DECEMBER 14, 2004 ay pumanaw ang tinaguriang “The King” sa pelikulang Pilipino. Namatay siya sa atake sa puso mula sa isang salo-salo. Marami ang nagsabi na dala umano ito ng pagkatalo niya sa pulitika. Ang dating sikat na actor na si Dindo Fernando ay tumakbo sa pagka-senador ngunit natalo rin siya at kalaunan ay inatake rin sa puso. Ngunit ang pagkatalo ni FPJ ay dala umano ng dayaan. Tila dinamdam nang husto ni FPJ ang pagkatalong ito dahil ang bida ay hindi nanaig sa kontrabida. Isang reyalidad kung saan sa pulitika, tila ang masasama ang naghahari.
Noong naglaban sa pagka-pangulo si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Fernando Poe, Jr. o mas kilala sa tawag na FPJ, naging mahigpit ang laban at namiligro ang pagtuloy ni GMA sa kanyang ikalawang termino.
Binalot ng isang malaking pagdududa ang pagkatalo ni FPJ kay Arroyo dahil sa lumabas na voice recorded conversation sa pagitan ni Arroyo at dating COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano. Ang “Hello Garci” scandal ay naging sapat na para sa marami nating kababayan na paniwalaang si FPJ ang tunay na nanalo sa 2004 presidential election.
Mahirap talagang talunin ang isang “The King” o hari ng pelikulang Pilipino dahil si FPJ ang naging sandalan ng maraming tao sa mga istoryang tumakbo sa takilya. Para sa lipunang Pilipino, kung saan ay marami ang mahirap, tanging sa mga pelikula lamang nakasusumpong ng munting kaligayahan at pag-asa sa buhay ang mga maralitang manggagawa. Si FPJ ang natatanging bida sa kanilang buhay. Bukod dito ay marami ring nagpatotoo sa tunay na buhay sa mga bagay na ginagawa ni FPJ para makatulong sa mga kasamahan niya sa industriya.
NANG SUMABAK si FPJ sa pulitika ay naging madali para sa marami na ituring siya bilang isang tagapagtanggol sa mga mahihirap sa bayan. Mula sa pagiging tagatanggol ng mahihirap sa pelikula ay marami ang naniwala sa kanya na siya ang kinakailangang ng ating bansa.
Ngunit hindi rin naging madali ang lahat para kay FPJ dahil mayroong mga kalaban sa pulitikang ginamit ang kanyang kakulangan sa pag-aaral para pulaan ang kanyang kakayahang pamunuan ang ating bansa. Sa panukatang ito, hindi nagwagi si FPJ dahil ang paniniwala ng iilang mga kritiko ay ang hindi niya pagtatapos sa pag-aaral ay isang malaking kakulangan sa pagka-pangulo.
Ngayon naman na ang anak ni FPJ ang tatahak sa landas ng pagka-pangulo, sa ibang anggulo naman siya tinitira ng mga kalaban. Hinahanap talaga ng kalaban ang anumang butas at kahinaan ng anak ni FPJ dahil siguro sadyang mahirap kalaban ang anak ng panday.
Sa lahat ng mga survey noon na naglalabasan kaugnay sa nalalapit na eleksyon sa 2016, ang anak ng panday na si Senadora Grace Poe ang nangunguna. Ngayon, sa isang iglap, matapos ang pag-ugong sa usaping pagtakbo ni Mayor Rodrigo Duterte sa pagka-pangulo, nawala sa unang puwesto si Sen. Poe at ang pangalawang pangulo ng bansa na matagal ding nanatili sa unang puwesto sa mga surveys ay pumangatlo na lamang. Si Sen. Poe ang malaking banta sa pagka-pangulo nina VP Binay at Mar Roxas, ngunit ngayon ay isang mala-action star sa tunay na buhay ang nangunguna.
Ang muling pagsabak ng isang Poe sa pagka-pangulo ay isang mas handa at mas malakas na anak ng panday ang sasagupain ng mga pulitikong magtatangkang lumaban sa pagka-pangulo sa darating na eleksyon.
Kung dati ay hinahamak si FPJ dahil sa kakulangan niya sa edukasyon, ang anak niyang si Sen. Poe ay hindi maaaring hamakin ng sino man sa aspetong ito. Nagtapos si Sen. Poe ng kursong Political Science sa University of the Philippines, Diliman. Ito ang pinakamahusay na unibersidad sa Pilipinas.
Nag-aral din sa pagka-masterado sa Public Administration sa ibang bansa si Sen. Poe at hindi matatawaran ang talinong ipinamamalas niya simula nang tumuntong ito sa serbisyo publiko. Ang kanyang kakayahan bilang isang senador ay naging kapuri-puri rin sa mata ng maraming Pilipino. Maaaring sabihing hindi na bagito ito sa serbisyong bayan dahil sa karanasan niya bilang chairman ng MTRCB at senador, kung saan ay pinamunuan niya ang mga sensitibong isyu ng bansa gaya ng Mamasapano massacre at pork barrel scam sa Senado.
SI POE na nga sana ang bagong bida sa pulitika ngunit ang isyu ng pagka-natural born Filipino at kakulangan sa Philippine residency ang sumusubok sa kanya ngayon. Naging dagdag pa sa kalaban niya ang isang Mayor Duterte na umaaming pumapatay siya ng masasama at kriminal sa tunay na buhay. Isang action star at bida sa tunay na buhay.
Ang pagiging babae ni Poe ay isang malaking karagdagang karisma sa kulturang Pilipino. Sa ating kultura ay matagal nang binibigyang-halaga ang mga babae. Sa panahon ngayon ay mas lalo pang binigyang-importansya ang kontribusyon ng mga kababaihan sa lipunan. Kaya rin naman madali para kina dating pangulong Corazon Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo ang makasuyo ng mga tagahanga at tagasuporta.
Ang katapatan, pagiging mahinahon at mapagmahal ang tila angking katangian ng isang babaeng sumasabak sa serbisyong bayan. Ngayong binabalot ng isyu ng korapsyon si VP Binay at maraming pulitiko, sakto namang isang matapat na babae sa katauhan ni Sen. Poe ang bumibida sa taong bayan. Mahirap na katapat talaga ang anak ng Panday kaya sa mga isyung teknikal siya binabanatan ng kalaban. Ang mga teknikalidad ng pagiging kuwalipikado sa pagka-pangulo ang ginagamit ng mga kalaban ni Sen. Poe ngayon.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo