NAGSIMULA NA naman ang campaign period at baha na naman sa mga poste at paligid ng mga lansangan ang pare-parehong pangalan ng mga magkakaanak sa pulitika. Animo’y parang reunion lang noong Pasko na nagsama-sama ang mga magkaka-apelyido. Isa lang ang kahulugan nito. Ibig sabihin ay buhay na buhay na pa rin ang political dynasty sa Pilipinas.
Simulan natin sa mga political ads sa TV. Pansinin ninyo na sa kabila ng napakamahal na bayad sa mga campaign ads sa TV ay nakakayanan pa rin ng isang mayamang pamilya ang maglagay ng mga political ads nila. Tila epektibo kasi ang pag-abot sa mga botante ng kanilang mga pambobola gamit ang television advertisement.
Kung muli tayong magpapabola ay tiyak na sila na naman ang yayaman mula sa kaban ng bayan at ang mga mahihirap ay mananatiling ginagamit lang sa pangangampanya ng mga bulok na pulitiko sa bayan natin. Huwag na tayong magpauto at maniwalang sila ang may kakayahan na ayusin ang bayan natin dahil matagal na sila sa trabahong ito. Matagal na nga sila talaga sa pulitika dahil sa kanilang dinastiya at matagal na tayong naghihirap sa kamay nila.
MALIWANAG PA sa sikat ng araw na ang mga pamilyang may political dynasty ang nangunguna sa listahan ng mga nagnakaw sa ating gobyerno. Ilang Arroyo rin ang nakaupo sa Kongreso noong pangulo pa si Gloria Macapagal-Arroyo at isang katutak na isyu ng ill-gotten wealth ang naipukol sa kanila.
Ngayon, kahit nanatiling naka-hospital arrest si Arroyo ay walang naglakas-loob na lumaban sa kanya sa kanyang balwarte. Unopposed sa kanyang puwesto bilang kongresista ng Pampanga si Arroyo sa kabila ng patung-patong na kaso ng pandarambong ang hinaharap nito.
Tamang katuwiran nga ba ang sinasabi ng marami sa kanila na paghahalintulad ng political dynasty sa mga karera sa trabahong naitatak na ng panahon sa iba’t ibang pamilya?
Ang pagdo-doktor daw ay nasa tatak ng isang pamilya at kasaysayan ng mga ninuno nito. Dahil doctor ang lolo kaya may mga anak na doctor din at mga apong nag-doctor dahil sumunod sa yapak ng mga magulang at ninuno. Ganun din daw ang pag-aabogado.
Minana rin lamang sa magulang, mga tiyuhin at lolo ang karerang abogasya. Sa showbiz man ay masasalamin din ang ganitong takbo ng pagmamana ng karera sa magulang gaya ng mga Gutierrez, Magalona, Sotto, Padilla, Barretto, Santiago, at Valenciano.
NASA DUGO raw ang husay at talento. Tulad ng sa pulitika ay nasa dugo rin daw ang karisma sa tao at pusong gustong mag-serbisyo publiko. Ngunit hindi yata dapat tingnan ang pulitika at public service bilang isang karera kundi dapat ay isang sakripisyo. Hindi dapat yumayaman ang mga nasa serbisyo publiko gaya ng pagdo-doktor at pagiging abogado.
Kahit na sabihin pang may nakapaloob na serbisyo publiko sa pagiging doktor at abogado ay komersyalisado ang mga karerang ito. Ang ibig sabihin ay karamihan sa mga gustong mag-doctor at abogado ay gusto ring gumanda ang buhay. Hindi dapat pagyaman ang nasa isip ng mga nasa pulitika, kundi pagsisilbi sa taong bayan. Ito rin naman ang pangako nila ngunit hindi ito ang nangyayari.
Hindi naman magandang pakinggan na nagnanais maging senador o kongresista ang anak ng isang senador o congressman dahil gusto nilang yumaman at gumanda ang kanilang buhay, ‘di ba? Dapat ay hayaan naman ang ibang tao na hindi bahagi ng dynasty at may tunay na hangaring tumulong sa bayan. Tayong mga botante na dapat ang magwakas sa political dynasty dahil wala na yata tayong aasahan pa sa Anti-Political Dynasty Bill na maging batas ito.
ANO NA ba ang nangyari sa debate sa “Anti-Political Dynasty Bill” na isinusulong ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms? Tila pinasarap lang nila ang usapan at unti-unti ay ibinaon na naman nila sa hukay ito. Ngayong eleksyon na ulit ay walang epekto man lang ang debate sa mga dinastiya sa pulitika. Hindi man lang nagkusa ang iba na ihinto ang dynasty sa kanila habang hindi pa naipapasa ang batas.
Ipinapanukala nito na ipagbawal ang pagtakbo sa parehong eleksyon ang magkapamilya o kamag-anak hanggang second degree of affinity, kung saan incumbent ang isang miyembro ng kanilang angkan. At mauuwi naman sa isang draw lots o bunutan kung ayaw magbigayan ng magkapamilyang kakandidato. Ngayon, kung titingnan ninyo ay parehong-pareho pa rin ang istilo nila gaya ng dati. Lahat ng puwesto ay tatakbuhan ng kapamilya habang ang ama ng tahanan ay nasa posisyon pa rin para solid ang suporta sa pondo at tao.
Kung talagang tapat sa tungkulin ang mga mambabatas natin ay hindi dapat ito maging isyu sa kanila. Tama lang na magkaroon ng ganitong regulasyon para hindi maabuso ang pera ng bayan na nasa kanilang pangangalaga at kapangyarihang ibinigay sa kanila ng ating Saligang Batas. Dapat nga sana ay nagkukusang-loob na sila na buwagin ang kani-kaniyang political dynasty. Dapat sana ay mahiya na sila.
ANG SISTEMANG demokratiko ay malawak ang kahulugan. Bahagi ng kahulugan nito ay ang paglilimita ng sarili at pamilya sa kapangyarihan at pagpapasa nito sa iba pang miyembro ng lipunan na handang magbigay ng sarili para sa bayan.
Hindi dapat isipin ng mga pulitiko na ang pamilya o angkan lang nila ang may kakayahang mamuno o may karapatan sa puwestong iiwanan ng magulang o kamag-anak. Ang paglilingkod sa bayan ay bukas para sa lahat. Tungkulin ng bawat pulitikong naglilingkod nang tapat sa bayan na ipasa ito sa ibang mamamayan na hindi pumapabor sa kanilang interes, pamilya, o angkan!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo