HATI ANG sentimento ng mga Pilipino sa katatapos lang na holiday season. Para sa mga bagets, sila ang mga masusuwerte na para bang nanalo ng jackpot prizes sa isang gameshow sa TV dahil sa dami ng mga napamaskuhan mula kina Mommy, Daddy, Ate, Kuya, Tito, Tita, Ninong at Ninang. Marami na ngang bagong gamit, marami pang ampao na natanggap. Kaya sila ang mga mayayaman ngayon. Habang ang mga not so bagets naman, sila naman ang mga butas ang bulsa ngayon dahil sa dami ng gastos noong Noche Buena at Media Noche, isama mo na rin diyan ang gastos sa mga pinamaskuhan nila. Kaya ang tanong, ngayong 2015, kaya mo bang magkaroon ng bagong ipon ngayong bagong taon? Siyempre, kakayanin!
Kumakalat sa Facebook ngayon ang 52-Week Money Challenge. Ano nga ba ito?
Ang 52-Week Money Challenge ay isang pamamaraan ng pag-iipon. Kada linggo, kailangan mo lang magtabi ng pera. Gagawin mo ito sa loob ng 52 na linggo, sa madaling salita, buong taon. Magtatakda ka kung magkano ang itatabi mo kada linggo. Puwede itong 20, 30, 40, 50 o mas mataas pa, depende sa kakayahan mo at sa paglalaanan mo ng ipon. Halimbawa, nakapagdesisyon ka na sa halagang 50 pesos ka magsisimula. Kinakailangan, kada linggo mapanindigan mo ito. Kung sa unang linggo, 50 pesos ang naitabi mo, sa ikalawang linggo naman ay 100 pesos, sa ikatlong linggo naman ay 150 pesos, sa ikaapat na linggo ay 200 pesos. Ibig sabihin, padagdag nang padagdag ng 50 pesos kada lumilipas ang mga linggo. Kung mapapansin mo, pabigat ito nang pabigat habang tumatagal kaya disiplina talaga ang kailangan. Hindi lang sapat ang basta nagtatabi ng pera. Kinakailangan mo pa rin munang i-budget ang lahat para malaman mo kung magkano nga ba ang kaya mong itaya sa 52-week money challenge.
Sabihin nating matapos mo ang challenge na ito na nagsimula ka sa 50 pesos, sa iyong ika-52 na linggo, kinakailangan na 2,500 pesos ang iyong kailangang itabi at matapos ang 52 linggong pag-iipon, ikaw ay makapag-iipon ng halos higit 60,000. O ‘di ba! Bigtime na bigtime ka matapos ang isang taon.
Kung nabibigatan ka sa halaga ng iyong itatabi kada linggo, puwede ka namang magsimula sa 20 pesos muna kaysa 50 pesos agad. Lalo na sa mga bagets na nag-aaral pa, mabigat masyado kung 50 pesos ang itataya n’yo, magsimula muna sa mababa. Paglipas din naman ng 52 na linggo, malaki-laki pa rin naman iyan.
Puwede rin namang gawin ang reverse 52-week money challenge. Kung saan, magsisimula ka sa malaking halaga, kada linggo pabawas nang pabawas ito ng 50 pesos kung itutulad natin sa unang halimbawa na aking naibigay. Maganda ring estilo ito lalo na pagsapit ng ber month, doon maraming gastusin ang dumarating. Para habang patagal nang patagal, pagaan na rin nang pagaan ang iyong itinatabi.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo