Balik eskuwelang problema!

NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming texthotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Reklamo ko lang po ang Diosdado Macapagal High School sa Sto. Domingo, Mexico, Pampanga dahil naniningil ng P850.00 para sa enrolment.

Isusumbong ko lang ang Dela Paz National High School dahil naniningil po ng P150.00 para sa PTA. Hindi  pinipirmahan ang clearance kapag hindi nakabayad.

May reklamo sana ako tungkol po sa card ng anak ko, mag-iisang buwan na pong hindi ibinibigay. Pabalik-balik na po kami roon sa school. Sana po ay matulungan ninyo kami.

Baka puwede pong pakitingnan iyong daanan dito sa Kalayaan, Cembo pati sa West Cembo. Ang daanan para sa tao ay hindi na gaanong madaanan, dahil iyong mga negosyo sa Kalayaan ay sinakop na ang bangketa. Pati iyong mga residente ay ginawa namang garahe at tambakan ng mga gamit nila.

Gusto ko pong ireklamo iyong dalawang tindahan ng LPG sa lugar namin sa Brgy. Saimsim, Calamba, Laguna, dahil residential area po itong lugar namin. Nagdudulot po sila ng sobrang ingay at delikado po kapag may sumabog na tangke.

Concerned citizen po ng Gasan, Marinduque. Reklamo po namin iyong kalsadang binutas-butasan tapos ay pinabayaan na lang. Isang buwan mahigit na pong nakatengga iyong kalsada na iyon. Sana po ay maaksyunan.

Isa po akong concerned citizen dito sa aming lugar sa Brgy. Timbao, Biñan, Laguna. Gusto ko pong humingi ng tulong ninyo upang maiayos ang aming lugar katulad na lang po nitong palengke na halos nasakop na ang daanan ng sasakyan pati na ang mga kulungan ng manok na sobrang baho. Pati ang eskuwelahan dito at day care center ay napalibutan na rin ng mga manok.

Ire-report ko lang po sana iyong talamak na pagputol ng kahoy dito sa Atimonan, Quezon. Ginagawa po nilang uling ang mga napuputol na puno.

May idudulog lang po akong problema rito sa Brgy. Looc, Calamba, Laguna dahil may nagtitinda ng bote-bote ng gasolina sa isang bahay rito. Nakakatakot po dahil baka mahagisan ng sigarilyo at pagmulan pa ng sunog.

Sumbong ko lang po iyong kalsada sa Dagat-dagatan. Mula C3 hanggang Pajo ay mahirap dumaan kasi maraming container van na nakaparada sa bangketa. Marami na pong muntik masagasaan, dahil halos sa gitna ng kalsada na po dumaraan ang mga tao imbes na sa bangketa.

 

Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Luneshanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.

Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.

Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleLiza Soberano, hinihikayat na mag-audition sa bagong Spiderman movie
Next articlePinay transgender Angel Bonilla, wagi sa International Pop Music Festival sa Bulgaria

No posts to display