Bakit ba ganyan kagaling si Miss Dina Bonnevie? Simple pero mahusay ang paglalarawang maaaring ibigay sa pagganap niya bilang si Malena Rodrigo sa inaabangang soap na May Bukas Pa.
Ipinanganak si Miss Geraldine Schaer Bonnevie noong Enero 27, 1961, mula sa isang French/ Spanish na ama at Swiss na ina. Nasa dugo niya ang pag-aartista dahil isang sikat na aktres bago ang digmaan ang lola niyang si Miss Rosita Rivera. At noong nasa high school naman siya sa Legazpi City, abala siya sa iba’t ibang drama guilds nila. Nang magkolehiyo, kumuha siya ng kursong Communication Arts sa Ateneo de Manila University at nang lumaon, sa University of the Philippines.
Unang napasabak sa aktingan si Miss Dina sa Underage (1980) at nasundan ito ng Temptation Island (1981). Pero mas nakilala siya dahil Katorse kung saan nakasama niya sina Alfie Anido at Gabby Concepcion. Alam n’yo ba na bago siya pumasok ng showbiz, hirap na hirap siyang magsalita ng Tagalog? Oo, bawal daw kasing magsalita nito sa bahay nila. At ‘eto pa, nakilala rin siya sa mga expression n’yang “kadiri to death”, “kilig to the bones”, at “yuck, you’re so baduy.”
Hindi man naging matagumpay ang kanyang lovelife, tagumpay naman si Miss Bonnevie sa kanyang karir. Sa katunayan, ilang awards at pagkilala na rin ang nakuha niya para sa mga remarkable niyang pagganap sa ilang pelikulang tulad ng Tinik sa Dibdib at Magdusa Ka. Pero alam n’yo ba na bukod sa pelikula, eh, may talent din sa pagkanta itong si Ms Dina? Tama, siya lang naman kasi ang nagpasikat ng kantang Bakit Ba Ganyan? na siyang titulo rin ng pelikula niya.
O, kung tatanungin n’yo kung bakit ganyang kagaling at kaganda ang isang Miss Dina, isipin na lang nating malalim ang pinanggagalingan niya. As in core of the Earth, hirit ng isang miron sa Panay Avenue.
Ni Mayin de los Santos
Photos by Yomen and Fernan Sucalit