SAWANG-SAWA KA na ba sa traffic na sinasagupa mo araw-araw? Ilang oras ang nasasayang sa araw mo dahil sa pagkakaipit sa traffic? Ilang oportuninad na ba ang lumampas sa mga kamay mo dahil sa matinding traffic? At ilang beses ka na rin bang napaaway dahil sa buhol-buhol na traffic sa kalsada? Ang lahat ng mga tanong na ito ay marahil nasagot mo na nang paulit-ulit.
Ang DOTC at LTO ay nakatakda sanang maglabas ng mga bagong plaka ng sasakyan ngayong buwan. Ito ay ang standardization program. Layunin ng programang ito na palitan na ang lahat ng plaka na nakakabit sa lahat ng uri ng sasakyan – luma man ito o bago.
Ito na kaya ang solusyon sa matinding problema natin sa trapiko?
ANG LIMANG taong kontratang ito ay nagkakahalaga ng aabot sa P3.85 billion at naipagkaloob sa Netherlands’ J. Knieriem B. V. Goes (JKG) at Power Plates Development Concepts Inc.
Ang bagong plaka ay mayroong tinatawag na alphanumeric design kung saan ang mga motorsiklo ay gagamit ng dalawang letra at limang numerong kombinasyon. Para naman sa mga kotse at iba pang uri ng sasakyan ay gagamit ng tatlong letra at apat na numerong kombinasyon.
Ang kasalukuyang sistema na ginagamit ay mayroong tatlong letra at tatlong numerong kombinasyon para sa mga kotse. Para naman sa mga motorsiklo ay dalawang letra at apat na numerong kombinasyon. Ang ganitong kombinasyon ay nagsimula pa noong 1981.
Ang mga plaka rin ay may kulay na itim at puti na iginaya sa mga plaka ng sasakyan sa Singapore at ilang bahagi ng Europe.
Ngunit taliwas sa sinabi ni DOTC Spokesperson Michael Arthur Sagcal noong Agosto na lalabas ngayong buwan ang mga bagong plaka, hindi pa muna matutuloy ito, ayon naman kay DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya. Hindi pa umano nareresolba ang isyu sa paglabas ng pondo para rito ng DOTC at Department of Budget and Management.
MEDYO MALAKING halaga na naman ang igugugol sa proyektong ito. Makasisigurado na kaya ang mga kababayan natin na sa pagkakataong ito ay wala nang mga kickback na mangyayari?
Dapat din ay masulit ang perang gagastusin dito at maramdaman ng mga tao ang benepisyong maidudulot nito.
Ang problema sa mga kolorum na sasakyang dumadagdag sa mabigat na daloy ng traffic sa ating mga pangunahing lansangan ang isa sa mga suliraning inaasahang mareresolba ng standardization program.
Ngunit sapat kaya ang hakbang na ito para sa problema sa trapiko? Dapat ay pag-aralan din ng DOTC at LTO kung paano nila masusugpo ang mga raket sa Quiapo kung saan ginagawa ang mga pekeng rehistro at plaka ng sasakyan. Ang mga bulok na style na ito ay parang hindi naman nabibigyan ng pansin ng mga kinauukulan.
Dapat din ay maayos na ang bulok na sistema diyan sa DOTC at LTO dahil bagong pagkakakitaan na naman ito, gamit ang mga bulok na style ng mga nasabing tanggapan.
SA PANGKABUUANG interes nating lahat, ang pagbabagong ito ay nakabubuti at nagpapakita ng kaunlaran. Masarap din namang makakita ng mga bago sa ating lansangan at magkuwento ng bagong programa sa mga kababayan nating bumabalik o bumibisita galing sa ibang bansa.
Ngunit dapat din namang malaki ang maitulong ng P3.85 billion standardization program ng DOTC sa ating araw-araw na pagbiyahe patungo sa ating mga trabaho at lalung-lalo na sa matinding problema sa trapiko.
Shooting Range
Raffy Tulfo