SA TUWING eleksyon, tulad ng marami, pinaiiral ko ang matalinong pagpipili ng mga kandidatong aking iboboto. Hindi ko binoboto ang mga kandidato na ang tanging kuwalipikasyon lamang ay sapagkat sila ay nagkataong kamag-anak ng taong hinahangaan ko o dili kaya’y kaapelyido ng mga sikat na tao.
Malaking kawalan para sa ating bayan kapag naiboto ang mga kandidato na wala talaga sa kanilang puso at damdamin ang maglingkod sa mga maliliit nating kababayan at kulang pa sa kaalaman, pero nang dahil lamang sa sulsol sapagkat magagamit ang pangalan ng kanilang angkan, sila ay napipilitang tumakbo at nananalo.
Bagama’t may kasabihan tayo na “kung ano ang puno, siya rin ang bunga” – na nagbibigay kahulugan sa mga anak na nagmamana sa kanilang mga magulang, pero mayroon ding tinatawag sa atin na mga “suwail na anak”. Sa ma-daling salita, hindi lahat ng anak ay kapareho ng ugali ng kanilang magulang.
ANG UNANG pamantayan ko para makuha ng isang kandidato ang aking boto ay dapat may puso siya sa mga maliliit na tao at marunong siyang makaunawa sa kanilang kaawa-awang kalagayan.
Nang kuyugin at lapastanganin ng grupo ni Raymart at Claudine Santiago ang kuya kong si Mon na nakita sa YouTube, ang mga kapatid kong si Ben, Erwin at ako – nang dahil sa bugso ng damdamin at sama ng loob, nakapagbitaw kami sa programa naming T3 ng mga pananalita na ayon sa MTRCB ay isang pagbabanta, kami at ang T3 ay sinuspinde.
Ito ay sa kabila ng pagpapakumbaba namin sa T3 kina-bukasan at paulit-ulit na paghingi ng public apology ma-ging sa mga programa namin sa radyo at mga kolum namin sa dyaryo. Umaasa kami noon na sa sinserong pagpapa-kumbaba naming iyon, maunawaan kami ng MTRCB at hindi na maaantala ang pagbibigay-tulong ng T3 sa mga mahihirap nating kababayan. Pero hindi tinanggap ng MTRCB sa pangunguna ni Grace Poe-Llamanzares ang aming public apology at lalo pa kaming diniin sa pagkakasuspinde hanggang sa umabot sa korte ang aming laban.
Sa aming pagkakasuspinde, bukod sa mga taong lumalapit sa T3 para humingi ng tulong, maraming mga maliliit na empleyado ng T3 ang naapektuhan din at sila ay pansamantalang nawalan ng trabaho.
ANG ISA pang pamantayan para iboto ko ang isang kandidato ay dapat binibigyan niya ng halaga ang damdamin at sentimyento ng sambayanan kaysa sa kapakanan ng malalapit na kaibigan at iilan.
Sa kabila ng todo buhos na suporta mula sa mga mamamayan ng iba’t ibang sektor sa lipunan sa pamamagitan ng social network para sa kapatid kong si Mon at sa T3, nanindigan pa rin ang grupo ni Grace Poe-Llamanzares at idiniin pa lalo ang aming pagkakasuspinde.
Isang barumbadong pulis na minsang isinumbong sa T3 dahil sa pang-aagrabyado sa pobre niyang kapitbahay at kinastigo ng T3 ang kinuha pang testigo ng MTRCB para lalong mapatibay ang pagkakasuspinde sa aming programa.
‘Di mabilang ang mga tagasuporta ng T3 na nagpadala ng text sa amin at nagsabing inaanak daw kasi sa kasal ni FPJ – ama ni Grace – ang mag-asawang Raymart at Claudine bukod pa sa direktor daw kasi ang ama ni Raymart ng mga pelikula ni FPJ. Ang ibig lang sabihin ng mga texter ay matindi ang relasyon ni Grace kina Raymart dahil dito ma-runong siyang tumanaw sa mga pinagsamahan ng pamilya nila? Kung gayon, ito ang isa pa sa dahilan kung bakit hindi ko sasayangin ang aking boto kay Grace Poe-Llamanzares.
Ang kakampi ng mga inaapi – ang T3, ay napapanood sa TV5 Lunes hanggang Biyernes, 5:30 – 6:00pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo