PARAMI NA nang parami ang mga bagets na talaga nga namang nahuhumaling sa KPop culture o Korean Pop Culture. Kitang-kita ito mula sa pagiging “in” ng mga kabataang Pinoy sa KPop Fashion, KPop Entertainment at maging sa kultura mismo ng mga kapitbahay nating Koreano. Ano nga ba ang mayroon sa KPOP at bakit hit na hit ito sa mga kapwa ko bagets?
KPOP Fashion
Hindi naman natin naitatanggi na may kakaibang panlasa ang mga Koreano at Koreana kapag fashion ang pinag-uusapan. Sa hairstyle, sila ang nagpauso ng mga maiiksing bangs kumpara sa ating nakasanayang haba. Pati ang mga nagtitingkaran na kulay ng buhok ay kanila ring pinasikat. Sa mga kababaihan, pinauso ng mga Koreana ang messy bun at paglalagay ng naglalakihang ribbon sa buhok bilang palamuti. Sa mga kalalakihan naman, pinauso ng mga Koreano ang mala-Anime sa taas-taas buhok effect, katsupoy look, at maniwala man kayo o sa hindi, pinauso rin nila ang mga kulot sa kalalakihan.
KPOP Entertainment
Sa larangan ng musika, sikat na sikat dito sa atin ang mga kanta sa Korea. Kilalang-kilala rin ng mga Pinoy ang mga miyembro ng bawat boy group at girl group na kanilang iniidolo. Sa mga boy groups, tumatak sa mga bagets ang Super Junior na nagpasikat ng best selling single na “Sorry Sorry”. Hit na hit ito hindi lang sa Korea kundi pati rito sa Pilipinas at sa iba pang bansa. Iniidolo rin ng mga bagets ang boy band na Big Bang na nagpasikat naman sa kantang “Lies”. Alam n’yo ba na pagka-release pa lang ng nasabing kanta, nanguna agad ito sa hit chart at namalagi sa unang puwesto sa loob ng pitong linggo.
Sa mga girl groups naman, pinakasikat sa mga bagets ang Girls Generation at 2NE1. Sikat sa atin ang bawat miyembro ng mga nasabing top girl groups dala na rin hindi lang ng kanilang kahusayan sa pagsayaw at pag-awit, kundi pati na rin dahil sa kanilang kagandahan, ‘yung tipong kapag kumanta na sila, may mga ma-ala Barbie na nagpe-perform sa harap mo. Pinasikat ng Girls Generation ang kantang Hot Issue habang Fire naman sa 2NE1. Minsan na ring napamahal sa mga Pinoy ang miyembro ng 2NE1 na may pusong Pinoy na si Sandara Park. Mas kilala sa Korea bilang Dara, siya ay naunang naging artista at sumikat dito sa Pilipinas. Dito pa lang sa bansa, patok na patok na ang kanyang mga pelikula, shows at albums. Kaya naman nang siya na rin ay gumagawa ng sariling pangalan sa Korea, mas dumami pa ang mga Pinoy na humanga sa kanya.
Kung tutuusin hindi naman talaga naiintindihan ng mga Pinoy ang lyrics ng mga kanta sa Korea, pero nakagugulat na memoryado ng Pinoy fans ang mga ito. Bakit? Dala na rin kasi ng may kakaibang beat at madaling sundan na tunog ang mga kanta. Kaya naman sa bawat konsiyerto ng mga Korean groups dito sa bansa, sold-out lagi ang tickets at record breaking ang album sales.
Kultura sa Korea
Kaya siguro in na in sa mga bagets ang KPop dahil na rin sa natuto nang mahalin ng mga Pinoy ang kultura sa Korea. Bukod sa kapit-bahay natin sila, nalalapit din ang kaugalian natin sa kanila. Nariyan ang lubos na pagmamahal sa pamilya. Kilalang-kilala ang Pinoy sa ganyan, maging pati ang mga Koreana at Koreano. May mataas din silang paggalang sa mga nakatatanda gaya natin. At, gumagamit din sila ng po at opo sa Korea.
Kaya siguro ganito na lang kalaki ang fan based ng mga KPop dito sa Pilipinas dahil sa kanilang mala-Pinoy ring kaugalian.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo