ANG BILIS talaga ng panahon. Parang kailan lang ay una nating narinig ang salitang “tuwid na daan”. Ngayon sa huling State of the Nation Address (SONA), marahil ay maririnig natin ang “tuwid na daan” sa huling pagkakataon. Sa inaabangang SONA ngayong araw ni Pangulong Aquino, tiyak na marami ang makikinig kung paano magtatapos ang “tuwid na daan” at sino ang magtutuloy nito. Paano nga ba nagsimula ang “tuwid na daan” at paano ito magtatapos?
Ang panunungkulan ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang malaking dahilan kung papaano nabuo ang kaisipang “tuwid na daan”. Ang 9 na taong pagka-pangulo ni GMA ay napuno ng kontrobersya, isyu ng katiwalian, at matitinding batikos sa korapsyong naganap. Naging mahabang kalbaryo ito para sa mga mamamayan at tila ang kasabikan sa maayos na pamumuno ay kay tagal hinintay ng lahat.
Noong papalapit na ang pagtatapos ng termino ni GMA ay binalot pa rin ito ng pangamba na baka magkaroon ng pagbabago sa Saligang Batas na magpapalawig pa sa kapangyarihan ni Arroyo gamit ang isang bagong parliamentong pamahalaan. Hindi man ito nangyari ay nagpalawig pa rin ng kapangyarihan si Arroyo, ngunit hindi sa pagka-pangulo, bagkus ay sa pamamagitan ng pagtakbo sa Kongreso.
ANG TINGIN ng marami ay kailangang-kailangang makabangon ng Pilipinas sa reputasyon ng pagiging isa sa mga kinikilalang “most corrupt country” sa mundo. Sa isang international study at survey na tumukoy sa mga kurakot na bansa sa buong mundo, nakalulungkot na ang Pilipinas ay naging bahagi ng listahang ito.
Minsan na ring nailagay tayo sa top 1 dito, kaya naman labis na pinuna ang adminitrasyong Arroyo at binansagang pinakakurakot na administrasyon sa kasaysayan ng Pilipinas. Taliwas ito sa legasiyang iniwan ng ama ni Gloria na si dating pangulong Diosdado Macapagal bilang “the incorruptible president”.
Sa pagtakbo ni Pangulong Aquino ay ginamit niya ang ideyang “tuwid na daan”. Sa isang mahabang political advertisement ay nagsama-sama ang mga malalaking artista at personalidad sa pagtunton ng isang tuwid na daan at ito ay pinamunuan ni PNoy, hawak ang isang sulo ng apoy para magbigay-liwanag sa paghanap ng tuwid na daan. Walang duda na naging matagumpay ang estratehiyang tuwid na daan sa presidential election noong 2010.
Dito na nagsimula ang kampanyang tuwid na daan ni PNoy upang patakbuhin ang kanyang administrasyon sa loob ng 6 na taon. Upang maipakita ang ideya ng tuwid na daan ay kinasangkapan ni PNoy ang mga isyu ng katiwalian sa administrasyong Arroyo. Kaya naman walang tiggil na paninisi at pagtuturo ng kamalian ang naging bungad ng pamahalaang may tuwid na daan.
ANG TUWID na daan ni PNoy ang nagbigay-daan para maipakulong at maalis sa kapangyarihan ang mga dating kaalyado ni GMA. Ang mismong dating pangulo ay hindi nailigtas dito gamit ang kanyang bagong kapangyarihan sa Kongreso. Ipinahuli siya at gaya ng mga ordinaryong kriminal ay kinuhanan siya ng finger prints at mugshots sa NBI.
Katakut-takot na mga kaso ng economic at election sabotage ang ikinaso ng tuwid na daan sa kanya, kaya hanggang ngayon, makalipas ang 6 na taon ng tuwid na daan, ay nakapiit pa rin si Arroyo sa isang hospital arrest at kamakailan lang ay pinagbigyan sa isang house arrest.
Naalis din sa kapangyarihan bilang Chief Justice si Renato Corona at ngayon ay nahaharap din sa kaso ng katiwalian sa Office of the Ombudsman. Ang mga kilalang senador at ilang kaalyado ni Gloria ay naipakulong din ng tuwid na daan.
Ang naging puna lamang sa tuwid na daan ni PNoy ay tila “selective justice” lamang ang nangyari. Ang mga kaalyado ni PNoy na kasama dapat sa kinasuhan hinggil sa pork barrel scam ay nanatiling protektado sa likod ni PNoy. Ang pagiging hindi patas ng Department of Justice sa mga kalaban at kaalyado ng Pangulo ay naging malaking isyu at pintas sa tuwid na daan ni PNoy.
ANG PAMAHALAANG “tuwid na daan”ay naging biktima rin ng maraming trahedya. Hindi pa man din nakauupo si PNoy bilang pangulo ay sinalubong na ito ng delubyong dala ni bagyong Ondoy. Dahil dito ay nagbaha sa buong Metro Manila kung saan naitala ang pinakamalakas na buhos ng ulan sa kasaysayan ng bansa. Marami ang namatay sa pagkalunod dala ng bahang ito.
Bago naman magtapos ang termino ni PNoy ay muling pinaranas ito ng mas malakas at malupit na bagyong Yolanda sa Kabisayaang bahagi ng Pilipinas. Naitala sa probinsya ng Leyte at Lungsod ng Tacloban ang pinakamaraming bilang ng namatay sa bagyo sa kasaysayan ng trahedya ng bagyo sa Pilipinas. Halos umabot sa bilang na 10,000 katao ang namatay at hindi na nakita pagkatapos ng bagyong Yolanda.
ANG ISYU ng agawan sa teritoryo sa mga kalapit na baybayin ng Pilipinas ay naging mainit din sa termino ni PNoy. Mas naging agresibo ang China sa kanilang pagkontrol sa mga isla na matatagpuan sa China Sea o West Philippine Sea na napaloob sa tinawag nilang 9 dash line. Marahil ay naging salik ito para sa mga ginawang pagbili ng mga barkong pandigma ng Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon.
Sa pagtatapos ng termino ni PNoy, saan na mapupunta ang tuwid na daan? Paano kaya haharapin ng bagong administrasyon ang laban ng Pilipinas sa nagaganap na pambu-bully ng China. Mahalaga na maituloy ang laban na ito dahil malaki ang epekto nito sa ating kasarinlan bilang isang bansa. Ang mahalagang tanong ngayon ay… magkakaroon kaya ng bagong daan sa dulo ng tuwid na daan?
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo