BATANG 90’S ang tawag sa henerayon ng mga bagets na ipinanganak noong taong 90’s. Kasama ako riyan! At marahil karamihan sa mga nagbabasa sa inyo nito ay batang 90’s din. Siyempre may bias na nang kaunti, pero para sa akin da best ang mga Batang 90’s, kasi nasaksihan nila ang tunay na kasiyahan ng buhay. Kung babalikan mo ang mga kinagawian ng mga batang 90’s, masasabi mo na ang babaw lang pala ng kaligayahan namin.
Nariyan ‘yung masaya na kami sa paglalaro ng mga texts at pogs, jackstone, chinese garter games gaya ng 10, 20 at 1×1, tumbang preso, agawan base, piko, at tagu-taguan. Hindi kami maluho sa mga kagamitan. Hindi kamahalan ang mga laruan na nagpapasaya sa amin. Kung ngayon, iPad ang hawak ng bawat bagets, karamihan sa mga kalalakihan ang hawak ay brick game, nag-e-enjoy na sa paglalaro ng tetris, habang sa mga kababaihan naman ay mga tamagotchi ang hawak habang punong abala sa pag-aasikaso ng kanilang alaga sa tamagotchi.
Kababanggit ko lang sa mga kinahiligang laruin ng mga Batang 90’s versus sa iPad na popular na popular sa ngayong henerasyon. Ngayon, akin namang iisa-isahin ang mga favorite tambayan ng mga bagets noon.
Kung ang mga bagets ngayon na nasa 12 hanggang 15 taong gulang ay nakararating na sa mga beach o nakapag-a-outing na kasama ang barkada, ang mga Batang 90’s, diyan lang sa tabi-tabi ang kanilang pinupuntahan. Kadalasan, hindi pa barkada ang kasama nila, pamilya pa nila o mga pinsan nila na ka-edad nila. ‘Yon ang mga barkada ng mga Batang 90’s.
Hindi puwedeng mawala sa listahan ang sikat na sikat na Virra Mall sa Greenhills. Bago pa magkaroon ng Shang, Promenade, Bonifacio High Street at SM Aura ang mga bagets ngayon, mayroon munang Virra Mall! Ang Vira Mall sa Greenhills ay ang pambansang mall ng mga bagets noong 90’s! Dito sila kadalasang tumatambay, nagliliwaliw, kasama ang pamilya at kaibigan.
Kung ang bagets ngayon ay sa Enchanted Kingdom o kaya sa Star City agad ang punta kung gusto ng buwis buhay na trip, para sa mga Batang 90’s, hinding-hindi nila ipagpapalit ang saya ng naibigay ng Fiesta Carnival sa Cubao. Katapat lang ito ng SM Cubao, kaya kung minsan, may mga batang 90’s na nagpapaiwan na lang sa Fiesta Carnival at hindi na sumasama kina mommy at daddy na mag-grocery o mag-shopping sa SM. Sa halagang 20 pesos per ride, na-e-enjoy na ng mga bagets ang mga masasayang rides sa Fiesta Carnival gaya ng Vikings at Disco.
Certified Batang 90’s ka kung una mong beses pinanood ang COD o Christmas on Display sa Cubao at hindi sa Greenhills. Ito ‘yung mga panahon pa na taun-taon bumibisita ang pamilya mo sa Cubao, habang sasampa ka pa sa balikat ni Daddy upang makakuha ng magandang view ng COD. Batang 90’s ka na rin kung minsan inakala mo pa rin itong nasa Cubao kahit nasa Greenhills na ito talaga.
Iilan lamang ‘yan sa mga Batang 90’s tambayan. Mahaba pa ang listahan ko, kaya sa ngayon, ‘yan muna ang inyong balik-balikan. Sa susunod, samahan n’yo rin akong ma-miss ang iba pa.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo