KUNG KAYO ay regular na mananakay ng pampublikong bus ay malamang nakaranas na kayo ng isang uri ng pangingikil habang bumabiyahe. Ito ang nais kong pag-usapan sa artikulong ito.
Ang pangingikil na madalas na nating napanonood sa mga lumang pelikula ng yumaong aktor na si Fernando Poe Jr. a.k.a. “The King”, ay isang uri ng paghingi ng pera ng mga salbaheng tao sa mga mahihirap na tindero at tindera sa palengke gamit ang pananakot. Ang bidang aktor na si FPJ ang tagapagligtas ng mga kinikikilang mga mahihirap.
Ngunit ang ganitong tagpo ay sa pelikula lamang ni FPJ at mapalad ang mga naaapi sa pelikulang ito dahil mayroong bayaning magliligtas sa kanila. Hindi katulad ng mga totoong karanasan ng kababayan nating sumasakay sa bus at nabibiktima ng mga bandidong malayang gumagala sa kalasada ng Metro Manila.
ANG MODUS ng mga bandido ay bago at pasimpleng nananakot ng mga pasahero. Mayroong 2-3 lalaking matitipuno ang pangangatawan na sasakay ng bus. Ang mga itsura at postura nila ay hindi nalalayo sa mga kontrabida sa pelikulang Pilipino. Talagang matatakot ang mga pasahero at mag-iisip ng kung anong maaaring kasamaang kanilang idudulot sa kanila.
Sisimpleng tatayo ang mga ito sa harap ng bus at kukunin ang atensyon ng mga tao na parang magdedeklara ng “hold-up ‘to!” Ngunit ang kaba ng mga pasahero ay sandaling mapapawi dahil maglalabas ng isang pirasong papel ang mga ito at babati ng “magandang araw” sa mga mananakay.
Sasabihin nila na ang papel na kanilang hawak ay isang “death certificate” ng kapamilya. Humihingi lamang umano sila ng konting tulong para sa pagpapalibing ng kanilang kaanak. Sasabihin nilang hindi sila masasamang tao at wala silang balak na gumawa ng mga bagay na gaya ng magnakaw o mangholdap, o ‘di kaya’y pumatay ng tao kapalit ay pera.
Ipararating nila sa mga tao at bibigyang-diin ang puntong imbes na gawin nila ang mga kasamaang nabanggit dahil may kakayahan silang gawin ito, bagkus ay manlilimos na lamang sila at kakatok sa mga puso ng pasahero para sa munting tulong na kanilang maibibigay.
MALIWANAG NA isang bagong estilo ng pangingikil itong nagaganap halos araw-araw sa kalsada ng Metro Manila. Mga bus na bumabiyahe ng papuntang Alabang sa Muntinlupa; San Perdo sa Laguna at Balibago sa Laguna ang kadalasang natitiyempuhan ng mga kalalakihang ito.
Ang mga nakakausap kong pasahero ay karamihan estudyante at mga babaeng papasok sa kani-kanilang mga trabaho. Iniisip raw nila na kung pagnanakawan sila ng mga ito ay mawawala lahat ng kanilang dalang gamit, pera at mga importanteng I.D. at papeles.
Kaysa malagay sila sa alanganin ay mas pipilitin nilang magbigay na lamang ng pera o “abuloy”. Kung baga ay “choosing the lesser evil” ang nagiging pilosopiya ng mga pasaherong ito. Maliwanag sa isip ng mga pasaherong ito na maaaring hindi totoo ang palabas ng mga lalaking mala-bandido, na sila ay naghihingi lamang ng tulong pinansyal. Ngunit, takot at kaba ang tunay na bumabalot sa isip ng mga pasahero kaya napipilitan silang magbigay ng pera.
Malinaw na pananakot at isang uri ng pangingikil ito sa mga pasahero sa paraang kung paano ko inilahad ang karanasan ng mga estudyante at kababaihang aking nakausap. Animo’y wala namang masama o labag sa batas ang kanilang gawain dahil gaya ng maraming pulubi at palaboy sa lansangan, sila’y naglilimos din lamang.
KUNG SUSURIIN natin nang maigi ang estilong panlilimos ng mga kalalakihang ito, matatanto nating isang uri ito ng panloloko na labag sa batas. Nagiging epektibo ang panloloko dahil sa takot na dala ng kanilang mga postura. Ipagpalagay na nating hindi nga sila masasamang tao, ngunit ang pagtatanim nila sa isip ng mga pasahero ng takot, dala ng kanilang ayos at pagkukunwaring paglilimos ay maliwanag na isang panloloko.
Tila sinasabi nila na may mabuti lamang silang intensyon o “in good faith”, ngunit maling-mali ang paraan ng kanilang paghingi ng tulong. Parang gaya lamang ito ng pinalalabas ng gobyerno ni PNoy na sa kabila ng pagdedeklara ng Korte Suprema na “unconstitutional” ang DAP ay pilit pa rin itong pinalulusutan ng Pangulo at sinasabing “in good faith” ang DAP.
Ang masaklap at napakalungkot sa kuwentong ito ay tila matagal na itong nagaganap ngunit hindi nabibigyang-pansin ng ating kapulisan. Ang kababayan nating mananakay ng bus ay nagtitiis lamang sa ganitong sitwasyon. Gaya lang siguro ng pagtitiis ng kababayan natin sa DAP. Ngunit, hindi dapat ito magpatuloy. Dapat pigilan ang mga mangingikil na ito at gaya rin ng DAP, na dapat ng tuluyang alisin.
KAILANGANG MAG-IMBESTIGA ng Philippine National Police (PNP) sa bagay na ito. Magpakalat dapat ang PNP ng mga nakasibilyang pulis para magmanman at bantayan ang kalalakihang ito. Bumuo dapat sila ng isang plano para wakasan ang pangingikil na ito sa mga pasahero ng bus.
Ang paghingi ng tulong ay hindi masama at katanggap-tanggap naman ito sa isang kulturang Kristyano gaya ng sa atin. Ngunit, ang panloloko ay kahit kalian hindi maaaring tanggapin at kunsintihin dahil lamang sa takot at pangamba. Ang “choosing the lesser evil” ay hindi maaaring maging pilosopiya ng kababayan natin.
Mayroon tayong batas na dapat magbigay-proteksyon sa atin mula sa mga masasamang loob. Hindi tayo dapat mamili sa isang “lesser evil” at matakot.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo