NOONG APRIL 8, 2014, idineklara ng Korte Suprema na konstitusyonal ang Reproductive Health Law (liban sa pitong probisyon). Ating balikan kung anu-ano nga ba ang mga benepisyong maidudulot ng pagkakapasa ng RH Law lalo na para sa mga Pilipina.
Ayon sa desisyong inilabas, ang mga sumusunod na probisyon ng RH Law ay konstitusyonal at maaari nang simulang ipatupad.
Isinasaad sa batas na ang gobyerno ay dapat na magbigay ng libreng serbisyo at kagamitan o gamot na may kinalaman sa reproductive health. Dapat ding mabilang sa Philippine National Drug Formulary ang mga contraceptive pills, IUD at iba pang produkto para sa family planning. Kailangan na ring ituro ang reproductive health education sa mga paaralan.
Subalit ano ba ang tunay na benepisyong makakamit ng pangkaraniwang Pilipina sa pagpapatupad ng RH Law?
SA PAG-AARAL ng National Demographic and Health Survey mula taong 1993 hanggang 2008, lumabas ang resulta na nasa grupo ng mga mahihirap ang pinakamalaking porsyento ng kababaihan na hindi masaya sa dami ng kanilang anak. Nakita sa survey na ito na maraming ina na mula sa mahihirap na pamilya na may maraming anak ay mas gugustuhin na kaunti lang ang mga naging anak nila.
Ano ang implikasyon nito sa pagsasabatas at pagpapatupad ng RH Law? Ngayon ay magkakaroon na ng pagkakataon ang kababaihan na makontrol ang dami ng magiging anak nila dahil libre nang maibibigay ng gobyerno ang mga contraceptives na kailangan. Noon kasi ay hindi ito libre at kung ang pera ay sapat lamang o kulang pa nga para sa pagkain ay uunahin mo pa ba na bumili ng pills o magpalagay ng IUD? Binibigyan ng RH Law ang kababaihan ng pagkakataong makapagdesisyon.
ISANG PROPESOR mula sa Unibersidad ng Pilipinas ang nagkuwento tungkol sa nakilala niyang ina sa probinsiya na nagrereklamo na bakit kahit binigyan daw siya ng pills sa barangay health center upang mapigilan ang pagbubuntis ay tuluy-tuloy pa rin ang pagbubuntis niya. Ang pills ay ibinigay lang sa babaeng ito na walang paliwanag man lang kung para saan o kung paano inumin ang naturang gamot. Mula sa pagtatanong ng propesor ay nalaman niyang umiinom lang pala ang babae ng pills tuwing bago sila magtalik ng kanyang mister. Kaya naman pala nagbubuntis ito ay dahil mali at hindi naipaliwanag ang tamang pag-inom ng contraceptive pills.
Sa kuwentong ito makikita natin kung gaano kahalaga ang papel na ginagampanan ng edukasyon sa pagkontrol ng pagdami ng anak. Hindi sapat lang na bigyan ng gamot o remedyo ang kababaihan. Mahalaga na maipaliwanag at maipaintindi nang husto ang mga benepisyo at tamang paggamit ng contraceptives at birth control methods.
Ito rin ang linya ng argumentong ginagamit kung bakit nais ng RH law na maging mandatory ang pagtuturo ng reproductive health education sa mga paaralan. Kailangang maging handa ang mga kabataan sa tamang pagpili sa mga bagay na may kinalaman sa reproductive health. Hindi nito itinuturo na maging mapangahas ang mga kabataan. Sa katunayan ay tuturuan nito ang mga kabataan na gumawa ng responsableng mga desisyon ngayon at sa hinaharap.
MARAMI ANG mga argumento na bumabatikos sa RH Law. Maingay na maingay ang simbahan sa pagtutol dito. Walang tigil ang mga debate na pabor at kontra sa isyung ito. Subalit ang mahalaga ay ang kapakanan ng kababaihan at kabataan. Karaniwang argumento ng simbahan ang karapatan ng ‘di pa ipinapanganak na sanggol. Madalas nilang sabihin na karapatan nito ang mabuhay. Kasama ba sa karapatang ito ang maipanganak sa isang pamilyang hindi ito kayang buhayin sa isang marangal na paraan? Kasama rin ba sa karapatang ito ang hindi makakain o makapag-aral ang batang ito dahil hindi siya planado at hindi na kayang tustusan ng magulang?
Isinulong at ipinatupad ang RH law upang tugunan ang patuloy na tumataas na bilang ng mortality rate ng mga ina at mga batang namamatay dahil sa kakulangan ng kaalamang may kinalaman sa reproduksyon. Ating linawin na hindi saan man nakasaad sa batas na ito ang pagpabor sa aborsyon. Layon ng batas na ito na bumaba ang bilang ng kababaihang namamatay mula sa komplikasyon sa pagbubuntis at panganganak.
Ang kababaihan ay isang napakahalagang bahagi ng ating lipunan. Sila ang nagdadala at nagpapalaki ng mga bata na magiging pag-asa ng ating bayan. Subalit kung ipagpapatuloy ang pagwawalang bahala sa kanilang karapatang pang-reproduktibo, anong klaseng kinabukasan ang naghihintay sa kanila at sa kanilang anak? Sapat na panahon na ang 14 na taon upang pagdebatehan ang batas na ito. Panahon na upang patuloy na pagyamanin ang RH law sapagkat ito ang batas na tuluyang mag-aangat sa kababaihan tungo sa pedestal na dapat nilang kalagyan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ang inyong lingkod ay napanonood din sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At sa Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 4:45 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo