DALAWANG TULOG na lang, Marso na. Buwan na ng pagtatapos ng 4th quarter sa eskuwela. Matapos ang halos isang taon na pagpupuyat sa thesis, pagsasaulo ng mga kakailanganin sa pagsusulit, paggamit ng Sabado at Linggo upang magkita-kita kayong magkakaklase para tapusin ang group work, paggising nang maaga para hindi ma-late sa pagpasok at pag-uwi nang gabi galing pagre-research sa school library, mukhang panahon na para sa isang matinding bakasyon grande para sa inyong mga masisipag na estudyante. Dapat sinusulit ang bakasyon. Saan nga ba magandang pagdausan ng summer vacation? O ano nga ba ang magandang gawin ngayong bakasyon?
May tip ako sa inyo mga bagets. Dapat kada taon, may isang bagong bagay kayong nagagawa dahil minsan lang kayo maging isang bagets. Habang bata pa, at malakas pa ang pangagatawan ninyo, bakit hindi n’yo subukang gawin ang mga activities na mag-aalis sa inyo sa comfort zone ninyo. Gumawa ng check list ng mga first time activities na uuntiin niyong kukumpletuhin. Isama n’yo na rin sa check list ang mga suhestiyon ko para sa inyo.
- Mountaineering
Kung makikita n’yo sa inyong social media sites gaya ng Facebook, Twitter at Instagram, trending ngayon ang mga selfies sa buwis-buhay na tuktok ng mga bundok. Tama, in na in ngayon ang pamumundok kasama ang pamilya o barkada. Nariyan kasi ang hamon at sabik sa pag-akyat sa bundok. Kasama rin diyan ang pagsubok na kapag nalagpasan, at narating mo naman ang tuktok, kakaibang saya at fulfillment nito para sa iyo. Para bang once in a lifetime moment ito sa mga bagets na hindi naman professional mountaineers. Kaya, kung gusto ninyo itong subukan, siguraduhin na handa ang iyong pangangatawan dahil isang uri ng extreme activity ang mountaineering. Siguraduhin na mag-research sa mga dapat suotin at dapat dalhin sa pamumundok. Dapat magsimula rin muna sa pinakamadaling akyatin na bundok, huwag sige-sige agad sa mga delikado, at mahirap na akyatin mg mga bundok.
Siguraduhin din na kumuha ng tour guide at professional mountaineer na makakasama n’yo sa kasagsagan ng pamumundok para mas ligtas at mas mapadali ang pagdating sa tuktok ng bundok.
- Mud Karting
Ang mud karting naman ay isa ring maganda at masayang activity. Idagdag mo pa riyan ang iyong makakasama sa kasagsagan ng mud karting experience, ang putik. Tama, ikaw ay magmamaneho ng isang special truck at dadaan sa mga maraming obstacles kasama ang pakikipagsabayan sa mapuputik na daanan.
- Sandboarding
Kung sawa na kayo sa mga water activities pero hinahanap-hanap pa rin ang saya sa surfing. Aba, huwag kayong mag-alala dahil, in na in ngayon ang sandboarding. Para bang surfing ito na may kasamang twist. Dahil gagawin n’yo ito hindi sa tubig kundi sa buhangin. ‘Di ba kakaiba pero mukhang masaya?
Bakit hindi n’yo isama sa inyong checklist ang aking mga nabanggit? Masaya itong gawin lalo na kung first time n’yo itong gagawin ng mga kapamilya mo o ng barkada mo. Kahit sobrang challenging ng mga activities na ito, kakaibang ligaya naman ang dulot nito lalo na kung narating mo ang finish line.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo