NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming texthotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Irereklamo ko lang ang Curuan National High School dahil pinagbabayad po kami ng P705.00 para sa PTA raw po. At may bayad pa po ang pagkuha ng card na P40.00. Sana po ay matulungan po ninyo kami.
Ire-report ko lang po sana ang tambak ng basura sa harap ng Diosdado Macapagal High School dito sa may HHSG North Signal, Taguig City. Nalalanghap po ng mga estudyante at residente rito ang mabahong amoy ng basura.
Gusto ko po sanang ireklamo ang mga guro rito sa Cupang High School dito sa Antipolo City. Kasi po kahit hindi po magpapatuloy sa pag-aaral ang anak ko ay sinisingil pa rin kami ng bayad sa PTA. Hindi raw makapag-e-enroll ulit ang anak ko kung hindi babayaran iyong P450.00, kaya kahit pambili ko na lang ng gamot sa sakit ko ay ipinambayad na lang namin.
Dito po sa Purok 5, Brgy. Palingon Tipas, Taguig City ay inirereklamo namin ang pag-aalaga ng kambing dito sa residential area. Grabe po ang umaalingasaw na amoy ng kambing, wala ka na pong makitang dumaan na hindi magtatakip ng ilong sa tapang ng amoy. Halos tapat pa po ng isang bakery iyong ginawa nilang kulungan sa tabing-daan. Wala pong maglakas-loob na magreklamo dahil malapit sa kapitan ang may-ari ng kambing.
Pakikalampag naman ang mga kinauukulan dito sa lugar namin. Dahil sa sobrang ingay ng tambutso ng mga motor. Halos magdamag namamasada sa tapat ng Manuel L. Quezon High School sa Caloocan. Ang barangay rito ay walang pakialam kahit ‘di na halos makatulog ang mga residente sa ingay.
Gusto ko lang po sanang ireklamo iyong gabi-gabi ay may mga nakatambay rito sa Brgy. Tumana sa Marikina City. Lalo pong dumarami ang mga tambay rito kung kailan nagkaroon ng curfew ang barangay. Kapag may tanod na umiikot ay nagsisitago lang sila at babalik pagkaalis ng mga tanod. Hindi po makatulog ang mga bata dahil bigla na lang silang mag-iingay kaya naiistorbo ang tulog ng mga bata.
Hihingi po kami ng tulong na maialis ang basketball court sa gitna ng kalsada sa Sta. Ines, Plaridel, Bulacan dahil sobrang perhuwisyo po sa amin.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Luneshanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo