MALAMANG NATULOY NA ngayon ang taping ng bagong primetime series nina Aljur Abrenica at Kris Bernal na may tentative title na All My Life. Na-pack up kasi sila nu’ng nakaraang linggo dahil nag-self-quarantine si Aljur pagdating nito galing Amerika.
Dapat ay magti-taping na ito kinabukasan pero naramdaman daw nitong parang may sinat siya kaya pinadaan ito ng St. Luke’s Hospital para ma-blood test. Siyempre, titiyakin lang at baka may dala itong A H1N1 virus. Pero natagalan na raw ito sa St. Luke’s at hindi agad na-discharge, kaya pinack-up na lang ang taping.
Pinagpahinga muna si Aljur ng ilang araw at ngayong Lunes na lang daw iri-resume ang taping. Sana nga, okey na siya ngayon para matuloy na talaga ang taping.
Medyo napa-praning na rin kasi ngayon ang lahat dahil sa dumaraming nahahawa nitong A H1N1 virus, kaya may ruling na sa GMA 7 na kapag nanggaling ka sa ibang bansa, kailangang ma-quarantine ka muna ng lima hanggang sampung araw. Hindi ka kaagad makababalik sa trabaho.
Si Heart Evangelista nga na umalis pa-San Francisco, California para sa Philippine Independence Day celebration doon, magpapahinga na lang muna ng limang araw pagbalik dito. Kaya baka hindi raw ito makasali sa 59th anniversary celebration ng GMA 7 sa June 19.
Abangan n’yo nga pala ang anibersaryo namin na gagawin sa Araneta Coliseum, dahil lahat na mga Kapuso stars ay kailangang dumalo, gawa ng Parade of Stars.
Bongga ang inihandang selebrasyon ng GMA 7 lalo na’t doon na rin pormal na ilo-launch sina Carla Abellana at Geoff Eigenmann bilang bagong bidang tatangkilikin n’yo sa Rosalinda. Doon na rin unang paliliparin ang bagong Darna na si Marian Rivera.
Kaya nga hindi gaanong nagpapakita ngayon si Marian dahil abala ito sa training niya bilang Darna. Nakita na raw niya ang costume na isusuot at bongga raw ang kaseksihan. Dito patutunayan ni Marian na siya ang pinakaseksing Darna.
Bukod sa Rosalinda at Darna, dito na rin ilo-launch ang Stairway to Heaven ni Dingdong Dantes at malamang ipakilala na kung sino ang makaka-partner niya rito.
Naku! Pati nga pala ako pinapasama sa Parade of Stars. Hindi ko naman kakayanin ang ganyan ka-late nang gabi, kaya malamang na panonoorin ko na lang sila sa TV, ‘noh!
PATAPOS KO NA ako sa pagtitipa nang biglang nakatanggap naman ako ng balita tungkol kay Douglas (Quijano).
Nakapanlulumo nang makumpirma kong sumakabilang buhay na siya, natagpuan sa kuwarto niya sa bahay niya sa Lucban, Quezon na nakabulagta sa sahig at pinaniniwalaang inatake ito sa puso.
Hindi ko alam kung saan ako magsisimula sa pagkukuwento sa pinagsamahan namin ni Dougs. Sobrang bigat ang naramdaman ko ngayon kaya siguro sa susunod na lang ako magkukuwento.
Isa si Douglas sa pinakamamahal ko sa showbiz, at ang tawag ko nga sa kanya Ms. Amity, dahil wala itong nakakaaway, at ako naman ang Ms. Amityville sa dami nang nakakaaway ko.
Ipagdasal na lang natin si Douglas at alam ko namang masaya siya ngayon, dahil in-enjoy naman niya ang mga huling araw niya sa atin.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis