IPINAGBUNYI ANG paghahandog ng posthumous National Artist award kay Fernando Poe, Jr. Bayaan ninyong saluhan ko kayo ng isang balik-tanaw sa kanya.
Isa sa malaking dahilan ng panalo ni dating Pangulong Erap nu’ng 1998 ay ang tulong sa kampanya ni FPJ. Alam ng lahat, mahigit pa sa magkaibigan ang dalawa. Dahil sa popularidad at charisma ni FPJ, lalong dinumog ang mga pagtitipon ni Erap sa lahat ng panig ng bansa. Ako ang pinaasiste kay FPJ sa lahat ng lakad sa campaign trail. Swak kaming dalawa ‘pagkat pareho kaming malakas manigarilyo at mahilig sa beer. Nagkalapit din kami bilang magkaibigan at turingan ay magkapatid.
Sa pagsumpa ni Erap bilang pangulo sa Barasoain Church, Malolos, Bulacan, si FPJ lang ang ‘di kapamil-yang isinama pa. Ito’y bilang pagtanaw ng utang na loob sa isang kaibigan at kapatid.
Pagkatapos ng makasaysayang okasyon, ‘di na nagpakita si FPJ. Bagay na ipinagtaka ng dating pangulo. Kaya isang araw, pinadalhan niya si FPJ ng isang bagong Mercedes Benz bilang pagtanaw ng pasasalamat.
Ikinagulat ito ni FPJ na agad-agad na tinawagan si Erap. Pare, walang ganyanan. ‘Di ako tumulong para tumanggap ng pabuya. Ginawa ko ang ginawa ko dahil mahal kitang kaibigan. Ito ang wika ni FPJ at pinasauli niya ang sasakyan kay Erap sa Malacañang.
‘Di ko alam ang naging reaksyon ni Erap.
Sa loob ng mahigit na 2 taon, ‘di na nagkita o nagtawagan ang dalawa. Subalit nu’ng umaga ng ouster ni Erap sa Malacañang – January 26, 2001 – unang-unang dumating si FPJ para magbigay ng support sa kanyang kaibigan. Yakapan. Halos nag-iyakan.
Damon at Pythias – ganyan si FPJ at Erap. Isang immortal na pagkakaibigan.
SAMUT-SAMOT
ABA, TILA sineseryoso na ni boxing champ Manny Pacquiao ang pagka-relihiyoso. Kamakailan, nanguna sa isang malaking prayer rally sa Araneta Coliseum at namigay ng Bibliya sa mahigit na 15,000 dumalo. Kung totoo ito, pinupuri namin si Manny. Sana’y ‘di lang publicity gimmick o pakulo. At higit sa lahat, ‘di ningas-kugon.
SA TOTOO lang, pinakamahalagang bagay sa buhay ay good health at peace of mind. Mga ito, ‘di mabibili ng salapi. Lalo na ang good health. Karamihan ay ginugugol ang buhay sa pagkayod nang pagkayod. Pagtanda at magkasakit ang pinag-kayuran ay magugol lang sa gamot at hospital. Ang peace of mind ay nag-uugat sa puso at isip na lapat sa panununtunan ng Diyos at pagmamahal sa kapwa. Kalaban nito’y pagkasakim at pagkaganid. Mga bilyonaryo sa ating paligid ay salat sa peace of mind. Dahil takot sila sa kanilang kayamanan ay magkulang o mawala. Takot ang araw-araw nilang problema.
NGAYON AKO, ikaw bukas. Nakasulat sa lapida ng isang nitso sa North Cemetery. Totoong-totoo. Kaya tao ‘di dapat pakagisuro at lustayin lamang ang buhay sa pagkamal ng kapangyarihan at salapi. Kung anong oras kang nakatakda, walang nakaaalam. Ni mga anghel sa langit. Kaya dapat lagi tayong handa. At gumawa nang gumawa ng kabutihan sa kapwa.
KINATAMARAN KO nang manood ng mga local news program. Puro balita ng patayan, intriga, tsismis at awayan. Nangunguna rito ang TV Patrol. Nakatutok ako sa History at Food channels. Maaliwalas na ba-lita, walang negatibo at very educational. Bakit Pinoy program ganyan? Para bang wala nang magandang nangyayari sa buhay at mundo.
LAMPAS NA ng kalagitnaan ng 2012. Ilang tulog na lang, 2013 na at eleksyon na. Hilong-talilong na ang mga kandidato. Parang kahapon lang ang 2010 eleksyon. Mid-term na ng Pangulong P-Noy. Kumusta na ba ang mga mahihirap na Pinoy at bayan? Mga nangunguna sa surveys ng senador: Loren Legarda, Chiz Escudero, Koko Pimentel, J.V. Ejercito, Jackie Enrile. Magbabago pa ang winning line-up. Abangan.
NU’NG 2002, isinauli ko sa U.S. Embassy ang a-king green card. Pagod na akong magbiyahe taun-taon, ‘pag ire-renew ang card. Kailangan kang tumigil
sa U.S. ng 2 buwan. Ngunit nakakabagot na ang bakasyon. Napuntahan ko na halos lahat ng dapat puntahan kaya nagsasawa na rin ako. Maghapon ako sa bahay, panood ng TV at mag-malling sa hapon. A-yoko namang mag-dual citizen. Kaya ‘yon.
NAPAKAMAHAL NG maintenance medicines ko. Gumagastos ako ng P25,000 isang buwan kasama na ang Insulin. Buti na lang mayroon senior citizen’s discount. Napakalaking tulong. 20% discount ay malaking bagay. Biruin mo ang sitwasyon ng mga isang kahig, isang tuka. Papaano na sila ‘pag nagkasakit ng malubha? Dapat palawakin coverage ng PhilHealth para maisama ang higit na mahihirap.
KAGABI GINISING ako ng masakit na cramps o pulikat sa kanang paa. ‘Di ko ito maigalaw at namimilipit ako sa sakit. Pinamasahe ko ang paa sa aking maybahay ng Katinko ointment. Pagkalipas ng 20 minuto nawala na ang pamimintig at naigalaw ko na ang paa. Ayon kay doc, kasama ito sa mga kumplikasyon ng diabetes na tinaguriang diabetic neuphropathy. Kaya kailangan glucose under control.
NAPAKAHIRAP MAGKONTROL ng glucose. ‘Pag labis kang mag-diet, hypoglycema ang aatake sa iyo. ‘Pag hindi naman, hyperglucema o high sugar na maaari kang mag-diabetic coma. Sa mga natitira ko pang taon, malamang din na matutuklasan gamot sa diabetes. Kagaya ‘yan ng cancer. Konsuwelo maraming diabetic ang humahaba ang buhay dahil sa pag-iingat. Ngunit sa dulo, hahantong din sa malubhang sakit at kamatayan. Sa bagay may kasabihan: “You’ll not leave this life alive.”
PANALANGIN KO’Y mabilis ang pagkuha sa akin ng Diyos. Sa pagtulog, halimbawa. ‘Wag naman akong iratay sa banig nang matagal. Marami akong aabala-hing tao. Ayoko nito. Devotee ako kay St. Therese “The Little Flower” na patron ng tahimik at mabilis na kamatayan.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez