ANG DEPARTMENT of Education ay magpapalabas ng bagong programa upang matulungan ang mga public school na mabawasan ang populasyon ngayong malapit nang ipatupad ang K-12 system. Ang Educational Voucher System (EVS) ay magbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral ng public schools na makapag-aral sa mga private school. Sa taong 2015 ay mag-uumpisa na ang pagkakaroon ng senior high school sa lahat ng mga paaralan sa bansa, subalit hindi pa lahat ng mga pampublikong paaralan ay handa nang tanggapin ang mga papasok sa Grade 11 at 12. Ito ay dahil sa mga kakulangan ng pasilidad gaya ng mga silid-aralan, mga guro, aklat, atbp.
Ang EVS ay magandang paraan upang mabawasan ang mga papasok sa public high schools sa pamamagitan ng pagbibigay ng cash equivalent voucher subsidy sa mga kayang mag-aral sa mga private school. Mayroon kasing labis na mga pasilidad sa mga pribadong paaralan kung kaya’t sa halip na magpatayo ng mga bagong imprastraktura sa public schools ay pansamantala munang ilalagak ang mga mag-aaral na ito sa private schools.
MAGANDA ANG layunin ng K-12 para sa mga batang Pilipino. Isa itong hakbang tungo sa pag-unlad ng kamalayan ng kabataan. Nangangahulugan ito na kayang sumabay ng Pilipinas sa mga pandaigdigang “trends” sa edukasyon.
Ang tanong ngayon, handa na nga ba ang ating educational system na ipatupad ang sistemang ito?
Marami sa mga paaralan ngayon ang pumapayag na i-accelerate ang ilang mag-aaral para maaga pa rin silang makatapos sa high school bago pa mag-edad 18. Ginagawa rin ito para hindi mabakante ang mag-e- nroll sa kanilang paaralan ng isang taon dahil sa epekto ng K-12.
Naging bahagi na ng pag-iisip ng Pilipino na dapat ay nasa kolehiyo na ang bata sa edad na 16 o 17, kahit na ba minsan ay tila hindi pa handa ang mga mag-aaral na harapin ang mga pagsubok sa kolehiyo. Gayundin, kailangan ring tingnan kung ang pag-accelerate ba sa estudyante ay makabubuti. Maaaring hindi pa handa ang bata sa mga mas mahihirap na aralin dahil minadali ang paglipat nito sa mas mataas na grado. Dahil dito, dapat higpitan ng DepEd ang mga pag-accelerate ng mga estudyante upang hindi makompromiso ang kalidad ng edukasyon na makukuha ng mga batang ito.
ISA PA sa mga layunin ng sistemang K-12 ay ang pagsisigurado na ang makakatapos dito ay “employable”. Maaari nang makakuha Certificate of Competency o National Certificate Level 1 ang sinumang magtatapos ng Grade 10. Makakakuha naman ng National Certificate Level II ang makapagtatapos ng Vocational –Livelihood Track sa Grade 12 basta’t pumasa ito sa pagsusulit sa TESDA. Dahil dito, ay maaari na silang makapagtrabaho kahit walang college degree lalo na sa Electronics at Trade.
Kung maagang matatapos ang mga estudyante at hindi pa edad 18 dahil sa mga acceleration, mawawalan ng saysay ang layuning ito ng K-12.
SA PANGKALAHATAN, ang K-12 ay isang magandang hakbang ng pamahalaan upang mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa. Binibigyan nito ng pagkakataon ang mga batang Pilipino sa isang mas maliwanag at makabuluhang kinabukasan. Nakasalalay sa mga mag-aaral na ito ang pagbabagong inaasam ng lahat. Nawa’y ang sistemang K-12 ang siyang huhubog sa isip ng bagong henerasyon ng mga Pilipino. Mga Pilipinong matatalino, hindi lamang sa paaralan kundi maging sa trabaho, sa buhay at lalo na sa pagpili ng mga karapat-dapat na tao bilang mga bagong lider ng bayan.
Shooting Range
Raffy Tulfo