May bagong single ang magaling na singer/songwrtiter na si Marion Aunor. Recently, ni-launch “Ako Siguro” na composition ng kanyang equally talented younger sister na si Ashley Aunor.
Last week, pumasok sa MOR Pinoy Biga10 Top 10 OPM Hits ang “Ako Siguro”.
“Ngayon ipino-promote ko na single ay ‘yung sinulat ng kapatid ko na si Ashley na ‘Ako Siguro’. ‘Eto ‘yung music video na finilm pa namin sa New York noong nag-show ako roon and finally this year, ilalabas na namin. So, abangan n’yo ‘yung latest single ko, ang ‘Ako Siguro’, still part of my second album called Marion.
“Puwede n’yo na rin ‘yang i-request sa MOR101.9 and sa MYX ‘pag lumabas ang music video. Basta stay tuned and ia-update ko sa mga account, facebook.com/MarionAunorOfficial and then mayroon akong Instagram at Twitter, marionaunor.
“Plus, abangan ninyo ‘yung kanta kong ‘Lantern’ doon sa album ni Ms. Sharon Cuneta and of course ‘yung kanta na ‘Last Message’ doon naman sa album ni Jona,” saad ni Marion.
Idinagdag pa niya kung gaano siya kasaya sa mga kantang ito, “Talagang ‘di ako makapaniwala na napili ‘yung songs ko para makasama sa album nina Ms. Sharon Cuneta and ni Jona. So ayun, very-very grateful ako sa Star Music at sa singers mismo,” wika ng singer-songwriter.
“Actually, pareho silang hugot songs, eh. Iyong kay Ms. Sharon, ano siya, hugot siya about kung mayroon kang pinagdaraanan. Kunwari naging sad ka or marami kang problema, kakayanin mo pa rin ‘yun. So ayun, in the end magiging happy ka rin. Kay Jona naman, isa pang hugot na kanta, pero ano siya eh, istorya actually ng friend na nakipag-break up sa ex niya. Bale, ‘eto yung last message niya para sa ex niya, kumbaga.”
Samantala, patuloy sa pagiging abala si Marion as a singer. Pero, mas humahataw rin siya ngayon bilang composer. Actually, kahit nakagawa na siya ng maraming awiting naging hit hindi lang para sa sariling album, kundi maging sa ibang magagaling na artist, patuloy na hinahasa ni Marion ang kanyang talento sa musika.
Kahit nakapagtapos na siya sa Ateneo de Manila University, ngayon ay nag-aaral muli ang talented na anak ni Ms. Lala Aunor. This time, may kaugnayan ito sa pagiging songwriter ni Marion. Kaya inusisa namin siya kung bakit siya nag-aral muli.
“Kasi ‘di ba songwriter ako? Pero never akong nagkaroon ng formal na training talaga para riyan. Dream school ko talaga itong school na pinapasukan ko ngayon, pero sa online lang. Berklee College of Music sa Boston. So hayun, ‘yung sister ko kasi ay nagte-take up ngayon ng Music Production doon din sa school na iyon. So in-encourage niya ako na kumuha rin ng Song Writing courses. So ayun, sabay kami.”