O, KAY bilis nga naman, halos malapit nang mangalahati ang taon. Akalain mo ‘yon, buwan ng Hunyo na. Parang kailan lang, nagtatatalon at nagkakalembang ng kung anu-ano pa tayo sa pagsalubong ng Bagong Taon. Parang kailan lang din nang ikaw ay sinagot ng nililigawan mo noong Araw ng Mga Puso.
Parang kailan lang din nang natapos ang school year 2014-2015 noong Marso. Parang kailan lang din nang iyong in-enjoy ang halos dalawang buwan na bakasyong grande. Matapos nga lahat ng nabanggit na kaganapan, narito na ngayon, Hunyo na. Balik-eskwela na! Kung puwede lang sana na kagaya tayo nina Phineas and Ferb na may may humigit 500 days of summer vacation, kaso hindi, ‘eh. Hindi talaga.
Kaya ngayong pagbubukas ulit ng pasukan sa eskwela, anu-ano na nga ba ang sumalubong sa atin?
Nariyan ang kunsumisyon na dala ng MRT. Kung kailan naman pasukan, saka ito nagdeliryo nang husto. Noong Martes, Hunyo 2, siyam lang mula sa higit na 20 tren ang tumakbo. At lumala pa ito noong Miyerkules, Hunyo 3, nang tatlo na lang ang tumakbo. Siyam na nga lang ang tumakbo noong una, nabawasan pa at talagang tatlo na lang ang pinabiyahe. Kaya naman sa unang araw ng pasukan, maraming kabataan ang late dumating sa eskwela. Mukhang hindi ito magandang panimula, hindi ba?
Noong pagbubukas din ng eskwela, maraming bagets din ang halos parang mga bata na nawawala sa mall. Bakit? Dahil hindi nila makita ang kanilang section at room sa listahan. Medyo may pahirapan na naganap dahil nga sa K to 12 na ngayong taon na epektibong isinulong. Kaya naman dumami ang bilang ng mag-aaral sa eskwela.
Suwerte na nga ang mga bagets na nahihirapan lang sa paghahanap ng room sa listahan dahil nga sa ibang eskwela, wala naman silang hahanapin kasi wala naman silang classroom. Hindi na lingid sa ating kaalaman na marami pa ring mga paaralan ang hindi handa sa K to 12 dahil sa mga kakulangan ng eskwela gaya ng classrooms na siyang pinakaimportante sa lahat.
Ang mga bagets na transferees sa ibang paaralan ay sinalubong din ng pagkaranas ng anxieties sa buhay dahil nga sa hindi nila inaasahang pagkalipat ng paaralan. Dala pa rin ito ng epekto ng K to 12 dahil nga ang ibang paaralan ay wala nang paglalagyan ng mga panibagong silid para ma-accommodate ang mga grade 11 at 12. Kaya kahit hindi ginusto, dahil rin nga sa no choice sila, kinakailangang lumipat ng mga bagets sa ibang paaralan.
Sinalubong man ang mga bagets ng iba’t ibang pagsubok kahit kabubukas pa lang ng taon sa eskwela, kinakailangang hindi ito maging hadlang sa pag-aaral. Dahil sa alam naman na natin ang madalas na pagkasira ng mga tren ng MRT, humanap ng ibang alternatibong transportasyon at doon sumakay.
Kung marami man kayong ayaw sa pagpapatupad ng K to 12, mag-alay ng kaunting pasensya rito. Maganda rin ang K to 12, kumbaga pagpasensyahan na lang ang mga hindi magandang dulot nito, dahil kumbaga ngayon pa lang talaga tayo nag-a-adjust sa bagong education scheme. Kinalaunan, makabubuti pa rin naman ang lahat ng pinaghirapan mo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo