BUKOD SA bansang Thailand, ang Pilipinas na lang ang bansang nananatiling sa buwan ng June nagsisimula ang pasukan sa eskuwela. Maraming nagsasabi na dapat ay gaya ng sa mga bansang Europe, America at karatig bana sa Asia tulad ng Japan at Singapore, ay dapat gawing sa August o September na rin ang simula ng pasukan dito sa bansa.
Ang usaping ito ang nais kong bigyang punto. Pag-uusapan natin ang dalawang mahahalagang salik kung bakit sa buwan ng June nagsimula ang pasukan at nailipat ito sa ibang buwan para sa kaso ng mga bansang sa September ang simula. Ito ay ang kasaysayan at ekonomiya.
Sa ating kasaysayan, makikita na noong una pa mang magtatag ng paaralan sa Pilipinas ang mga Kastila ay sadyang sa buwan ng June pinasisimulan ang pasukan sa eskuwela.
Agrikultura ang ikinabubuhay ng mga Pilipino noon at sa pagtatanim ng palay umaasa ang nakararami para kumita ng pera na kanilang pangtustos para sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Bibihira din lamang ang mga pamilyang nakapagpapaaral ng mga anak dahil walang libreng paaralan noon. Sa katunayan ay sa panahon na ng Amerikano nagkaroon ng libreng paaralan sa Pilipinas at itinatag ito noong 1908. Ito ang Unibersidad ng Pilipinas. Itinatag ito sa ilalim ng tinatawag na “benevolent assimilation”.
Ang Parish schools ang uri ng paaralan ng mga bata noon. Ito ay mga paaralang pinatatakbo ng simbahang Katolika gaya ng University of Santo Tomas (UST) at Ateneo de Manila University (ADMU).
Kailangan tustusan ang pag-aaral ng mga bata noon kaya naghihintay ng panghuling ani ng palay ang mga magsasaka bago pa magtag-ulan. Ito ay papatak sa buwan ng Mayo. Kaya naman tamang-tama lang ang buwan ng Hunyo at naibenta na ang mga palay at nakuha na ng mga magsasaka ang perang kinita para maibayad sa paaralan.
SA PAGLIPAS ng panahon at pagpasok ng tinatawag na “age of reason” ay sumibol ang siyensiya o agham. Gumamit na ang mga tao ng mga makinarya para mapaunlad nito ang kanyang buhay. Sumunod dito ang “industrial revolution”. Binago nito ang antas ng pamumuhay ng tao kasama ang kanilang mga trabaho.
Ang karamihang bansa sa mundo ay lumipat mula sa agrikultura patungong industrialization. Dito sa Pilipinas ay pinasimulan ni dating Pangulong Marcos ang “industrialization” noong ipinatayo niya ang “Light Rail Train” o LRT.
Binalak din ni Marcos na palakasin ang pinagkukuhanan ng enerhiya at sa pagpapatayo ng Bataan Nuclear Power Plant. Ito sana ang susuporta sa paglipat ng Pilipinas mula sa isang agrikulturang bansa patungo sa industrialization. Sa kasamaang palad nga lang ay nauwi sa wala ang Bataan Nuclear Power Plant sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Cory Aquino.
Ganoon pa man ay natuloy ang pagiging “industrialized” ng Pilipinas sa panahon ni Pangulong Fidel Ramos. Ang naging problema lang ay ang kakulangan sa enerhiya ng bansa dahil nga dumami na ang factories kasabay ng pagkakaroon ng mga industrial parks sa Cavite, Laguna at Batangas (CALABAR ZONE).
WALA NANG dahilan para manatili sa buwan ng June ang pasukan. Ito ay bakas na lamang ng kasaysayan. Kung hindi tayo nakasasabay sa isang global standard, nangangahulugang huli tayo sa ekonomiya. Ito ay isang bagay na sumasalamin sa antas ng ating ekonomiya. Ang mga pangunahing university sa bansa gaya ng UP, Ateneo, La Salle at UST ay nakikipag-ugnayan din globally sa pamamagitan ng exchange student at faculty.
Mas makatutulong para sa ating mga mag-aaral kung kasabay ng kanilang semester ang sa karatig bansa lalo’t sila ay mapapabilang sa programang exchange student. Sa pamamagitan nito ay tataas ang kalidad at antas ng edukasyon sa Pilipinas. Sa huli ay magiging salik ito para umunlad ang ating bansa.
Shooting Range
Raffy Tulfo