MATAPOS ANG sampung buwan ng pagpupuyat, pag-iyak, pagiging stress sa eskuwela, nakarating din tayo sa finish line. Malamang sa malamang, kabilaan ang graduation at recognition ang nagaganap. Kaya, congratulations, mga bagets! Bakasyon na naman! Alam kong pinakahihintay n’yo ito.
Marahil ang iba sa inyo ay magbubukas ng bagong yugto sa buhay at iyon ay ang pagpasok sa kolehiyo. Hindi naman kaila sa atin na panigurado na karamihan sa inyo ay sa Top 4 schools ang target pasukan. At, tatlo sa 4 na top schools na ito ay magbubukas ng Academic Year 2014 – 2015 nang mas matagal. Ang University of Santo Tomas sa Hulyo pa. Ang Ateneo De Manila University at University of the Philippines naman sa Agosto pa.
Halos dalawang buwan hanggang tatlong buwan ang magiging pahinga, ang katanungan, bakasyon ay papalit, ano ang dapat gawin?
Huwag basta-basta maging tambay ng bahay, tambay ng kapitbahay o tambay ng bahay ng kaibigan ngayong bakasyon. Gawing produktibo ito! Kasi ganoon ang pagkakakilala ko sa mga bagets ng henerasyon ko. Kayraming puwedeng subukang gawin tulad ng mga ito.
1. Talent workshops
Ang kabataan ngayon ay ubod ng talentado. Iba’t ibang klase ng kagalingan ang paniguradong pinamamalas nila. Kaya break muna tayo sa mga quizzes, assignment at reporting na kaganapan sa eskuwela. Talent n’yo naman ang ngayon ay hasain sa pamamagitan ng pagsali sa mga iba’t ibang klase ng workshops. Bakit hindi mo subukang sumali sa acting workshops? Mapa-theater o mapa-TV acting workshops, go lang nang go. Malay mo ma-discover ka pa! Kung pagsayaw naman ang hilig, dance workshop ang subukan. Lagyan mo naman ngayon ng twist. Subukan mo namang magsayaw nang hindi mo pa nasusubukan. Kung mahilig ka sa hiphop, mag-ballet ka naman. O ‘di kaya contemporary dance. O kaya, why not ballroom? Kung musika naman ang hilig. Mag-singing workshop na. Samahan mo na rin ng lessons ng mapipili mong musical instruments.
2. Sports classses
Para sa mga kabataan na pagod na kauupo ng higit sa anim na oras sa paaralan, panahon na para maging aktibo ulit ang lahat ng parte ng katawan sa pamamagitan ng pagsali sa mga sports classes. Kayraming sports ang puwedeng salihan! Pero bakit hindi kakaibang sports naman ang pasukan ngayon? ‘Yung tipong hindi pangkaraniwan. ‘Yung sports na tipong puwedeng gamitin pang-self defense gaya ng Muay Thai, Boxing, Jujitsu at Karate. Para naman kahit tapos na ang sports classes mo, lalakas ka na, maipagtatanggol mo pa ang sarili mo! Solve na solve na, hindi ba?
Payong kaibigan lang mga bagets. Nawa’y gamitin sa produktibong paraan ang halos tatlong buwan na walang pasok. Habang bata pa, subukin mong gawin ang mga bagay na hindi mo pa nagagawa noon tulad nga ng pagsali sa mga sports at talent workshops. Panahon na para lumabas sa apat na sulok ng iyong silid. Panahon na para ang angking lakas at talento naman ang paigtingin.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo