MADALAS TAYONG makarinig sa ating mga OFW na sila ay nakararanas ng pang-aapi mula sa kanilang mga amo sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Ang pangkaraniwang reklamo ng mga kinakawawang OFW na ito ay ang pagtrato sa kanila na parang hindi tao – halos hindi na sila pinagpapahinga, pinakakain ng mga panis na tira-tira at hindi pinapasahuran. At ang pinakamasaklap, nakatitikim pa sila ng pisikal na pananakit.
Maghihimutok man tayo sa galit pero wala tayong magagawa dahil mas kinikilala ng gobyerno ng bansang kanilang pinagtatrabahuhan ang karapatan ng kanilang mga amo kesa sa kanila na nangangamuhan lamang para kumita ng pera sa bansang iyon.
Pero paano naman kaya kung ang mga banyagang among ito pagdating dito sa Pilipinas ay wala pa ring pagbabago at ganu’n pa rin ang pagturing nila sa kanilang mga tauhang Pilipino – inaapi ang ating mga kababayan sa ating mismong bayan? Ano ba ang dapat gawin ng ating gobyerno?
Ang paulit-ulit na inireklamong mga mapang-aping amo sa WANTED SA RADYO ng mga kababayan natin dito ay ang mga tinatawag na GI (Genuine Intsik). Sila ang mga Chinese na mga bagong salta mula sa mainland China at kundi man bulol mag-Tagalog, wala silang alam ni isang salitang Tagalog.
Isang halimbawa rito ay ang 167 HYPERMART – tindahan ng mga umano’y smuggled housewares, cosmetics and medicines mula China na matatagpuan sa Antipolo, Rizal. Ito ay pag-aari ng magkakapatid na Harry Uy, Steve Uy at Peter Uy.
Noong nakaraang Biyernes, 20 tauhan ng 167 HYPERMART ang dumulog sa WSR. Isinusumbong nila ang sobrang baba na pasahod sa kanila at sobrang haba ng oras ng kanilang trabaho – 11 hours per day, six days a week – at walang overtime pay. Hindi rin daw sila binibigyan ng mga benipisyo tulad ng 13th month pay.
Ang masakit pa, kinakaltasan sila sa kanilang kaka-rampot na sahod para sa SSS pero hindi naman ito nire-remit doon. At parang hindi pa nakuntento ang kanilang mga amo sa mga pang-aaping ito, madalas pa silang pinatitikim ng mura.
Ayon pa sa mga nagsusumbong, wala rin daw tiwala sa kanila ang mga may-ari ng kumpanyang kanilang pinagtatrabahuhan dahil ang lahat ng mga supervisory at iba pang magagandang position ay ibinibigay sa mga GI rin.
Makailang beses tinawagan ng WSR ang 167 HYPERMART ngunit tanging isang babae lamang ang aming nakausap na hirap pang mag-Tagalog at nagpapakilala bilang Mrs. Uy. Binigyan niya kami ng pangalan ng isang abogado para tawagan na siyang tumatayong abogado raw ng kanilang kumpanya. Pero nang tawagan ng WSR ang nasabing abogado, tahasang sinabi nito na hindi pa siya abogado ng 167 HYPERMART.
Makailang beses na raw nagsumbong sa DOLE ang ilan sa mga kasamahang trabahador na pumunta sa amin ngunit halos wala rin daw resulta. Ang tanong ngayon, sadyang inutil lang ba ang mga napagsumbungan nilang taga-DOLE o korap lang talaga ang mga ito?
ANG WSR ay mapakikinggan sa 92.3fm, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes 2-4 pm. Ito ay naka-simulcast sa AKSYON TV Channel 41. Ang WSR Aksyon Center ay matatagpuan sa 163 Mother Ignacia St., Barangay South Triangle, Quezon City. Bukas ito Lunes hanggang Biyernes 8-4pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo