SIMULA NANG mauso ang Twitter at Instagram, aba, ayaw paawat na rin ang mga tao sa sa paggamit ng #hashtag! Sa bawat post, kanya-kanyang style din sa pag-hashtag. Kahit pati ang Facebook, ang nangungunang social networking site ngayon ay nakigaya na rin.
Ano nga ba ang hiwagang dala ng hashtag at parang hindi ka “in” kapag wala kang ganito sa tweets, photos at status posts mo?
Ang hashtag ay idinisenyo para sa mabilisan at madaliang access sa mga bagay-bagay. Ito ay ginagamitan ng number sign na # kadikit ang kahit ano man ang iyong maisip na ninanais mong mag-trend o basta feel mo lang i-hashtag. Ang hashtag din ay kadalasang ginagamit bilang isang hindi pangkaraniwan at hindi pormal na pagsama-sama para maisagawa ang isang talakayan. Kumbaga ito ang nagsisilbing kuneksyon mo sa lahat ng tao na nasa mundo ng social media. Kumbaga, kung gusto mong mapansin o magpapansin, hashtag lang ang solusyon diyan!
Ang lawak na rin ng pinaggagamitan ng hashtag, magmula sa solo pictures o #selfie, sa fashion, #ootd o outfit of the day, #ootn o outfit of the night, sa pagkain o #foodstagram, sa quotes, #qotd o quote of the day. May mga hashtag na kapit na kapit sa past like #ThrowbackThursday, #WaybackWednesday at #FlashbackFriday. Pero meron din namang handa na mag #Move-on Monday. At kung ang #selfie ay hindi pa sapat, #TitillatingTuesday ang katapat.
Pero sabi nga nila, huwag small-in ang kakayahan ng hashtags, hindi lang naman puro pagpapasikat ang gamit nito. May malaking tulong din itong nagagawa lalo na sa panahon ng mga sakuna. Nitong nagdaang mga kalamidad sa bansa, ginamit na rin ang hashtag para sa mabilisang access sa mga taong kailangan ng rescue, relief operations, donasyon at tulong. Sa pamamagitan nito, ang mga kinatawan ng gobyerno at maging ang mga personalidad na may mabuting loob, ay kini-click na lang ang mga hashtags para makita nang madalian ang listahan ng mga taong nangangailangan ng tulong.
Sino ba naman ang hindi matutuwa sa lakas ng impact ng hashtags sa mga kabataan sa panahon ngayon? Sa isang gamit lang ng simpleng number sign na dati rati sa Math lang makikita, maaari na rin nitong mabago ang iyong buhay. Hindi lang iyan, mas darami pa ang patuloy na mahuhumaling sa paggamit ng hashtag lalo na ‘pag ito ay napunta pa sa trending topic.
Sa ikalawang banda naman, hindi rin maiiwasan ang mga taong nagha-hashtag lang para makigaya, makiuso, makisali at makisawsaw. Kaya nga lang kung minsan, umaabot na rin ito sa punto na ito ay kinaiinisan na rin ng karamihan. Nakatutuwa, nakatutulong at mas nakahuhumaling ang paggamit ng hashtag lalo na kung ito ay gagamitin sa mabuting paraan.
#Hashtag! Hindi tao pero mas sikat pa kay Daniel Padilla. #MedyoBadBoy Truly, Hashtag is now a star! Daig pa nito ang nagkalat na #Selfies. Hindi basta-bastang mapupunta sa #Throwback. Dahil ang Hashtag, hindi na #MedyoTrending, at lalong hindi na rin #BakaMagTrend. Because Hashtag is indeed now the trending topic worldwide.
Si Ralph Tulfo ay isang Communication Arts student sa isang unibersidad sa Metro Manila.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo