SOBRANG MALIGAYA NGAYON ang lovelife ni Bea Alonzo dahil nasa tabi niya lagi ang kanyang karelasyong si Zanjoe Marudo. Hindi na rin biro ang hirap at kalungkutan sa buhay at mga dinaanang relasyon ng magandang aktres, kaya nagwi-wish ang mga malalapit na kaibigan ni Bea na sana ay magtagal sila ni Zanjoe. Alam kasi nilang kakaiba ngayon ang kulay ng mundo ni Bea dahil sa matangkad na aktor. Pansinin daw na sobrang malambing at paseksi ang dating ngayon ng Kapamilya star.
Mabait daw na kaibigan si Bea, kaya masarap siyang ipagdasal na magkaroon ng magandang direksiyon ng lovelife. Sobra na kasing nasaktan ang aktres sa naunsiyami niyang pakikipagrelasyon noon kina Mico Palanca, Jake Cuenca at Gerald Anderson. Nakakakaba rin daw kasi si Zanjoe, dahil hindi ba’t biglaan noon na nagkahiwalay sila ng ex-girlfriend niyang si Mariel Rodriguez? Parang ang lumalabas noon ay si Marudo ang nang-iwan, kaya huwag naman daw sanang mangyari iyon kay Bea.
Matiisin sa buhay si Bea, kaya good karma siya ngayon, lalo na sa showbiz career. Naranasan noon ni Bea na makitira sa kanyang lola na kasama ng isa niyang tita, kaya naranasan din niyang mag-alaga ng bata bilang pakikisama sa pinakikitirahan. Noong nag-aaral pa siya ay naranasan din niya na dalawang beses munang isuot ang palda na uniporme, bago labahan, para makatipid sa sabon. Kasi nga, para huwag na siyang makadagdag sa gastusin ng kanyang mga pinsan. Ngayon, isa na siya sa mga reyna ng ABS-CBN bilang mahusay at sikat na aktres.
HAPPY BIRTHDAY KAY Governor Vilma Santos-Recto. Wala siya sa Pilipinas, dahil nagbabakasyon sa ibang bansa. Kaya naman ‘yung dating nagpapasaya sa kanya na siya ay sinusurpresang batiin ng kanyang mga kaibigan at kakilala ay hindi mangyayari. Kasama niya ngayon ang kanyang husband na si Senator Ralph Recto at ang nag-iisa nilang anak na si Ryan Christian. Sobrang busy ang buhay ng kanilang pamilya, kaya itong bakasyong ito ang regalo nila sa kanilang mag-anak.
Bilang artista at pulitiko, mayroon pang mga pinapangarap na makapagpapaligaya sa kanya ang aming gobernadora sa Batangas. Gusto niyang patuloy na makapagsilbi sa mga tao, at sa kakayahan niya ay patuloy pa siyang makapagpasaya ng kanyang mahal na mga tagahanga. Kasi nga, puro na lang siya pasasalamat ngayon, dahil pakiramdam niya ay ang dami-dami na raw niyang natanggap mula sa Diyos, kaya kailangan niyang maghandog ng kanyang sarili sa kapwa.
Dahil birthday ni Ate Vi, gusto ko lang ipagpasalamat sa kanya kung ano ang mga ipinangaral niya sa akin noong baguhan pa lang ako sa pagsusulat, kung kailan isang tanghali ay nakausap ko siya sa telepono dahil sa tulong ng kanyang sister na si Ate Emelyn Santos. Iyon din ang panahon na may nakaalitan akong isang reporter na Noranian. Sabi ni Ate Vi: “Melchor, mahalin mo ang trabaho mo sa showbiz. Tsaka huwag nang makikipag-away nang dahil lang sa mga ganyang bagay (tapatang Vilma’t Nora).”
Sa ngayon, sobrang mahal ko ang mommy ni Luis Manzano, dahil bukod sa governor namin siya, alam din niya kung paano ako pahalagahan, dahil kilala na niya ako.
ChorBA!
by Melchor Bautista