saan matatagpuan ang mga pinakamahuhusay na propesor at mag-aaral sa Pilipinas. Nag-aral din sa pagkadalubhasa sa public administration sa ibang bansa si Sen. Poe at hindi matatawaran ang talinong ipinamamalas niya simula nang tumuntong ito sa serbisyo publiko.
Ang kanyang kakayahan bilang isang senador ay naging kapuri-puri rin sa mata ng maraming Pilipino. Maaaring sabihing hindi na bagito ito sa serbisyong bayan dahil sa karanasan niya bilang chairman ng MTRCB at senador, kung saan ay pinamunuan niya ang mga sensetibong isyu ng bansa gaya ng Mamasapano massacre.
SI SEN. Poe na nga siguro ang bagong bida sa pulitika. Ang pagiging babae nito ay isang malaking karagdagang karisma sa kulturang Pilipino. Sa ating kultura, matagal nang binibigyang-halaga ang mga babae. Sa panahon ngayon ay mas lalo pang binigyang-importansya ang kontribusyon ng mga kababaihan sa lipunan. Kaya rin naman madali para kina dating pangulong Corazon Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo ang makasuyo ng mga tagahanga at tagasuporta.
Ang katapatan, pagiging mahinahon, at mapagmahal ang tila angking katangian ng isang babaeng sumasabak sa serbisyong bayan. Ngayong binabalot ng isyu ng katapatan si VP Binay, sakto namang isang matapat na babae sa katauhan ni Sen. Poe ang bumibida sa taong bayan. Mahirap na katapat talaga ang anak ni FPJ.
Isang matapat, hindi kilala bilang corrupt politician ,at hindi trapo (traditional politician) ang bagong bida sa pulitika. Tila nasa kamay na niya ang lahat ng alas para manalo sa 2016 elections. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit dinaraan na ng mga kalaban niya sa pulitika, sa teknikalida ng pagiging Pilipino si Sen. Poe. Isang mababaw na isyung pilit pinalalalim ng mga kalaban sa pulitika. Ngunit nabigo rin ang ganitong estilo dahil lalo lamang dumami ang nakisisimpatya sa inaaping bida sa pulitika.
ANG PAGKAMATAY ni dating pangulong Cory Aquino ang naging daan para magkaroon ng simpatya ang taong bayan sa anak nito na ngayon ay pangulo ng ating bansa. Ang ganitong elemento ng karisma ay isang malakas na puwersa sa pulitikang Pilipino. Tiyak na magbabalik sa alaala ng mga Pilipino ang pagkamatay ni FPJ at pandarayang ginawa sa kanya ng nakaraang administrasyon. Sa pagkakataong ito ay isang damdaming nais bumuhay sa katauhan ng bidang namayapa at ibangaon ang dangal ng isang bidang nagbabalik sa katauhan ng anak niya.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30am – 12:00nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 – 5:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo