SINO SI Santa Claus? Tanong sa akin ng aming bunso na naglalambing. Bakit Pasko lamang tuwing sya’y kapiling? Kung bakit may Santa Claus? Ito ay hango sa lyrics na kanta at sadyang may katotohanan para sa mga kabataan.
Si Santa Claus ay popular sa ating kultura bilang isang matanda at matabang mama na may puting buhok, bigote at balbas habang nakasuot ng pulang damit na may mga puti sa bawat dulo nito at nakasuot din ng sinturong balat na kulay itim at bitbit ang malaking bag na punung-puno ng mga regalo.
Hayaan n’yong isalaysay ko ang diwa ng Pasko ni Saint Nicolas ang inspirasyon sa ating kinikilalang “Father Christmas” sa ngayon.
Si St. Nicolas ay nabuhay noong may ikaapat siglo. Siya ay isang Griyegong-Kristyanong obispo ng Myra (tinatawag na Demre) sa Lycia, na probinsya ng Byzantine Anatiola, at ngayon ay nasa Turkey.
Ipinanganak at namulat siya bilang tapat na Kristiyano. Ngunit sa ‘di inasahang pangyayari ay hinagupit ng epidemya ang kanyang mga magulang sa kanyang murang edad kahit itinuturing silang isa sa mayayamang pamilya noon.
Lumaki si Nicolas na may puso para sa mahihirap. Katunayan nito ang pagbebenta niya ng kanyang mga ari-arian upang ipamigay rito. Nakilala siya sa buong lupain dahil sa mga gawain niyang mapagkawang-gawa lalo na sa mga bata.
Ibinilango siya dahil sa pagiging tapat niyang tagasunod ni Hesus subalit malaon ay nakalaya rin. Siya ay namatay noong Disyembre 6, AD 325 at nilagak ang kanyang labi sa katedral na dinaluhan ng mga konseho ng Nicaea bilang pag-alala sa kanyang pagiging ehemplong Kristyano.
ANG MGA DEBOSYON KAY SAN NIKOLAS
SA LOOB ng isang siglo ng kanyang kamatayan, siya ay nabantog bilang isang santo. Ngayon siya ay kinilala sa silangan bilang kahanga-hanga, o mapaghimala sa manggagawa. Sa kanluran naman, bilang patron ng mga matatanda at bata, ng mga mandaragat, mga bankero, mga iskolar, mga ulila, mga manggagawa , mga manlalakbay, mga negosyante, mga hukom, mga mahihirap, mga mag-aaral, mga biktima ng baluktot na hustisya, mga bihag, mga tagagawa ng pabango at maging ng mga magnanakaw at mamamatay-tao. Siya ay kilala bilang kaibigan at tagapagtanggol ng lahat ng gulo o pangangailangan.
Ayon pa sa mga alamat, si San Nikolas ay taga-proteksyon sa maraming lugar. Ito rin ang maaring dahilan kung bakit maraming chapel ang ipangalan sa kanya sa iba’t ibang mga piyer. Dahil sa kanyang katanyagan na kumalat simula pa nang Middle Ages, siya ang naging patron ng Apulia (Italy) , Sicily (Grece), Lorraine (France), at maraming mga lungsod sa Alemanya , Austria, Switzerland, Italy, Russia, Belgium, at Netherlands.
Dahil sa kanyang kabutihan at pagiging makatao, maging ang mga Protestanteng-Kristyano sa pangunguna ni Martin Luther ay ipinagpatuloy ang kanyang gawain partikular ang pagbibigay regalo sa mga kabataan na nagbigay inspirasyon kung sino nga ba si Santa sa ating modernong interpretasyon.
Tuwing Disyembre 24 o gabi bago mag-Pasko, pinaniniwalaang si Father Christmas ay bumibisita sa mga bawat bahay upang mamahagi ng regalo sa mga kabataan. Bagamat sa orihinal na selebrasyon ay Disyembre 6 ang pinaniniwalaang nagbibigay-regalo si Santa sa mga bata at nangangailangan.
Oh, ano mga kiddies na makukulit, alam na ninyo kung bakit may Santa Claus? Kaya mga bata kayo ay magpakabait at umasang kayo ay dadalawin ni Saint Nicholas tuwing araw ng Pasko, kaya maghanda kayo ng mga medyas na bagong laba, ha?! Tiyak maghihintay kayo hanggang sa pagputok ng araw hangang sa makatulog, sa wakas ang kaluluwa ni St. Nicholas magkakaroon, kayo regalo tuwing araw ng Pasko.
Sa mga ninong at ninang naman, alam n’yo na ang obligasyon n’yo bilang Santa. Katulad din noong mga bata pa kayo, tumanggap din kayo ng regalo dahil kay Santa Claus. Hohoho! Huwag na kayong magtago, ang babarat ninyo. Hohoho! Maligayang Pasko sa inyong lahat.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia. For comments and suggestions, e-mail: [email protected]
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia