MAY KATIGASAN DIN ang ulo nitong si Tourism Secretary Alberto Lim. Mantakin n’yo, parekoy, hindi na nadala sa batikos na kanyang inabot nang ilatag ang “Pilipinas, Kay Ganda” Slogan na papalit sana sa “Wow! Philippines”.
Ngayon naman ay kanyang ipinagmamalaki na posibleng 3.7 million tourists ang darating ngayong taon sa kanyang bagong slogan na “Pilipinas, Tara Na!”
Kung babasahing mabuti ang Tagalog na slogan, parang tayo pa rito sa Pilipinas ang iniimbitahan ng nagsasabi nito. Para bagang, sa halip na mag-stay rito sa ating bansa, tayo pa ang lalabas. Hello?!!!
Pero hindi ito ang punto ko, parekoy. The point is, gaya ng isa sa reklamo laban sa “Pilipinas, Kay Ganda” ito ay salitang Tagalog na hindi maiintindihan ng banyagang nais i-explore ang Tubattaha Reef sa Palawan, Chocolate Hills sa Bohol at ang Rice Terraces sa Benguet!!!
Sinong Pranses, Italyano, Ruso, Aleman, at Amerikano ang magkakainteres na magtungo sa Pilipinas upang alamin ang ating mayamang kultura kung sa-sabihan ko ng “Pilipinas, Tara Na!” aber?
Hay naku, parekoy, heto pa ang nakakawindang na dahilan ng butihing kalihim na dati namang nasa sector ng komersyo, target daw ng bagong DoT campaign ang hikayatin ang local tourists na bisitahin ang sariling bansa. Ang local tourists ay mismong mga Filipino rin na hindi raw napupuntahan ang iba’t ibang sulok ng Pilinas.
Sta. Banana naman, parekoy, hindi ba naisip ni Lim na ang pangunahing puntirya ng pagpapaunlad ng tu-rismo ay dayuhan?
Hindi ba isang barometro ng “umuunlad” na bansa ay ang dayuhin ito ng iba’t ibang nasyon na ibig sabihin, may ‘something” sa ating bansa. At kung marami ang turista, nangangahulugan na matatag ang estado ng ekonomiya at higit sa lahat, kampante ang mga ito sa seguridad.
Bakit naman kasi, kailangan pang palitan ang “Wow! Philippines” na nagpataob sa iba’t ibang slogan sa Asia gaya ng “Amazing India” “Zoom! Malaysia” at “Bangkok Stopover Amazing”.
Pero teka, parekoy, mukhang gaya ng “Pilipinas, Kay Ganda” na umano’y kinopya sa Poland pati ang logo, ang “Pilipinas, Tara Na!” ay mukang isinunod lamang sa “Visit Indonesia”.
Tsk… tsk… tsk, parekoy, mukhang may masasabon at magsasakripisyo muli sa DoT, ah?
MGA KONGRESISTANG BUMOTO NG YES SA “IMPEACH MERCI”, TINIYAK ANG DELIHENSIYA KAYSA POLITICAL CAREER?
Parekoy, may nag-text, naniguro raw ang mahigit 200 na nag-‘yes’ sa “Impeach Merci”, bahala nang maki-pagsapalaran na lang sa susunod na halalan para mahimok na sila ang “iboto” ng Iglesia Ni Cristo. Ows?
Kung pagbabasehan daw kasi at kung totoo nga na nag-circulate ang text message na mula raw kay Cavite Congressman Joseph Abaya na “Pork 4 Aye, No Pork 4 Ney” at ang umano’y pagkilos ng INC na huwag pumabor sa pagpapatalsik kay Aling Merci, aba, totoo nga ang alegasyon.
Gayunman, wala na tayong magagawa. Naganap na ang dapat maganap.
Muling napatunayan dito sa ating bansa na karamihan sa mga “Mambabatas” ay hindi lamang sa batas tumitingin, kundi sa lakas ng magneto ng kapangyarihan at pera.
Sa may 47 na bumoto sa ‘no’, gusto ko silang palakpakan dahil sa tibay ng kanilang loob na aminin kung kanino sila nakakiling kahit “malakas” ang kanilang kalaban. Sa mga nag-abstain…. WALA KAYONG KUWENTA!
At para naman sa mahal na Pangulong Noynoy Aquino… bakit? Bakit? At bakit pati ikaw na lider ng bansa, ang siya pang nangunguna sa paghimok sa taumbayan na suportahan ang impeachment ni Merci?
‘Di ba ang hari ay nakikinig din sa mga pantas at pinagninilayan din ang mga nagkasala? Bakit kayo po, Mahal na Pangulo, hindi pa tapos ang paglilitis ng Senado, nanghusga na agad kayo.
Parekoy, mukhang hindi na naman nagawa ng mga Presidential Adviser ang kanilang assignment, ah?
ANG ALARMA KINSE Trenta ay mapapakinggan sa DZME 1530, AM band, dulong kanan sa inyong talapihitan, alas-6:00 – 7:00 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.
Nasapol ka ba? Mag-e-mail sa [email protected] o tumawag o mag-text sa 0915-2121303/09321688734
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303