AYON sa Kapamilya actor na si Tony Labrusca, may gagawin sana siyang dalawang projects noong April 2020 kung hindi nagkaroon ng covid-19 pandemic.
“May movie at teleserye po sana akong isu-shoot nung April, pero yon, dahil nga sa covid-19 kaya hindi na natuloy,” pagtatapat ng binata nang maka-chat namin siya few days ago sa Facebook Messenger.
Mabuti na nga lang daw at kahit naka-lockdown ay nakagawa pa rin siya ng isang iWant series pagkatapos ng I Am U na pinagbidahan ni Julia Barretto na nag-streaming na rin sa iWant.
“Iba rin talaga ang nagagawa ng technology kasi kahit naka-quarantine kami sa mga bahay-bahay namin nakabuo kami ng Love Lockdown. Now showing na po ito on iWant,” kuwento niya.
Dagdag ni Tony, “Tapos soon may new mini-series din akong gagawin na for sure magugulat ang mga viewers. Ha-ha-ha.”
Pilit naming inusisa kay Tony kung ano yung gagawin niya sa bagong mini-series na kakaiba at ikagugulat ng audience, pero ayaw niyang magbigay ng detalye.
“Basta po. Magugulat sila, ha-ha-ha,” bitin niyang pahayag.
Ibinahagi rin ni Tony sa amin kung ano ang naging realization niya sa pagdating ng covid-19 crisis sa bansa.
Aniya, “Na-realize ko na minsan, wala talaga tayong control. At kahit gusto natin kumapit nang sobrang higpit, sometimes you just need to let go and trust God. Sometimes, you can’t change the situation, but you can change your mindset.”
Ipinagdadasal din daw niya na huwag talaga siyang ma-infect ng kumakalat na virus.
“I would be very scared kasi may asthma ako and not only that, medyo mahina talaga immune system ko. Kaya sana po hindi talaga ako magkaroon ng covid-19,” lahad pa ng aktor.
Excited na ba siya sa pagbabalik trabaho sa after ma-lift ang Moderate Enhanced Community Quarantine (MECQ) at pagharap sa “new normal.”
Tugon niya, “I’m excited, but I’m also anxious. Marami nang bagong rules dahil wala pa tayong vaccine. Pero excited ako for new interesting opportunities that will come up despite the virus.
“Well, marami ng bagong rules. Until there’s a vaccine we all have to learn to somehow adjust sa “new normal.” For artist, I think, medyo tricky kasi laging kailangan ng close contact lalo na on set.
“Sa totoo lang, hindi ko pa alam ano mangyayari, pero I have a lot of mixed feelings. Of course, dapat lahat tayo, we need to be extra cautious.”